Kinondena ng mga grupo ng Private Emission Testing Center (PETC) owners at operators ang balak ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) na magtayo ng Vehicle Registration Renewal Office (VRRO) sa loob ng mga Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVIC).
Inilunsad noong nakaraang linggo ang pilot implementation ng VRRO sa mga kumpanyang TQM Vehicle Inspection Services at Welcome Export, Inc. na binigyan ng lisensyang mag-operate bilang PMVICs sa Paco, Maynila. Sa pamamagitan ng VRRO, ang mga motorista ay maaari nang magproseso ng kanilang motor vehicle renewal matapos magpa-inspeksyon sa mga PMVIC.
Pinalagan ng grupong Alagaan Natin ang Inang Kalikasan (ANI-KALIKASAN) at iba pang samahan ng PETC ang ginawang hakbang ng LTO na taliwas sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat gawing mandatory ang pag-iinspeksyon ng mga sasakyan sa pamamagitan ng PMVIC.
“Sa aming palagay, ang intensyon ng VRRO ay paramihin ang mga motoristang nagi-inspeksyon sa mga PMVICs kasabay nang dahan-dahang pag-crackdown sa aming mga PETC. At wala pang sapat na kapasidad at kakayahan ang PMVIC na magsagawa ng inspeksyon sa mga heavy vehicles tulad ng trak at bus,” paliwanag ng PETC members.
Maliban sa pagtatayo ng VRRO, naglabas ang DOTr noong nakaraang linggo, ng Memorandum Circular (MC) SC-2021-02, na naglalayong obligahin ang mga motorista na magpa-inspeksyon lamang sa mga PMVIC na nakatayo sa Geographical Area of Responsibility (GAOR) ng sangay ng LTO bago ang renewal at registration. Sa Hulyo 26 magiging epektibo ang naturang MC.
Dagdag pa ng ANI-KALIKASAN, posibleng maging talamak ulit ang mga anomalya sa pagpaparehistro ng sasakyan dahil sa mga PMVICs. Napag-alaman kasi ng grupo na ang bagong IT system ng LTO na Land Transportation Management System (LTMS) na gawa ng isang German company na Dermalog, ay hindi pa konektado sa mga emission testing centers, PMVIC, at law enforcement agencies gaya ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at ilang lokal na pamahalaan o LGUs.
“Hindi kami makapapayag na maulit muli ang mga anomalya sa pagpaparehistro ng mga sasakyan. Ang VRRO at ang LTMS ay hindi tugon para mapadali ang pagproseso ng transaksyon sa PMVIC at LTO, bagkus magiging ugat lamang ito ng mas marami pang mga isyu,” ani Evangelista.
Bukod dito, hindi rin nakukumpirma ng LTMS kung ang isang sasakyan ay may alarma o nasangkot sa isang krimen tulad ng carnapping. Kung walang paraan para makita ang alarma sa LTO at law enforcement agencies, madaling marerehistro sa LTMS ang mga naka-alarma o carnapped vehicles. Kung wala itong koneksyon sa mga insurance companies, madali na namang kakalat ang mga pekeng insurance policies.
Matatandaang sinalubong ng iba’t ibang batikos ang implementasyon ng PMVIC program nitong Enero dahil umano sa pagiging ilegal nito at sa taas ng singil sa inspection at re-inspection. Nagsagawa ng pagdinig ang Senado at Kongreso kaugnay ng implementasyon ng PMVIC kung saan sinabi ng ilang mambabatas na hindi naaayon sa batas ang pagbibigay sa mga pribadong indibidwal ng kapangyarihan na dapat ay ang gobyerno ang gumagawa. Kinuwestiyon din ng mga mambabatas ang kakayahan ng mga PMVIC lalo’t limitado lamang ang bilang ng mga ito sa buong bansa.
Hindi titigilan ang pagkalampag ng grupong ANI-KALIKASAN at ng ilan pang samahang kontra sa PMVIC, kabilang na ang 1-Unified Transport Alliance of the Philippines (1-UTAP) at National Public Transport Coalition (NPTC) na binubuo ng truckers, buses, jeepneys, UV Express, taxis, TNVS, tricycles, at motorcycle riders organizations hanggang sa marinig ang kanilang panawagan sa tanggapan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang na ipatigil at pag-aralan muna ng DOTr at LTO ang nasabing PMVIC.
Matatandaan na nanawagan din ang iba’t ibang transport group kay Senador Richard Gordon na imbestigahan sa Blue Ribbon Committee ang Committee Report 184 na inilabas ni Senador Grace Poe, Chairperson ng Committee on Public Services sa mga anomalyang nakita ng mga senador. Muli ay nananawagan ang samahan ng mga transport leaders kina Sen. Grace Poe, Sen. Ramon “Bong” Revilla, Sen. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Sen. Sherwin Gatchalian, Sen. Maria Lourdes Nancy Binay, Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, Sen. Joel Villanueva, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Ralph Recto, Sen. Franklin Drilon, Sen. Juan Miguel Zubiri at Sen. Richard Gordon at mga kongresistang sina House Committee on Transportation Chairman, Rep. Edgar Mary Sarmiento, at Deputy Speakers Rufus Rodrigues at Doy Leachon at si Rep. Raffy Biazon na ipaglaban ang naturang committee report.
Patuloy na mag-aantabay at mananawagan ang ibat ibang sektor ng transportasyon sa usaping ito mula sa hanay ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association (FEJODAP), Stop & Go Transport Coalition, Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP), Transport Network Vehicle Service (TNVS), Motorcycle Rights Organization (MRO), National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association (NACTODAP), Philippine Confederation of Drivers and Operators—Alliance of Concerned Transport Organizations (PCDO-ACTO), Inland Haulers and Truckers Association (INHTA), Unified Transport Alliance of the Philippines (UTAP), Federation of Ayala Center Transport Terminal, Inc. (FACTTI), Baclaran Nichols Transport Service Cooperative, Nagkakaisang Samahan ng mga Nangangasiwa Panlalawigan Bus sa Pilipinas (NSNPBPI), Haulers and Truckers Association (HATAW), at Phase-Out (STOP) of Central Luzon.
The post Pagtatayo ng LTO service desks sa loob ng PMVIC, binatikos! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: