MARAMING kababayan natin ang nagsasabing wala naman daw diperensiya o pagkakaiba kung ikaw man ay bakunado o hindi, bakit kamo?
Bakunado man daw ang isang tao ay wala namang sapat na pribilehiyong nakukuha ito dahil iyon din naman daw ang sinusunod na health protocol ng dalawang panig.
Kung ano man ang health protocol na pina-patupad sa isang taong hindi pa nababakunahan tulad ng pag-susuot ng face mask at face shield, social distancing at kung ano-ano pa ay ganon din naman daw sa taong bakunado na.
Wala rin nga namang distinction o pribilehiyo man lang nakukuha ang isang bakunado kung kaya’t naiisip ng iba kung bakit pa sila magpapa-bakuna.
Balewala rin daw pala kung ikaw ay magpapa-bakuna kung iyon din pala ang patakaran na dapat mong sundin.
Ang katuwiran daw ng gobyerno ay ibayong-ingat lang dahil malaki daw ang posibilidad na ang isang taong bakunado na ay mahawa pa rin o dili kaya’y kapitan pa rin ng kamandag ng virus dulot ng covid19.
Kung ganon din lamang daw pala ay maliwanag na hindi pa rin ligtas ang isang taong bakunado na dahil may posibilidad na mahawa pa rin ito.
Eh ano nga naman ba daw ang sinasabi ng ating gobyerno na ang bakuna lang daw ang tanging paraan upang maiwasan ang banta ng covid19.
Ito rin daw ang tanging proteksiyon ng isa’t isa laban sa virus, maliban dito ay ito rin daw ang tanging paraan upang bumalik na muli tayo sa normal na pamumuhay.
Eh papaano nga naman mangyayari ang lahat ng ito kung mananatili pa rin ang takot at pangamba sa ating mga kababayan na bagama’t sila ay bakunado na ay hindi pa rin sila ganap na ligtas sa virus.
Marami rin ang nag-tataka na sa dami ng mga bakunado ay pahigpit pa rin ng pahigpit ang pagpapatupad ng mga health protocol, wala man pagluwag kahit na konti.
Kung wala rin nga namang bisa ang mga bakunang ito ay naging malaking palaisipan ito sa ating mga mamamayan kung sila sila ay magpapabakuna pa ganong hindi rin pala sila ligtas.
Sayang nga naman ang oras, panahon at hirap na kanilang ginugol upang makapagpabakuna lang eh hindi rin pala sila ganap na ligtas, oo nga naman.
Kung sa bagay ay sentido-komon lang ang dapat pairalin sa stuwasyong ito dahil sayang nga naman ang perang ginastos sa mga bakunang ito kung mananatili pa rin ang takot at pangamba sa ating mga kababayan,
Sana naman daw ay may maipakitang pribilehiyo o pagkakaiba ang ating gobyerno sa pagitan ng mga bakunado at hindi para magkaroon naman ng interes ang lahat na magpabakuna na rin, ‘di po ba?
Kung mananatili pa rin ang takot at pangambang hindi pa rin sila ligtas bagama’t bakunado na, lumalabas na balewala at inbalido pala ang mga bakunang tinurok sa kanilang katawan.
Magkaroon naman sana ng pagkakaiba sa pribilehiyo sa pagitan ng mga bakunado at hindi para ma-inspira naman ang ating mga kababayan.
The post Bakunado man o hindi, walang pinagkaiba appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: