IBINALIK na sa moderate-risk COVID-19 classification ang Pilipinas matapos na maobserbahan ang pagtaas ng mga naitatalang COVID-19 cases sa bansa nitong mga nakalipas na araw.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, matapos ang pagkakaroon ng slowdown ng mga kaso, naobserbahang muli sa bansa ang pagtaas ng mga kaso ng sakit nitong kalagitnaan ng Hulyo, sanhi upang itaas ang klasipikasyon nito sa moderate-risk.
Batay sa datos na iprinisinta ni Vergeire sa media, nabatid na ang two-week case growth rate ng bansa ay tumaas sa 1% mula Hulyo 11 hanggang 24 mula sa dating -10% mula Hunyo 27 hanggang July 10.
Tumaas din ang national average daily attack rate (ADAR) sa 4.95 cases per 100,000 population sa nakalipas na dalawang linggo o mula Hulyo 11 hanggang 24, na mas mataas mula sa 1.88 noong Hunyo 27 hanggang Hulyo 10.
Matatandaang noong Hulyo 1, sinabi ng DOH na ang bansa ay nasa low risk classification na para sa COVID-19 case trend matapos na makapagtala ng negative growth rate sa mga kaso at mas mababang ADAR.
Samantala, mula naman sa dating 5,576 lamang noong nakaraang linggo o mula Hulyo 15 hanggang 21, ay naging 6,029 na ang average ng mga naitatalang bagong kaso ng impeksiyon kada araw mula Hulyo 22 hanggang 28.
Sa kabila naman nito, sinabi ng DOH na ang healthcare utilization rates (HCUR) ng bansa ay nasa 48.96% at ang intensive care utilization rates (ICUR) ay nasa 58.64%, ay nananatiling nasa safe zone o low-risk classification. (Andi Garcia)
The post ‘Pinas balik sa moderate-risk COVID-19 classification – DOH appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: