Facebook

Ginto

SA dulo ng pagsisikap nakakamtan ang inaasam na tagumpay. Walang matigas na tinapay sa mainit na kape. Ito’y ilan lang sa mga kasabihan ng mga matatanda sa una na madalas maririnig lalo’t pinatutukuyan ang tagumpay na ibig makamit. Madalas masakit sa tenga ang paulit-ulit na payo na kailangang magsumikap upang maging maliwanag ang hinaharap. Ang tugon dito’y tengang kawali, pasok sa kanan labas sa kaliwa.

Ngunit may pagkakataon na sa isang iglap nawala sa harap ang pangarap na ninanais, sasangi sa isip na tama si Mang Juan, na nasa huli ang pagsisisi. Ngunit hindi ito ang nangyari sa kinaharap ni Hidilyn Diaz, pinagsumikapan na buwisan ng oras ang pangarap, at gintong medalya ang inani sa 2020 Tokyo Olympics. Gintong medalya na napakailap sa bansa makamit, na halos isang siglo ang lumipas bago nakamit.

Ito ang kauna-unahan sa kasaysayan ng bansa sa larangan ng paglahok sa Olimpiada. Mabuhay ka Hidilyn Diaz, ipinagmamalaki ka ng bansa at saludo ang Batingaw sa iyong nakamit bilang atleta at bilang Pilipina.

Sa anumang panahon, hindi nawawala ang mga natatanging kaganapan na talagang tumatatak sa kasaysayan ng sambayanan o maging ng sangkalupaan. Ang paglitaw ng mga pangyayari na tumutunaw sa mga pinag-uusapan at pinaghandaang gawain ang tuwirang pagsasabi na hindi sa iyo ang tamang oras. Lilitaw ang dapat lumitaw upang isantabi ang hindi magandang kaganapan na pinangungunahan ng mga kampon na gustong maghari sa lipunan.

Parang isang pelikula na ang mga bandido’y pansamantalang nangingibabaw ngunit sa isang iglap may lalabas na pangyayari na sasagip at nagbibigay inspirasyon sa halip na depresyon na dala ng mga bandido. Lalabas ang bida at sasagip sa sambayanan, at kahit sa maikling pagkakataon makadarama ng kaginhawahan ang bayan sa panlilinlang ng mga bandido, hehehe…

Subalit hindi nawawalan ng babala si Mang Juan na patuloy mag-ingat at huwag magpagamit. Batid nito ang kilos o galaw ng mga taong mapagmalabis, asahan ang maraming papuri at imbitasyon na matatangap upang ipagmalaki ang nagawa sa bayan. At ang lahat ng ito’y hindi tuwirang para sa bida, sa halip isinusulong ang pansariling layon, lalo’t malapit na ang eleksyon.

Bigyan pansin ang kaganapan ng araw na magwagi si HD ng ginto, ito ang araw na nagbigay ng huling pag-uulat sa bayan si Totoy Kulambo o ang State of the Nation Address (SONA). Napakatagal ng pag-uulat sa bayan sa dami ng binanggit na nagawa daw, subalit mukhang hindi sumang-ayon ang pagkakataon. Sa sandaling oras, nawala ang sirkulasyon ng mga balita hingil sa SONA na kinupete ng balita ng pagkapanalo ni HD ng ginto sa Tokyo Olympics.

Ito ang laman ng mga balita ‘di lamang sa traditional media ngunit pati sa social media. Walang magawa ang mga mahikero ng pamahalaan, mula sa tagapagsalitang si Haring Shokey, Boy Toothpick na legal adviser maging ang atsoy na si Bongoloid kundi sumakay sila sa balita ng pagkapanalo ni HD. Batid ng bayan na hindilyn ganun kabango si HD sa mga magikero na sa maraming pagkakatao’y may negatibo pahayag sa atleta.

May pagkakataon na napasama pa ito sa matrix na inilabas ni Boy Toothpick noong siya pa ang tagapagsalita ni Totoy Kulambo. Subalit, iba na ang usapan ng ang ihip ng hangi’y pumabor kay HD ng manalo ng ginto. Ang dating hindi pinapansin, ngayo’y bukang bibig, nag-atrasan at nagbago ng mga pahayag, ano masasabi mo? Talagang iba ang kinang ng tagumpay, tunay na ginto..

Silipin ang kilos ng mga ibig sumakay sa tagumpay ni Hidilyn at ng ibang atleta na nagbigay karangalan sa bansa. Asahan ang paghahanda na ng mga pagdadausan pang gawaran ng parangal at gantimpala na magagamit kuno ni Hidilyn para sa kinabukasan, maging ng pamilya nito. Sa totoo lang, sarili ang mga dala ng mga ito para makapogi points kay Mang Juan.

Ang makikita na malapit ito sa mga atleta at ang kagalingan ng mga ito ang uunahin para sa mas maraming ginto sa mga darating na Olympics. Subalit asahan na ang lahat ng kilos nito’y pawang pakitang tao lamang at pansarili. Sarili muna bago ang atleta. At sa katunayan, naging karanasan na ito ni Hidilyn ng mangangalap ng pantustos para sa mga pangangailangan sa kompetisyon,

Bilang sa daliri ang nag-aabot ng kusang ayuda para sa pagsasanay at paglahok nito sa mga kompetisyon, sa loob at labas ng bansa. Nag-iba ang ihip ng hangin ng manalo ng gintong medalya si HD sa Olympics. Nabigyan ng magandang media coverage si HD sa Tokyo Olympics dahil ito ang kauna-unahang ginto ng bansa sa nasabing kompetisyon na ginagawa tuwing apat na taon.

Sa madaling panahon, makikita si HD na nasa Malacanan kasama ng mga buwisit sa lipunan na todo ang ngiti’t tawa kasama ang ating bida. Nariyan ang mga papuri, photo ops na ibig ipakahulugan na malapit ito kay HD. Nariyan ang mga imbitasyon ng pagsama nito sa mga pag-iikot sa mga lugar na kailangan magkaroon ng mga programa para sa mga atleta. Nariyan na maitalaga o itatalaga sa pwesto sa pamahalaan upang makasama sa mga gagawin ng mga politiko na sumasakay sa gintong atleta.

At siyempre, hindi papayag ang iba na maisantabi si HD, gagawa ng paraan na maka bisita ang atleta sa kani-kanilang mga tanggapan para maiwan ang kinang ng ginto ng olympian.

Kay HD, pangalagaan ang gintong hawak at huwag mabulag sa mga papuri na binibigay sa iyo. Lahat ng ito’y pagpapahalaga para sa sarili nilang interes. Huwag kalimutan kung paano ka nila trinato bago ang gintong medalya. Sa sarili mong pagnanais at pagsisikap na makamit ang gintong asam, huwag magpagamit sa mga mapanlinlang na mga bagong kakilala at bagong kaibigan. Hindi sinasabi na magsara kundi magsuri upang hindi maligaw sa pansamantalang katanyagan.

Nakita na iyan sa mga unang mga nagtagumpay na mga atleta na sa huli’y balewala lamang dahil nakuha na ng mga nasa pwesto ang nais nito. Huwag magpatanso, sa mga taong gagamitin ka at ang iyong tagumpay para sa sarili nitong nais.. Ang gintong hawak mo’y puro at galing sa pagsisikap mo.. Iwasan ang mga tansong politiko..

Maraming Salamat po!!!

The post Ginto appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Ginto Ginto Reviewed by misfitgympal on Hulyo 29, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.