PINAGLAMAYAN ng tatlong araw ang isang bangkay na kalauna’y napag-alaman na Covid-19 positive pala sa Guiguinto, Bulacan.
Dahil dito, nalalagay sa peligro ang kalusugan ng magkakaanak at mahigit 100 iba pa na dumalo sa burol.
July 11 nang isugod sa ospital si Maria Katrina Santos, 34, dahil sa pamamanhid ng katawan. Mula sa Polymedic Hospital sa Bulacan, agad siyang inilipat sa Bulacan Medical Center kungsaan nakitaan siya ng pagdurugo sa parte ng utak.
Binawian si Santos ng buhay kinabukasan. Pumayag naman ang pamilya niya na i-swab siya.
Bagama’t wala pang resulta ang swab ay nailabas ang bangkay ni Santos sa ospital at ibinurol. Nalaman lang daw ng mga kaanak ni Santos na Covid-19 positive siya nang bumalik sa ospital para ipaayos ang mali sa death certificate nito.
Nagtaka raw ang mga kaanak ni Santos dahil wala naman itong sintomas ng Covid-19 nung nabubuhay pa.
Dahil dito, agad na ipina-cremate ang bangkay ni Santos. Ayon sa patakaran ng Department of Health, dapat sa loob ng 12 oras ay naki-cremate na ang isang tao na namatay sa Covid-19.
Samantala, isinailalim sa home quarantine ang pitong pamilya o 18 kaanak at kapitbahay ng namatay.
Sa ngayon, wala ni isa man sa kanila ang nakararanas ng sintomas bagama’t apektado ng quarantine ang kanilang pamumuhay.
Aabot daw sa mahigit 100 ang pumunta sa burol at mga nakasalamuha nila. Hindi pa sila sumasailalim sa anumang Covid-19 test.
Dahil sa nangyari at abalang dinulot nito, plano ng pamilya na magsampa ng reklamo laban sa Bulacan Medical Center.
Sa pahayag naman ng Bulacan Medical Center, sinabi nitong taos-puso silang nakikiramay sa pamilya ng namatay. Lahat daw ng pasyente ay itinuturing na Covid-19 suspect at sumasailalim sa test.
Inamin ng ospital na nagkaroon ng kakulangan sa koordinasyon at sa kasamaang palad ay na-release ang bangkay ng pasyente kahit hindi pa na-verify ang resulta ng swab test.
Pinagpapaliwanag na raw ang empleyado na nag-release ng bangkay para malaman ng pamunuan ng ospital ang aksiyon na maaaring gawin.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamahalaan ng Guiguinto sa insidente.
The post Babae 4 araw pinaglamayan, Covid-19 positive pala appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: