UPANG higit na mapabilis at maayos ang pagpapabakuna sa mamamayan ng Taguig City ay pormal nang inilunsad ng lokal na pamahalaan ang panibagong ‘accessible vacination’ para lalong higit na mapangalagaan ang kaligtasan sa panahon ng pandemya.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, ang nasabing karagdagang public service ng pamahalaan na tinaguriang ‘Bakuna Nights’ ay inilaan nilang ‘extended hours’ upang matulungan ang ibang workers na hindi makapunta sa vaccination sites habang office hours.
Dito sa inilunsad na ‘Bakuna Nights’ ay malaki ang tiyansa ng mga manggagawa na makapagbakuna pagkatapos ng kanilang trabaho dahil ito ay magtatagal hanggang alas-12 ng hatinggabi.
Ayon kay Cayetano, umaabot sa mahigit isang libong indibidwal ang nababakunahan araw-araw kaya’t mababa ang Covid cases sa lungsod. Maging ang ibang residente na hindi taga-Taguig ay pinapayagan nilang pabakunahan basta sila ay nagtratrabaho sa Taguig City at kailangan lamang na magprisinta ng dokumento o katibayan mula sa kanilang employers.
Nabatid sa ulat na ang nasabing proyekto na kabilang sa A4 category ay sinuportahan ng mga may-ari ng ibat-ibang establisimento na nasa lungsod. Bukod dito, boluntaryo namang ihahatid ng sasakyan sa tulong na rin ng City government ang sinumang inabutan ng lagpas hating-gabi.
Ang nasabing proyekto na High Street Mega Vaccination Hub ay matatagpuan sa 2nd floor B7 Lane P ng Bonifacio Global City ( BGC) sa lungsod ng Taguig.(Jojo Sadiwa)
The post ‘BAKUNA NIGHTS’, INILUNSAD SA TAGUIG CITY appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: