Facebook

BONG GO: PRRD BILANG ‘SUCCESSOR PRESIDENT’, GUNI-GUNI NI LAGMAN

TINAWAG ni Senator Christopher “Bong” Go na kathang-isip o guni-guni lamang ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman ang alegasyon nitong ang tanging layunin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtakbong bise-presidente sa May 2022 polls ay upang maging “successor-president.”

“Kathang-isip lamang po ‘yan at ‘yan po ay guni-guni niyo lang po. Unang-una, I am not a candidate. Hindi po ako interesado na tumakbo bilang isang Pangulo,” ani Go sa isang pahayag.

Matatandaan na ang mismong ruling party PDP-Laban ay gumawa ng manifesto na nag-uudyok kay Pangulong Duterte na tumakbong VP sa halalan at si Sen. Go ang kanyang magiging standard bearer.

Inisa-isa ni Go ang mga dahilan na magpapatunay na ang alegasyon ni Lagman ay espekulasyon lamang.

“Pangalawa, saka-sakali mang mangyayari ‘yung iniisip ninyo, mismo si Pangulong Duterte ay hindi papayag na bumitaw sa pwesto ‘yung nanalong Pangulo — kung sakali man pong siya ang maging Bise Presidente.”

“Pangatlo, sino ba namang Presidente ang magre-resign? Pang-apat, sayang naman kung nanalo na po siya at nanalo po ‘yung tandem, bibitaw pa ‘yung isa. Sayang naman po ‘yung pinaghirapan nila, at sayang naman po ‘yung tiwala ng taumbayan na ibinigay sa kanila,” idinagdag ni Go.

Sa isang pahayag, nag-akusa si Lagman na batid aniya ni Duterte na ang vice president ay hindi makaliligtas sa anomang litigasyon o kaso at ang tunay umanong intensyon ng Pangulo sa pagtakbong vice president ay maging “successor-president” sa oras na ang mahalal na pangulo sa 2022 ay bakantehin ang kanyang posisyon sa hindi inaasahang pangyayari.

Ngunit sinopla ni Go ang teyoryang ito ni Lagman sa pagsasabing ang ultimong layunin ni Duterte sa pagtakbong vice president kung saka-sakali ay udyok ng pagnanais nitong tapusin ang mga hindi pa natatapos na programa dahil ang Pangulo aniya ay maraming magagawang mabuti sa bansa.

“Si Pangulong Duterte naman, bilang kandidato as Vice President, marami pa siyang ‘unfinished business’, at marami pa po siyang maiaambag para sa ating bayan,” ayon kay Go.

Anuman ang kalabasan ng susunod na halalan, tiniyak ni Go na siya at si Pangulong Duterte ay igagalang ang pipiliin o ihahalal ng mga Filipino na susunod na lider ng bansa.

“Palagi naming nirerespeto at isinasaalang-alang ang gusto ng sambayanang Pilipino at kung ano ang makakabuti sa kanila.”

“Kung sino ang iboboto nila, at mananalo sa susunod na eleksyon, ‘yun ang dapat mamuno sa bansa bilang Pangulo. Kung sino man ang manalo, bakit naman siya magre-resign kung siya ang pinili ng tao,” ayon sa senador.

Ani Go, ang sambayanang Filipino ang siyang magdedetermina kung sino ang nais nilang iluklok na presidente at vice president dahil tayo ay nasa isang demokrasyang bansa.

“Anyway, ang taong bayan na po ang huhusga. This is democracy. Mayroon naman po tayong eleksyon. Ang taong bayan po ang boboto at pipili kung sino ang gusto nilang maging Pangulo at Bise Presidente,” sabi ni Go.

Muling iginiit ni Go na wala siyang intensyong tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2022 elections sa pagsasabing nais niyang matapos o kumpletuhin ang kanyang mandato bilang senador sa pamamagitan ng pagsisilbi sa Filipino, sa harap ng suliranin ng bansa sa COVID-19

“Ang importante ngayon ay patuloy tayo na nagtutulungan para sa ikabubuti ng mga kababayan nating naghihirap dulot ng pandemya. Dahil kung hindi natin malampasan ang krisis na ito, baka wala na tayong pulitika pang pag-uusapan pa,” ayon sa mambabatas.

The post BONG GO: PRRD BILANG ‘SUCCESSOR PRESIDENT’, GUNI-GUNI NI LAGMAN appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
BONG GO: PRRD BILANG ‘SUCCESSOR PRESIDENT’, GUNI-GUNI NI LAGMAN BONG GO: PRRD BILANG ‘SUCCESSOR PRESIDENT’, GUNI-GUNI NI LAGMAN Reviewed by misfitgympal on Hulyo 21, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.