“‘WAG n’yo sana kaming subukan.”
Ito ang seryosong babala ni Manila Mayor Isko Moreno laban sa mga pribadong nilalang at mga opisina na nagbabakuna ng kanilang mga empleyado o kliyente nang may bayad at iginiit na may kaparusahang naghihintay sa mga ito alinsunod sa isinasaad ng Ordinance 8740 na mahigpit na ipinatutupad sa buong lungsod ng Maynila.
Dahil dito ay binigyang direktiba ni Moreno si Manila Health Department (MHD) chief Dr. Poks Pangan na iparating ang kanyang mensahe sa kinauukulan na walang puwang ang pagiging ignorante sa batas.
Alinsunod sa direktiba ng alkalde, nagpalabas si Pangan ng memorandum at naka-addressed sa lahat ng private hospitals, institutions, corporations, groups, organizations at private entities sa lungsod at sinasabing sundin kung ano ang sinasaad sa Ordinance 8740.
“We would like to remind and reiterate to all private entities that in order to discourage the manufacture, sale and proliferation of fake COVID-19 vaccines for profit, to the detriment of its citizenry, an ordinance penalizing these private entities from commission of said acts is necessary,” sabi sa memo ni Pangan.
Sinabi naman ni MHD assistant chief Dr. Ed Santos na ang nasabing memo ay naipamahagi na sa kinauukulan at kalakip ang kopya ng Ordinance 8740 na nagkakaisang ipinasa sa Manila City Council sa ilalim ni presiding officer Vice Mayor Honey Lacuna at inaprubahan ni Moreno noong May 24, 2021.
Ang direktiba ng alkalde ay nag-ugat sa impormasyong kanyang natanggap kaugnay sa isang pribadong organisasyon na naghahandang magbakuna ng mga indibidwal kung saan sisingilin ang mga ito. Hindi lamang bayad sa vaccine ang sisingilin kundi maging ang pagbabakuna. Ang halaga ng vaccine ay hiwalay sa halaga ng pagbabakuna at ito ay nakadepende pa kung saan ginawa ang bakuna, kung ito man ay sa school ground o sa ospital.
“Bawal magbenta, kumita o balik-pera. I, with the help of Vice Mayor Honey Lacuna and the Manila City Council will continue protecting the citizens of Manila and those going in and out of the city,” sabi ng alkalde.
Binigyan diin pa ni Moreno na hindi rin katanggap-tanggap ang presyuhan o pabayaran ang bakuna at idinagdag na : “Basta pag nagsimula na ang kitaan, maniwala kayo na lahat ng pag-abuso posible nang maganap at ang masakit diyan baka nagbayad ka na, napeke ka pa.”
Sinabi ni Moreno na ang tanging interes lamang niya ay proteksyunan ang mga taong mabibiktima ng ganitong iligal na paraan at binigyang diin din nya na ang mga bakuna na dumarating sa bansa ay sakop ng EUA (emergency use authorization) at hindi ng CPR (certificate of production) registration na nagbibigay daan sa commercial use nito.
“Natutuwa kami pag ang korporasyon ninyo ay bumili dahil gusto n’yo tumulong, walang hinihinging kapalit. Kung korporasyon ka, bumili ka ng bakuna, maraming salamat sa ‘yo dahil trabaho naming sa gobyerno na magkaroon ng free vaccines. Dapat, tulong is tulong,” sabi ni Moreno at idinagdag din na handa ang pamahalaang lungsod na magkaloob ng kakailanganing kawani nang libre, tulad ng encorders at vaccinators at iba pa para sa mga kumpanya o organisasyon na gustong magbigay ng libreng COVID-19 vaccines.
Sa ilalim ng Ordinance 8740 ipinagbabawal sa kahit na sinong nilalang, institution, corporation, grupo o organisasyon na magbenta, mamahagi at magbigay ng COVID-19 vaccines para kumita, para gawing hanapbuhay at para patubuan, habang ang bansa ay nasa state of public health emergency at walang full market authorization na ibinigay ng Food and Drug Administration (FDA)
Ang mapapatunayang lalabag ay mahaharap sa multang P 5,000 at pagkakakulong nang hindi lalagpas sa anim na buwan. (ANDI GARCIA)
The post Sa mga pribadong indibidwal na nagbabakuna nang may bayad: “WAG NYO KAMING SUBUKAN” — ISKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: