Facebook

Iba pa rin ang dating ng lungsod ng Maynila…

IBA pa rin ang dating ng lungsod ng Maynila kung iku-kumpara sa lahat ng mga lungsod at munisipalidad sa buong National Capital Region(NCR).

Hindi lang siguro sa buong NCR kundi sa buong Pilipinas na kung saan malayong-malayo talaga ang kalakaran sa lahat ng bagay.

Talagang naiiba pa rin ang pamosong lungsod ke saan pa daanin ang laban o dili kaya’y kompetisyon.

Halos sa lahat ng aspeto ay number one ang Maynila lalo na sa larangan ng disiplina partikular na sa pagpa-patupad ng mga ordinansa at batas.

Maging sa panahon ng pandemya na halos isang taon at kalahati na, labis at istriktong napapatupad dito ang lahat ng health protocol na inihain ng gobyerno.

Sa simpleng salita ay ibang klase ang ipinapamalas na palakad ng nasabing lungsod sa pangunguna ni Yorme Isko Moreno.

Iba ang kanyang pinapakitang dedikasyon at sinseridad na kung saan ang kapakanan muna ng lahat ng Manilenyo ang kanyang unang priyoridad.

Ilan halimbawa nito ay ang rasyon ng monthly food supply sa lahat ng mga barangay na hindi pumapalya at talagang updated kung dumating sa mga Manilenyo halos walong buwan mula ng ito ay ilunsad.

Ang mga dating mga kalsada gaya ng Divisoria na dati’y hindi madaanan sanhi ng mga vendor ay bukas ng muli sa trapiko, motorista at publiko.

Ubod na rin ng ganda ang ilan mga lugar nating maka-saysayan tulad ng Jones Bridge, Plaza Moriones, Mehan garden at marami pang iba. Maaliwalas at nagniningning sa liwanag ng mga ilaw ang mga lugar na ito na dati’y madilim, marumi at halos di na dinadaanan ng mga tao.

Ito ay ilan lang sa mga halimbawa sa mga pagbabagong naganap sa Maynila na hindi yata nagampanan ng mga naunang Alkalde sa kanilang termino.

Hanggang sa kasalukuyang situwasyon na kung saan nagkakagulo ang publiko sa pagpapabakuna ay talagang nararamdaman ng buong lungsod ang pagmamahal at malasakit ng liderato.

Talagang puspusan at seryoso ang kalakaran dito na sa awa ng Panginoon ay matagumpay na nagagampanan ng Manila Health Department sa superbisyon na rin ng ating mahal na Alkalde.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay makikita natin ang haba at walang humpay na pila ng mga tao sa mga tinalagang pam-publikong mga paaralan at mga ospital.

Hindi na ini-intindi ng liderato sampu ng kanyang mga kawani na na-atasan sa bakuna ang puyat at pagod na maging araw ng Linggo at Sabado ay nandon pa rin at patuloy na nagse-serbisyo.

Ang mga araw at oras na ito ay para na sana sa kanilang pamilya at mahal sa buhay nguni’t ito ay kanilang sinasakripisyo sa kapakanan ng lahat ng Manilenyo.

Ito ang talagang larawan ng serbisyo-publiko na dapat talagang gampanan at tugunan ng isa’t-isa lalo na sa liderato ng mga lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Sa ipinapakitang malasakit nitong si Yorme ay hindi malayong kumbinsihin siyang tumakbo ng marami nating kababayan bilang Pangulo sa 2022.

Iba at bukod-tangi ang taglay niyang karisma na siguradong nararamdaman ng mga tao hindi lang ng mga Manilenyo kundi ng buong bansa.

Sa puntong ito ay hindi pa natin alam ang saloobin ni Yorme kung nararapat na ba siyang tumakbo sa pagka Pangulo sa susunod na taon. Ano man ang balak niyang gampanan ay siya lang ang nakaalam at dapat nating igalang dahil ito ay kanyang karapatan at pribilehiyo.

Ano man ang dumating na kabanata, saksing buhay tayong lahat sa kanyang pinakita at pinamalas na kabutihang loob sa publiko at sa lahat ng mga Manilenyo, MABUHAY KA YORME!!!!!

The post Iba pa rin ang dating ng lungsod ng Maynila… appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Iba pa rin ang dating ng lungsod ng Maynila… Iba pa rin ang dating ng lungsod ng Maynila… Reviewed by misfitgympal on Hulyo 19, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.