Facebook

Bong Go sa nagbebenta ng vaccine slots at pekeng bakuna… MAKAKARMA KAYO!

NAGBABALA si Senator Christopher “Bong” Go sa mga nagbebenta ng vaccine slots at pekeng bakuna na sila ay makakarma at mananagot sa batas kapag nahuli ng mga awtoridad.

Kaya naman muling nanawagan ang senador sa publiko na maging mapagbantay o mag-ingat sa mga indibidwal na nagbebenta ng COVID-19 vaccines, vaccination slots at fake vaccines sa pagsasabing ang bakuna ay libre lamang na ipinamimigay ng gobyerno.

Sinabi ni Go na inilalagay lamang ng mga salarin ang buhay ng mga Filipino sa kapahamakan dahil sa kanilang iligal na aktibidad at ito ay may malaking pananagutan sa batas.

“Bawal po ‘yung for sale! Pinaghirapan po ito ng gobyerno, libre po ang bakuna na pinapamahagi sa tao,” ani Go sa panayam sa kanya matapos ang pagbubukas ng ika-125 Malasakit Center sa Siargao Island Medical Center sa Dapa, Siargao Island, Surigao del Norte.

“Halos araw-araw tayong nagpa-follow up para makakuha lang ng bakuna sa ibang bansa. Kaya hindi po ito binebenta. Libre po ito sa mga Pilipino,” dagdag ng senador.

Tiniyak na maayos na naikakalat ang bakuna, sinabi ni Go na ang mga bakuna ay ipinamamahagi sa mga critical areas, gayundin sa far-flung communities, gaya ng Siargao Island.

“Kaya nga po hinihikayat namin ang national government na iparating ‘yung mga bakuna sa pinakamalayong lugar, including Siargao,” anang senador.

Noong July 1, isang nurse sa isang ospital sa Maynila ang dinakip ng National Bureau of Investigation dahil sa iligal na pagbebenta ng COVID-19 vaccines.

Itinanggi naman ng Manila City local government na ang COVID-19 doses na ibinebenta ng suspek ay nakalista sa kanilang imbentaryo.

Inatasan na ang ospital na pinapasukan ng suspek na magsagawa ng pagsisiyasat para maisulong ang kasong administratibo sa nahuling nurse.

Nilinaw na rin ng ospital na ang naarestong nurse ay hindi kabilang sa grupong nagsasagawa ng COVID-19 immunizations.

“Ako naman, warning po doon sa mga nagbebenta ng bakuna. Alam niyo, huwag niyong gagawin ‘yun. Mananagot po kayo, aabutan din ng karma ‘yung nagbebenta,” ayon kay Go.

“Hindi po ‘yan for sale. Bawat bakuna na ipinagkait niyo po sa Pilipino, buhay po ang katumbas niyan. So, huwag niyo pong gagawin kalokohan yan at pagbebenta ng bakuna. Pananagutin at aabutan po namin kayo,” anang senador.

The post Bong Go sa nagbebenta ng vaccine slots at pekeng bakuna… MAKAKARMA KAYO! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go sa nagbebenta ng vaccine slots at pekeng bakuna… MAKAKARMA KAYO! Bong Go sa nagbebenta ng vaccine slots at pekeng bakuna… MAKAKARMA KAYO! Reviewed by misfitgympal on Hulyo 03, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.