Facebook

BOC-NAIA ‘nagulo’ dahil ‘nabuwisit’ si Collector Ronald Moreno

REGULAR kong natatanggap ang press releases ng Bureau of Customs (BOC) hinggil sa mga nagagawa at gagawin ng iba’t ibang yunit nito.

Isa sa madalas maging paksa ng press releases ay ang Port of Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na pinangangasiwaan ni District Collector Carmelita Talusan.

Kung pagbabatayan ang mga kalatas ng BOC, masasabing kahanga-hanga ang NAIA dahil maayos at epektibo ang pamumuno ni Talusan.

Pati nga mga insekto na idineklarang kagamitan sa pagtuturo ay hindi nakalusot sa matitikas na kawani ng BOC-NAIA.

Pokaragat na ‘yan!

Kaya, hindi ako magtataka kung nag-isyu ng “Warrant of Seizure and Detention” si Talusan upang hindi makalusot at mailabas sa teritoryo ng BOC-NAIA ang mga kargamentong nakapangalan, o naka-consignee, sa ARIELA Marketing Co. Inc.

Batay sa rekord ng BOC, ang mga kargamentong ipapadala sa ARIELA Marketing ay Agrastrip Allergen Milk.

Batay sa rekord ng BOC, ang aksyon ni Talusan ay nakabatay sa posibleng paglabag ng ARIELA Marketing sa Seksiyon 1117 ng Republic Act 10863, sa Joint Department of Health (DOH) and Department of Agriculture (DA) Administrative Order (A.O.) No. 2013 at alintuntunin ng Dangerous Drugs Board (DDB) hinggil sa nabanggit na uri ng kalakal na ipapadala sa ARIELA Marketing.

Nailinaw at idiniin sa akin ng isang kawani ng BOC-NAIA na tama at mayroong matibay at solidong batayan ang ginawa ni Talusan laban sa mga kargamento.

Binanggit din sa akin na batay sa talaan ng BOC, kumilos si Talusan alinsunod sa desisyon at rekomendasyon ng mga matitinong empleyado ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF).

Kung hindi kumilos ang mga matitinong kawani ng CAIDTF, malilintikan si Talusan, si Ronald Moreno na ‘kolektor’ sa BOC–NAIA at ang buong BOC—NAIA sa DDB, sapagkat patungkol sa umano sa “dangerous drugs” ang inalertong mga kargamentong nakapangalan sa ARIELA Marketing.

Pokaragat na ‘yan!

Kaso, hindi umano nagustuhan ng nasabing Ronald Moreno ang ginawang pag-alerto.

Batay sa impormasyong galing sa BOC, naghain ng reklamo ang nasabing Moreno sa tanggapan ni Talusan laban sa mga kasapi ng CAIDTF.

Dahil sa sobrang gigil niya sa mga kawani ng BOC na nakadestino sa CAIDTF, ipinalipat niya ang ito sa ibang bodega.

Pokaragat na ‘yan!

Bakit kaya nagreklamo si Moreno kay Talusan, kung may kaugnayan sa dangerous drugs ang inalertong mga kalakal?

Ano ang totoong dahilan ng pag-aalburuto ni Moreno kung posibleng mayroong linabag na probisyon ng R.A. 10863, DOH-DA A.O. at alituntunin ng DDB ang umangkat ng mga nasabing produkto?

Tanging si Ronald Moreno lamang ba ang makasasagot nito, o mayroong iba pa?

Kung si Moreno lang, nararapat lamang na pagpaliwanagin siya ni Talusan upang magkaalaman kung sino, o sinu-sino, ang totoong mayroong malaking interes at pakinabang sa mga inalertong produkto ng ARIELA Marketing.

Hindi dapat palampasin ni Talusan ang reklamo, o sama ng loob, ni Moreno hinggil sa naganap na pagpapaalerto ng mga kawani ng CAIDTF laban sa Agrastrip Allergen Milk upang hindi na maulit ang parehong insidente.

The post BOC-NAIA ‘nagulo’ dahil ‘nabuwisit’ si Collector Ronald Moreno appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
BOC-NAIA ‘nagulo’ dahil ‘nabuwisit’ si Collector Ronald Moreno BOC-NAIA ‘nagulo’ dahil ‘nabuwisit’ si Collector Ronald Moreno Reviewed by misfitgympal on Hulyo 07, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.