Facebook

Huwag paasahin

HINDI dapat alipin ang puwersang demokratiko sa paghihintay sa desisyon ni Leni Robredo kung tatakbo o hindi sa panguluhan sa 2022. Hindi dapat pinaasa ang mga kakampi sa kanyang desisyon. Hindi dapat batayan ng kapalaran ng oposisyon ang kanyang desisyon kung tatakbo o hindi. Hindi si Leni Robredo ang oposisyon.

Ano ang kasalanan ng oposisyon at kailangan maghintay sa desisyon ni Leni? Bakit kailangan na itali at ibatay kay Leni ang kapalaran ng oposisyon sa hinaharap? Walang ginawang masama ang oposisyon kay Leni kahit na pinabayaan ng liderato na humina at malumpo sa nakalipas na limang taon dahil sa kapabayaan at kakulangan ng plano at istratehiya para lumakas. Hindi si Leni Robredo ang pag-asa ng oposisyon.

Hindi nakatulong si Kiko Pangilinan, pangulo ng Liberal Party, o Liberal Bagal, nang sabihin niya na “maghintay” kay Leni na magdeklara ng kanyang kandidatura para pangulo sa halalan sa 2022. Paano niya nasabi na magdedeklara si Leni habang walang nakikitang kahit anong plano at paghahanda sa panig ng kampo ni Leni? Kailan magdedeklara? Sa batayan pa lang, may problema si Kiko. Wala silang alam sabihin kundi maghintay.

Mabuting naisip ng ibang puwersa na hindi kabilang sa Liberal Bagal na magbuklod-buklod sa ilalim ng koalisyong 1Sambayan. Magka-iba ang 1Sambayan at Liberal Party. Kredito sa mga convenor ng 1Sambayan na pagsamahin ang mga alagad ng oposisyon sa ilalim ng ibang bubong maliban sa Liberal Bagal. Maiging nakita ng mga convenor ng 1Sambayan na hindi naghahanda ang Liberal Bagal sa 2022. Kung wala ang 1Sambayan at umasa sa Liberal Bagal, hindi natin alam kung anong kapalaran ang naghihintay sa ating bansa.

“Passive politics has no strategic value” – isa ito sa aking post sa social media. Hindi istratehiya ang paasahin ang kakampi. Kung hindi siya kumporme na magdeklara sa publiko na kanyang plano sa 2022, magbigay si Leni Robredo ng isang makahulugang kindat na tuloy sa 2022. Ngunit pinungayan ng mata ang puwersang demokratiko ng bansa; wala ang kindat.

Naalaala namin ang sinabi ni Barack Obama sa kampanya noong halalan pampanguluhan ng 2008 sa Estados Unidos: “Politics is a contact sports.” Kung ayaw ng isang pulitiko na mabakbakan sa kampanya, maglaro na lang siya ng mahjong.

***

WALANG paghahanda ang Liberal Bagal, o kampo ni Leni, sa halalan sa 2022. Walang plano, programa, istratehiya at taktika sa kampanya. Nagmalaki minsan sa isang panayam si Leni na hindi sila handa. Hindi namin maintindihan ito dahil hindi ang Liberal Bagal ang naghaharing lapian. Malaki ang inihina sa nakaraang limang taon dahil sumama ang maraming kasapi sa naghaharing koalisyon ni Rodrigo Duterte sapagkat nandoon ang biyaya.

Walang programa ang Liberal Bagal na mangalap ng mga bagong kasapi na ipapalit sa mga nangawala. Kulang sa “warm bodies” ang partido upang bigyan ng magandang laban ang puwersa ng kasamaan sa ating bansa. Nasa puwersa ng Inferior Davao ang Comelec, burukrasya at kaban ng bayan. Habang babagal-babagal ang Liberal Bagal sa pagdedesisyon.

Walang fund raising ang Liberal Party. Walang paraan upang lumikom ng sapat na halaga na gagamitin sa kampanya. Paano kakampanya ni Leni kung walang pera? O sadyang hindi nangangalap ng pondo dahil hindi talaga tatakbo?

