Facebook

“Destiny” ba ni Yorme Isko ang Malakanyang?

TATAKBO ba siya o hindi?

Noong unang mga buwan ng 2019, tinanong si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso kung interesado siyang tumakbong Pangulo sa 2022.

Sagot niya: “Wala sa isip ko yan,” at idinagdag na nais niyang ipokus ang isip at gawain kung paano mapagaganda at malilinis ang Maynila.

At nakita ng publiko ang maraming pagbabago sa lungsod: winalis ang marurumi at mabahong bangketa at inayos ang mga palengke sa Maynila, lalo na ang Divisoria.

Ipinaayos niya ang mga ospital, mga paaralan, at iba pang impraestruktura sa siyudad at nireporma niya ang patakbo sa cityhall.

Muling gumanda, nagningning ang Maynila, at bunga nito, naging mabangong-mabango ang pangalang “Mayor Isko Moreno.”

Pero pagpasok ng 2020, nang muling tanungin si Yorme, sinabi niya, na ang totoo, marami sa mga tulad niyang politiko ay nangangarap na maging Pangulo.

Pero ang mahalal ay isang “destiny” o sadyang kapalaran o tadhana ang magtatakda.

Basta, bilang alkalde ng kabisera ng bansa, ibubuhos niya ang kanyang talino, lakas at tapang at kakayahan upang mapagaan, mapaginhawa at mapatanyag ang Maynila, ito ay “dahil utang ko ito sa mamamayang Manilenyo.”

***

Bata pa naman daw siya, at mas mabuti na magkaroon muna ng malawak na karanasan, kaalaman at kahusayan sa pamamahala sa bayan.

Mas mahalaga sa kanya, sabi ni Yorme ay matuto, makinig at maglingkod nang totoo sa kababayang Manilenyo.

Pero ngayong 2021, mas tumitindi na ang udyok at panghihikayat sa 47 anyos na alkalde na ikonsidera ang mga mata sa Malakanyang.

Kabi-kabila na ang kilusang itinutulak si Mayor Isko na tumakbo sa pagka-Pangulo.

Nitong Hunyo 7, umabot sa 913 “likes” ang nakuha ni Domagoso sa munting survey sa FB na ginawa ni Gen. Luna, Quezon Mayor Matt Florido kumpara sa 494 “likes” ni VP Leni Robredo; 109 ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa Octa Research ni Prof. Ranjit Rye noong Enero 13, lumutang na si Domagoso ang paboritong kandidatong Presidente ng mga taga Metro Manila sa ginawang survey nito noong Nov.23-Dec. 2, 2020.

Pero sa maraming survey, nitong nakaraang Mayo, Hunyo, nag-aagawan sa numero unong “gusto” ng taumbayan na manalong Pangulo sina Mayor Sara, Mayor Isko, dating Sen. Bongbong Marcos, at medyo dumidikit sina VP Leni at Sen. Manny Pacquiao.

***

Ngayon nga ay marami na ang nagbibibgay “basbas” kay Yorme Isko, at minsan, nabanggit ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na malaki ang pag-asa ni Mayor Moreno dahil ito ay popular na popular sa buong bansa.

Ang maraming ginawa at patuloy na magagandang programa at proyekto na ipinatutupad ni Moreno sa Maynila ay alam ng marami at ginagaya sa ibang siyudad at munisipalidad.

Nagiging huwaran at padron ang mga accomplishments ni Isko ng ibang alkalde at LGU sa bansa.

Iba ang karisma ni Isko, una ay sa kisig niya bilang dating matinee idol at ngayon, napalakas ng kanyang hukbo ng tagahanga sa social media at laging laman at bukambibig siya ng traditional at mainstream media.

Masigabo, maingay at malakas “makahawa” ang sigla ng mga kabataang umiidolo kay Moreno.

Napakarami ang buong tapang na iniendorso sa Panguluhan ang Batang Tundo.

Lagi na, nakatuon ang mata ng publiko sa bawat gawi, gawa, kilos at salita ni Mayor Isko.

Maganda naman kasi ang ‘track record’ niya.

Kung sa batang gusgusin ang Maynila, ngayon ito ay laging mabango at laging bagong paligo!

***

Trending ang nakitang paglilinis niya sa mga bangketa sa Quiapo, Recto, Divisoria at iba pang palengke at kalye sa Maynila.

Wala na ang mabaho at maruning parking area sa Liwasang Bonifacio at sa Lacson Underpass at iba pang parke at pasyalan sa siyudad.

Kinastigo niya ang mga pasaway na nagpaparumi sa Maynila; nagpasunod siya ng maraming reporma sa cityhall; lantaran ang pagkastigo, pagsuspinde at pagsipa niya sa mga loko at tolongges sa Maynila.

Kalingang Moreno ang ibinigay niya sa mga seniors, estudyante, mahihirap, iskwater, trabaho sa matitinong Manilenyo.

Tapang at malasakit, mayroon niyon si Isko.

Nagpatupad siya ng mahigpit na utos sa pulisya laban sa kriminalidad at suporta sa war on drugs ni Duterte.

Kahit wala pang isang termino bilang alkalde, ang dami nang nakitang ginawa si Isko para mahalin siya ng mga tao at sa paghanga nila at suporta, nakikita nila rito na hindi lang pang-Maynila si Isko.

Pwedeng-pwedeng na siyang iangat o ibigay sa kanya ng tadhana ang Malakanyang!

Destiny na nga ba ni Yorme Isko ang Malakanyang?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post “Destiny” ba ni Yorme Isko ang Malakanyang? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
“Destiny” ba ni Yorme Isko ang Malakanyang? “Destiny” ba ni Yorme Isko ang Malakanyang? Reviewed by misfitgympal on Hulyo 07, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.