Facebook

Bong Go: Nasa likod ako ni Mayor Sara

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na susuportahan niya si Davao City Mayor Sara Duterte kapag nagdesisyong tumakbo sa pagkapangulo sa May 2022 national elections.

Ayon kay Go, ibibigay niya ang kanyang suporta, tiwala at pananalig kay Mayor Sara, kagaya ng ibinigay niya kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Kung ano po ang desisyon ng mga Duterte, suportado ko po. Kung ano po ‘yung desisyon ni Mayor Inday Sara, suportado ko po ‘yan at malaki po ang aking paniniwala sa kakayahan ni Mayor Inday Sara. Kung ano ‘yung tiwala ko sa kanyang ama, ganun rin po ang tiwala ko sa anak,” sabi ni Go.

Bilang tugon naman sa espekulasyon na posibleng siya ang maging standrad bearer matapos sabihin ni President Duterte ang kahandaan nitong tumakbong vice president sa 2022 elections sa ilalim ng bandila ng PDP-Laban, nakiusap si Go sa kanyang mga kapartido at sa sambayanang Filipino na ikonsidera na lamang siya bilang panghuli sa mga pagpipilian.

“Salamat po sa mga kapartido ko pero let me repeat, hindi po ako interesado. Pakiusap lang po sa inyo, ihuli niyo na lang po ako kung wala na kayong mapili,” ang hiling ni Go.

“Talagang pagod na pagod na po ako sa ginagawa ko pero ‘yung Pilipino talaga ang nagbibigay lakas sa akin para makapagtrabaho araw-araw,” aniya.

“Alam ko po trabaho ng isang Pangulo. Nakita ko hirap ni Pangulong Duterte, nandiyan po sa tabi niya kita ko po ilang taon talagang mahirap at thankless job po ang isang Pangulo.”

“Hayaan niyo na lang po ako dito sa likod na tumulong sa ating mga kababayan, gusto ko pa po nasa likod lang po, nasa background lang po ako dito sa pagtutulong,” aniya.

Muling idiniin ni Go na nananatili siyang nakapokus sa pagsuporta sa ginagawang pagsisikap at pagtugon ng pamahalaan laban sa COVID-19 imbes na sayangin ang oras sa usapin sa pulitika.

Sinabi ni Sen. Go, partikular sa media, na hintayin na lamang ang buwan ng Oktubre na siyang panahon ng paghahain ng certificate of candidacy ng mga kakanidato sa 2022 national elections.

Sa ambush interview sa inagurasyon ng One Hospital Command Center sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, inihayag ni Go na mas nakatutok siya ngayon sa COVID-19 response ng bansa kaysa sa usapin ukol sa nalalapit na halalan.

“Hintayin na lang po natin yung October 1 up to October 8, ‘yun naman po ‘yung panahon ng filing ng certificate of candidacy. So ngayon, nakatutok muna ako sa COVID response natin. Unahin muna natin itong pandemic na ito. Bakuna muna bago ang pulitika,” sabi ni Go.

“Importante munang malampasan muna natin itong pandemyang ito dahil baka wala na tayong pulitikang pag-usapan kung uunahin natin ‘yung pulitika. Unahin muna natin ang kaligtasan po ng bawat Pilipino,” idinagdag niya.

The post Bong Go: Nasa likod ako ni Mayor Sara appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: Nasa likod ako ni Mayor Sara Bong Go: Nasa likod ako ni Mayor Sara Reviewed by misfitgympal on Hulyo 13, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.