Kaya kausap ni Kiko si Mane Pacquiao dahil mukhang may plano sila ng makipag-alyansa sa paksyon ni Mane sa PDP-Laban. Kung magsama ang PDP Laban paksyon ni Mane sa Liberal Bagal, hind namin nakikita na si Leni ang kandidato sa panguluhan at bise presidente si Mane. Sa laki ng ego ni Mane, hindi papayag ang boksingero na magpailalim sa babae. Mas mataas sa survey si Mane kesa kay Leni.

***

HINDI kami kumporme nang sabihin ni Kiko Pangilinan noong Sabado na hindi bago kay Leni Robredo ang manggaling sa ibaba. Binanggit niya ang nangyari noong 2016 nang nanalo siya kahit na nag-umpisa siya sa rating na isang posiyento sa mga survey noon. Kapag humataw sa kampanya, biglang aangat si Leni, ito ang katwiran ni Kiko. Totoo ang mga detalye niya ngunit may mga detalye na hindi niya binanggit.

Hindi alam ni Kiko ang kanyang sinasabi. Una, nasa poder ang Liberal Party nang piliin si Leni bilang katambal ni Mar Roxas sa halalan ng 2016. May malaking makinarya ang kanilang lapian. Mayroon sapat na salapi dahil pinondohan sila ng pamilya ni Mar Roxas. Nakisakay si Leni sa makinarya ng Liberal at salapi ng mga Araneta at Roxas.

Wala sa poder ang Liberal Party ngayon. Walang makinarya na lalaban sa mga alagad ng kasamaan tulad ng makinarya ng Hugpong at mga kaalyansang lapian at ang magkahiwalay na paksyon PDP-Laban ni Pons Cusi at Mane Pacquiao. Walang Araneta at Roxas na magbibigay ng pera kay Leni. Umaasa si Kiko na mananalo at pinaasa ang mga kakampi. Sasama lang ang loob ng mga kaalyado dahil matatalo si Leni dahil sa kakulangan ng paghahanda.

***

HAHATAW sa lokal at international mass media sa mga susunod na linggo at buwan ang balita tungkol sa pag-uusig ng International Criminal Court (ICC) kay Rodrigo Duterte at mga kasapakat na Alan Peter Cayetano, Bato dela Rosa, Jose Calida, Vitaliano Aguirre, Dick Gordon, at ina pa. Sumulong ang sakdal na crimes against humanity na isinampa ni Sonny Trillanes at Gary Alejano laban sa kanila noong Abril, 2017.

Sinabi sa Final Report ni Fatou Bensouda, nagretirong hepe ng Office of the Prosecutor ng ICC, na may batayan ang paniwala na si Duterte ang nag-utos ng malawakang patayan sa ilalim ng madugo ngunit bigong digmaan kontra droga. Nasa Pre-Trial Chamber ang sakdal ni Trillanes at Alejano na sinamahan ng ibang grupo na nagtatanggol sa karapatang pantao. Maaring bumaba sa Septiyembre o Oktubre ang desisyon at umpisahan ang pormal na imbestigasyon.

Hindi kabisado ni Duterte at mga kasabwat ang proseso ng ICC. Pawang mga kumakapa sa dilim ang grupo na walang awang nagpapatay sa pagitan ng 16,000 hanggang 30,000 katao na pinaghinalaang sangkot sa paggamit at pagtutulak ng bawal na gamot mula 2016 hanggang 2019, ayon kay Bensouda. Hindi alam ni Duterte at mga kasapakat na maraming dokumento at ebidensiya ang naibigay sa ICC ng mga pamilya ng mga biktima ng EJKs at manananggol, Commission on Human Rights (CHR), civil society at NGO community, at mga grupo ng mga nagtatanggol sa karapatang pantao.

Ididiin sila ng mga ebidensiya na nasa kamay ng ICC. Huwag natin seryosohin si Harry Roque na kung ano-ano ang sinasabi. Hindi alam ni Roque and proseso ng ICC. Kumakapa rin siya sa dilim tulad ng kanyang amo. Hindi siya magaling.

The post Huwag paasahin appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Huwag paasahin Huwag paasahin Reviewed by misfitgympal on Hulyo 22, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.