Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na isasapinal o kikinisin pa ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang mga pangalang lumutang na magiging pambato umano ng partido sa senatorial race sa May 2022.
Nilinaw ni Go na bagama’t maraming Senate aspirants na nagpapahayag ng intensyong maging bahagi ng administration slate sa 2022 senatorial elections, hindi pa aniya masasabing final ang lumabas na listahan ng PDP-Laban.
“Mayroon pong mga siyam na cabinet members, mayroon pong mga re-electionist, at mayroon din pong mga come-backing senators na gusto pong luminya sa ating mahal na Pangulo. At mayroon din pong mga baguhang pangalan na gusto pong sumama sa Senate slate ng ating mahal na Pangulo,” sabi ni Go.
“As of now, wala pa pong final list. ‘Yung inilabas ni Governor Evardone, ay initial list lang po iyon base sa mga diskusyon with the party members,” idinagdag niya.
Ngunit tiniyak ni Go na pipili si Pangulong Duterte ng kanyang magiging kandidato sa pagkasenador na may vision o pangarap na maipagpatuloy ang mga positibong pagbabago na nagawa ng kasalukuyang administrasyon at talagang nagsikap sa kanilang trabaho sa mga nakalipas na taon.
“Sa aking personal na opinyon, pipili si Pangulong Duterte ng mga kandidato na naka-linya sa legislative agenda na hangaring maipagpatuloy yung mga magagandang pagbabago na nasimulan ng ating mahal na Pangulong Duterte.”
“At higit sa lahat, pipiliin niya ‘yung mga taong inuuna parati ang kapakanan ng taumbayan at yung intensyon na makapagserbisyo lalo sa sambayanang Pilipino,” idiniin ni Go.
Pero iginiit ni Go na sa ngayon ay nakapokus ang Pangulo at ang administrasyon sa pagpapalakas ng pagtugon para masugpo na ang COVID-19 at maibangon ang ekonomiya ng bansa.
“Ngunit sa ngayon, naka-focus po kami ni Pangulong Duterte sa COVID-19 response at economic recovery measures. Ito muna ang pagtuunan natin ng pansin. Bakuna muna, bago ang politika,” ani Go.
The post Bong Go: PDP-Laban senatorial slate kikinisin pa appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: