MAHIGIT 1.2 million Manileño na ang nagparehistro sa libreng mass vaccination program ng lungsod.
Ito ay inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno, na nagsabing ang bilang ay nagpapakita ng tumataas na interes ng mga residente ng lungsod na sila ay mabakunahan.
Sa nasabing bilang, ang iba dito ay nabakunahan na dahil sila ay pasok sa kategoryang klinasipika bilang priority list sa proseso ng pagbabakuna at alinsunod din sa itinakdang batas sa pagde-deploy ng bakuna na dumadating at inilaan ng national government.
Ipinaliwanag din ni Moreno na ang mga nabibilang sa priority list base sa ibinigay nilang detalye noong sila ay nagrehistro sa online, ay pinapadalhan ng txt messages nang mas maaga kaysa sa mga nabibilang sa general population.
Sinabi ni Moreno na ang lokal na pamahalaan ng Maynila ay istriktong sumusunod kung ano ang ipinag-uutos ng batas.
“Kung nag-register ka ng Enero at iniisip mo na dapat nabakunahan ka na nang Marso, kaya di ka nabakunahan, kasi di ka pasok sa priority listing,” paliwanag ni Moreno.
Nanawagan ang alkalde sa lahat na magparehistro na sa manilacovid19vaccine.com, lalo na sa nagdadalawang isip upang mabakunahan ng libre. Pero sinabi rin ng alkalde na ang huling desisyon ay nasa sa tao.
Ang nasabing online registration ay inilunsad ni Moreno noong Bisperas ng Bagong Taon at sinundan ng aktibong kampanya na inilunsad din nila ni Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang pinakapinuno ng vaccination program ng lungsod kasama si Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan.
Samanta ay pinayuhan ni Moreno ang mga residente na samantalahin ang pagkakataon kapag may scheduled na bakuna dahil para ito sa kabutihan ng karamihan, lalo na at may nagsusulputang COVID-19 variants.
“So far I’m good, I feel better, wala akong side effect. Sinovac pinabakuna sa akin at mag-two months na sa awa ng Diyos, Filipino food pa din ang gusto ko,” pagbibiro ni Moreno.
Nagpahayag naman ng kasiyahan ang alkalde at sinabing: “I’m good.. I’m happy and I feel a certain level of confidence na ako’y bakunado and I hope kayo din. Kaya pag me bakunang dumating, punta na kayo agad.”
Ang vaccination sites sa Maynila na binubuo ng apat na malalaking shopping malls at 18 eskwelahan ay nag-o-operate sa loob ng 14-oras kapag may scheduled na vaccination at ito ay nagsisimula ng alas-6 ng umaga at natatapos ng alas-8 ng gabi. (ANDI GARCIA)
The post Higit 1.2M Manileño, nagparehistro sa libreng vaccination program — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: