Facebook

Diploma ni Pacman!

PARANG may mga busal ang bibig ng matataas na pinuno ng Department of Education (DEPED), kasama na rito si Secretary Leonor Magtolis Briones, tahimik na tahimik ang lahat, walang naririnig na paliwanag ang kanilang departamento habang inuulan ng batikos ang Pambansang Kamao, Senador Manny Pacquiao sa pag-graduate nito sa University of Makati (UMak).

Anang mga tuta ng kalabang pulitiko ni Pacquiao ay sinungaling daw ang 8-Division World Boxing Champion, madaya, hindi mapagkakatiwalaan pagkat ultimong diploma nito ay peke, binayaran o binili sa University of Makati. Inakusahan pa ng mga kritiko ang nasabing university maging sa social media na isang “diploma mill” na pamantasan.

Napakarami pang mga pagkutya at upasalang ibinato kay Pacquiao na di kayang lamunin maging ng askal (asong kalye) hinggil sa pagtatapos nito ng kursong Political Science sa naturang unibersidad sa loob lamang ng humigit-kumulang sa tatlong buwan.

Bilang pinuno na nakasasaklaw sa CHED ay obligasyon ng departamento nina Briones na ipaliwanag sa sambayanan ang status ng pag-graduate ng baccalaureate degree ng mula sa hirap na Senador. Ngunit tahimik nga si Briones pagkat marahil apektado din ito sa mga tirada ni Pacquiao.

Totoo naman na nakatapos nga si Pacquiao ng kursong Political Science sa University of Makati sa bisa ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Education Program (ETEEAP).

Ito ay isang alternatibong programang pang-edukasyon na pinagtibay noon pang May 10, 1996 sa bisa ng Executive Order Number 320 sa panahon ng Administrasyon ni Pangulong Fidel B. Ramos.

Layon ng ETEEAP na bigyan ng pagkakataon ang mga working professionals na makapagtapos ng kanilang degree sa kolehiyo bagamat hindi maipagpapatuloy ng mga ito ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng tradisyonal na sistema ng edukasyon.

Sa pamamagitan ng nasabing programa, yaong mga professional na may limang taon o higit pang eksperiyensya ay magagagamit ang kanilang mga karunungan, kaalaman at estadong nakamit sa kanilang trabaho para mai-deduct sa kabuuang units na kinakailangang para makamit ang kanilang titulo.

Kabilang din sa pinagbabatayan para makamit ang college degree ay ang mga seminar, pagsasanay at ang tagumpay na nakamit nila sa kanilang mga larangan.

Halos lahat na malalaking pamantasan at kolehiyo sa bansa ay kalahok sa programang ito ng pamahalaan.

Kaya hindi peke ang diploma ni Pacquiao, pasok na pasok ang kalidad nito sa ETEEAP ng gobyerno at taliwas sa katotohanan ang akusasyon sa Senador na huwad ang diploma nito mula sa UMak.

Batay sa datos simula pa lamang noong 1999 hanggang noong 2008 ay may 1,814 ang naka-graduate sa bisa ng naturang programa. Hindi pa rito kabilang ang estadistika simula noong 2009 hanggang sa kasalukuyan.

Hanga talaga tayo kay Pacquiao pagkat di man lamang natin narinig na nagpaliwanag o tumuligsa ito laban sa nangungutya sa kanya.

Paninindigan ng dating kargador na naging kongresistra at Senador ay, “ May mga naging pagkakamali ako sa buhay na aking itinuwid at itinama nguni’t dalawang bagay ang kaya kong panghawakan. Hindi ako tiwali at hindi ako sinungaling.”

Sa mga bumabatikos sa Senador, dapat noon pa man nang bago pa lamang na kapapasa ng batas na sumasaklaw sa ETEEAP ay pina-amyendahan o kaya ay ipinawalang bisa na nila ito para di na nagkaroon ng pribilihiyo si Pacquiao na maging titulado.

Hindi naman talaga mapipigil ang tinaguriang PACMAN sa larangan ng boxing na kumandidato bilang pangulo ng bansa pagkat kahit na di pa ito nag-aral sa UMak ay kuwalipikado pa din itong pumalaot sa panguluhan sa taong 2022.

Sa ilalim ng batas ay maaring lumabang presidente ng Pilipinas ang isang mamamayang Filipino na marunong sumulat at bumasa, at 40 anyos pataas bago ang araw ng halalan.

Ang kaliwa’t-kanang banat sa 8-Division World Boxing Champion ay rumatsada kasunod ng pagsisiwalat nito na tatlong beses na mas korap ang Pamahalaang Rodrigo Duterte kung ikukumpara sa nakalipas na Adminitrasyong Benigno Aquino III.

Halos lahat na departamento sa Duterte Administration ay pinangalanan ni Pacquiao na korap. Tulad sa inaasahan ay nanguna sa ibinulgar ni Pacquiao ang Bureau of Customs (BOC) na dating pinamunuan nina Ex-Marine Captain Nicanor Faeldon at retired General Isidro Lapeña.

Kasama din dito ang Department of Health sa pamumuno ni Sec. Francisco Duque, Department of Energy na nasa ilalim ni Secretary Alfonso Cusi at Department of Education ng 80-anyos na Lola Leonor.

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com

The post Diploma ni Pacman! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Diploma ni Pacman! Diploma ni Pacman! Reviewed by misfitgympal on Hulyo 07, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.