UMAPELA si Manila Mayor Isko Moreno sa mga tiwaling indibidwal na tigilan ang pang-i-scam sa mga food delivery services sa pamamagitan ng mga pekeng orders dahil aniya, mga riders o delivery boys ang nagdurusa dito at hindi siya.
Pinayuhan nya rin ang mga food apps at delivery riders na huwag pansinin ang anumang transaksyon gamit ang kanyang pangalan upang makaiwas sa sakit ng ulo.
Iginiit ni Moreno na kahit na minsan ay hindi siya umorder ng pagkain sa mga restaurants dahil ang pagkain niya araw-araw ay niluluto mula sa mismong kusina sa kanyang tanggapan. Sinabi ng kanyang executive assistant na si Weng Santiago na simpleng ‘lutong bahay’ ang pagkain ng alkalde sa halip na mga putaheng galing sa mga restaurant at food establishments.
Binanggit din ni Moreno na wala siya kahit na isang account ng mobile app ng mga food deliveries. Muli ay inulit ng alkalde ang kanyang pakiusap na huwag pansinin ang anumang transaksyon gamit ang kanyang pangalan at tanggapan.
Nabatid na nitong linggo lamang ay may limang pekeng delivery orders ang dumating sa tanggapan ng alkalde. Nagsimula ito noong Lunes ng hapon kung saan dalawang pekeng orders ang dumating.
Inutusan ni Moreno si Santiago na bayaran ang dalawang order ng pizza matapos malaman ng alkalde na ang sasagot ng bayad nito ay ang delivery rider kung hindi nila ito babayaran. Ang order na nagkakahalaga ng P1,000 bawat isa ay nagmula sa pareho ding establishment pero magkaibang branch. Ang pizza ay pinakain ng alkalde sa mga empleado.
Dahil sa pangyayaring ito, binilinan ni Santiago ang mga staff sa receiving counter na kapag may dumating uli na fake orders ay kaagad na kontakin sa kanyang tanggapan si LtCol. Jhun Ibay ng Manila Police District- special mayor’s reaction team (SMART) upang malaman at matukoy kung saan nag-ugat ang ganitong scam.
Noong Huwebes, July 8, tatlong pekeng orders ang sunod-sunod na dumating simula alas-12:10 p.m, 12:33 p.m. at 12:43 p.m. Ang may-ari ng fake account na gumawa ng pekeng order at naghabilin pa na: “Pakidala po sa mayor’s office thank you pa assist nlng po kayo.”
Ang orders na ginawa mula sa isang fake ‘Isko Domagoso Moreno’ account at para sa isang pork dish, drinks at pizza, prinoseso gamit ang international mobile numbers. Sa tatlong order na nabanggit tanging ang pizza delivery boy lang ang nabayaran dahil hindi na bumalik ang dalawang delivery riders sa tanggapan ng alkalde matapos imbestigahan ang mga ito.
Samantala, ikinalungkot ni Moreno ang pangyayari dahil aniya sa kabila ng dinaranas na pandemya kung saan lahat ay nagdurusa ay mayroon pang mga nilalang na walang kunsensya at nagagawa pang manloko ng kapwa lalo na ng mga riders na nagtratrabaho ng parehas. (ANDI GARCIA)
The post APELA NI ISKO: ‘WAG MANG-SCAM NG FOOD DELIVERY SERVICES appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: