Facebook

COVID-19 cases sa Quezon tataas pa

LALO pang tataas ang bilang ng mga namamatay sa sakit na COVID-19 sa lalawigan ng Quezon kung hindi ipalalabas ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ni Gov. Danilo “Danny” Suarez ang pondong laan bilang pasweldo sa mga health workers at pambili ng medical supporting equipment.

Sa tala ng Department of Health, aabot na sa 700 kaso ng pagkamatay sa COVID-19 samantalang mahigit 16,000 naman ang infected ng nasabing virus. Sa ilalim ni Suarez, ang lalawigan ang mayroong pinakamataas na bilang ng COVID-19 infections at nagtala lamang ng 1.2% vaccination rate ang probinsya kumpara sa ibang lalawigan sa CALABARZON 4-A.

Sa panayam kay Sonny Ubana, Board Member at Majority Floor Leader ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon sa programang Dos por Dos sa DZRH, sapat ang pondong inaprubahan ng kanilang lalawigan para sa pasweldo sa mga regular at contractual employees ng Quezon. Bagamat re-enacted ang budget ng lalawigan, sasapat ang alokasyong P75.5M noong 2020 na inaprubahan mismo ni Gov. Suarez.

Bagamat mas mababa ito sa P102M inilaan para sa pasweldo noong 2019, mayroong sapat na pera ang pamahalaang panlalawigan para tuloy-tuloy na makatanggap ng sweldo ang mga empleyado ng kapitolyo, ayon kay Ubana.

Ipapasa sana ng Sangguniang Panlalawigan ang 2021 panukalang budget ng gubernador pero natuklasan ng walong miyembro ng board ang mahigit na P200-P300 mga proyekto na wala sa annual investment plan na ipinanukala mismo ni Governor Suarez at aprubado ng board.

Hindi rin aniya tugma ang panukalang 2021 budget sa isinapublikong layunin ni Suarez na maglaan ng mas malaking pondo para sa kampanya laban sa COVID-19. Sa budget ng gubernador, kinaltasan ng mahigit 20 % ang budget sa mga ospital at inilaan ito sa pagpapagawa ng mga kalsada at basketball courts.

Ayon kay Ubana, ginagawa lamang ng walong board members ang kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga halal na opisyales na protektahan ang pondong bayan. Hindi naaayon sa direktiba ng Department of Interior and Local Governments o DILG, maging ng Department of Budget and Management o DBM na ipasa ng pamahalaang panlalawigan ang mga proyektong walang sapat na pag-aaral at papupuntahan.

Kailangang nabusisi at tiyak na nakasaad kung saan pupunta maski isang kusing na pondo ng mga mamamayan ng Quezon, ayon kay Ubana.

The post COVID-19 cases sa Quezon tataas pa appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
COVID-19 cases sa Quezon tataas pa COVID-19 cases sa Quezon tataas pa Reviewed by misfitgympal on Hulyo 25, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.