HINDI umano alam ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pa nasibak ang 43 na personnel ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa “Pastillas scheme” o ito ang panunuhol ng mga Chinese illegal workers sa mga tauhan ng BI para makapasok sa bansa at makapagtrabaho.
Sa kanyang huling State of the Nation Address, inilahad ng presidente na kanyang sinibak ang 43 personnel ng BI na pinabulaanan ni Department of Justice( DOJ) Secretary Menardo Guevarra at sinabing nakabalik na nga sa trabaho ang mga ito at may kinakaharap na kasong kriminal at administratibo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, malinaw na hindi naabisuhan si Pangulong Duterte bago ang kanyang SONA.
Pero malinaw aniya ang mensahe ng Presidente na gusto niyang maalis sa serbisyo at maparusahan ang mga gumawa ng katiwalian sa gobyerno.
Hindi kasi aniya katatanggap-tanggap ang ‘Pastillas scheme’ “Siguro po, obvious ang sagot at hindi po siguro alam ni Presidente, hindi pa sila nasisisante; ang alam lang niya, nasuspinde. Pero siguro po ang epekto ng kanyang mga binitawang salita, iyan po ay mandato sa DOJ, sa CID gawin ninyo ang lahat para masisante iyan sa lalong mabilis na panahon. Hindi po katanggap-tanggap iyong ginawa nilang pastillas scheme; kinakailangan po talaga sibakin sila,” ani Roque.
Kaya tinawag na ‘Pastillas scheme’ ang suhulan sa BI personnel dahil nirorolyo ang perang suhol na kapareho ng pastillas. (Josephine Patricio)
The post Duterte ‘di alam na hindi pa nasibak ang 43 BI personnel na sangkot sa ‘Pastillas scheme’ appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: