Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na matapos magpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte ng emergency meeting, kasama ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, economic managers, at health experts ay ipatutupad na ang estriktong border control at iba pang hakbang para maiwasan ang pagkalat sa bansa ng Delta variant ng COVID-19.
“Dahil sa banta ng pagkalat ng Delta variant cases ng COVID-19 sa bansa, nananawagan ako sa gobyerno na magsagawa ng agarang aksyon upang mapaigting lalo ang mga existing health and safety protocols natin,” sabi ni Go, chairman ng Senate Committee on Health.
Ang mas mahigpit na border controls ay bilang tugon sa nakaraang kumpirmasyon ng Department of Healthna mayroon nang local transmission ng mas nakahahawang Delta variant sa bansa country.
“May kumpirmasyon na ang DOH (Department of Health) na meron ng local transmission ng Delta variant sa Pilipinas. Sinabi ko na ‘yan noon noong ‘local cases’ pa lang na mag-ingat tayo lalo dahil malaki talaga ang possibility ng local transmission,” ani Go.
Dahil dito, pinag-iingat ni Go ang mga Filipino laban sa virus at idiniin na ang obhektibo ng gobyerno ay iligtas ang buhay ng bawat isa.
“Mag-ingat po tayo, ‘wag po tayong magkumpiyansa. Kailangan po namin ni Pangulong Duterte ang tulong, kooperasyon at disiplina ng bawat mamamayanang Pilipino.,” sabi ni Go.
At para mapigil ang pagkalat ng sakit sa bansa, inanunsyo ng gobyerno noong Biyernes na kabilang na ang bansang Thailand at Malaysia sa travel ban, kasunod ng Indonesia at iba pang parte ng South Asia at Middle East.
Kung magiging mabilis aniya ang pagkalat ng bagong virus, inilutang ni Pangulong Duterte ang posibiidad na isara ang Philippine borders.
Sinabi ng Pangulo na hindi na kakayanin pa ng bansa na magkaroon ng bagong wave ng COVID-19. Batay sa DOH, ang hospital occupancy rates sa National Capital Region ay patuloy sa pagtaas.
Ayon kay Go, nagkausap sila ni Pangulong Duterte sa planong paghihigpit sa border patrols, hindi lamang sa mga pangunahing paliparan at pantalan kundi maging sa mga entry points, kabilang na ang backdoor border sa Mindanao.
“Patuloy rin ang pagmo-monitor ng sitwasyon sa ibang bansa kaya nag-i-implement tayo ng stricter travel restrictions sa mga galing sa high risk countries, tulad ng Indonesia, Malaysia at Thailand,” sabi ng senador.
“Patuloy ring pinapalakas ng gobyerno ang ating COVID-19 response measures, tulad ng pagtataas ng kapasidad ng ating healthcare facilities, pagdadagdag ng mga ICU beds, pamamahagi ng life-saving medicines and equipment at dagdag na pasilidad para sa isolation at COVID-19 care units,” paniniyak ni Go.
Sinabi ng mambabatas na patuloy ang pagdating ng mga supply ng bakuna sa bansa at sa ngayon aniya ay may higit 29 million doses na tayo at inaaasahang madadagdagan pa ito.
“Kaya sa mga kababayan ko, kapag oras n’yo nang magpabakuna ayon sa ating vaccination guidelines, pag nasa priority list na po kayo, huwag nang mag-alinlangan pa! Magtiwala po kayo sa bakuna. Huwag po kayong matakot sa bakuna. Ang bakuna po ang tanging susi o solusyon ngayon upang unti-unti tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay, at makamtan natin ang population protection at herd immunity,” ani Go.
The post Bong Go: Estriktong border control, ipatutupad vs Delta variant appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: