HINDI nagawang pahintuin ng malakas na buhos ng ulan at baha noong Miyerkules ang pagdagsa ng mga residente sa vaccination sites sa Maynila sa pagpapatuloy ng mass vaccination program ng pamahalaang lungsod, kasabay nito ay umapela si Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng mga nagpapabakuna na itapon ang lahat ng kanilang basura sa tamang kinalalagyan.
Ang lahat ng mga opisyal na nangangasiwa sa pangunguna ni Moreno, Vice Mayor Honey Lacuna, Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan at ang kanyang assistant chief na si Dr. Ed Santos ay personal na sinisiguro na mabilis at maayos ang daloy ng pagbabakuna na kung saan umabot sa kabuuang 33,222 ang mga naturukan sa nasabing araw.
Personal na binisita ni Moreno ang San Andres Complex sa Malate, Manila upang tingnan ang sitwasyon doon nang makita nito ang tambak ng basura sa sahig ng makipot na daan patungo sa lugar kung saan naroon ang mga upuan.
Kaagad na nanghingi ng garbage bag ang alkalde at sa pamamagitan ng kanyang mga kamay ay walang anu-anong dinampot ang mga basura at isinilid sa plastic bag habang pinapagalitan ang mga kawani ng nasabing complex at sinabing hindi na niya kailangang paalalahan na responsibilidad nila na panatilihin ang kalinisan sa nasabing lugar.
Kasabay nito ay umapela rin si Moreno sa mga residente na naghihintay na mabakunahan na siguraduhing itapon sa tamang basurahan ang kanilang kalat at kung sakaling walang basurahan sa paligid ay bitbitin at iuwi na lamang ang kanilang basura.
“Nakikisuyo ako sa inyo… ang mga basura, itapon nyo sa tamang sisidlan. ‘Wag n’yo iiwan kung saan-saan. Ang basurang itinatapon nyo, babalik sa inyo. Magbabara sa imburnal at magdudulot ng baha at babalik sa inyo,” sabi ni Moreno
Idinagdag pa ng alkalde na: “Maging responsible tayo. Pag wala kayong nakitang sisidlan, ilagay nyo sa dala nyo. Wag maging dugyot.”
Samantala ay pinasalamatan ni Moreno ang US government at national government para sa 18,000 doses ng Janssen vaccines na natanggap ng Lungsod ng Maynila.
“Just like we thanked the Chinese government for the 400,000 doses we purchased earlier, I now thank the US government, on behalf of the people of Manila and the national government as well,” sabi Moreno at sinabing ang vaccines ay gawa ng Johnson & Johnson at ibinibigay ng single dose.
Ayon kay Moreno, 98.21 percent ng nakatakdang tumanggap ng kanilang second dose ay sumipot noong Miyerkules, July 21 habang ang kabuuang bilang ng itinurok na bakuna nang nasabing araw ay 31,600. Sinabi pa ng alkalde na 20,000 senior citizens na pinadalhan ng abiso sa pamamagitan ng txt message ay hindi dumating.
Noong Miyerkules din ay nilagdaan ni Moreno ang pagpapalabas ng may P95.3 million halaga ng P500 monthly cash assistance ng mga senior citizens . Nasa 35,788 na mga senior citizens ang tatanggap ng P3,000 bawat isa para sa buwan ng Enero hanggang Hunyo 2021.
Inutos din ni Moreno ang paglabas ng P1.6 million para sa tulong pinansyal ng may 807 senior high students na tatanggap ng P2,000 bawat isa para sa buwan ng Abril hanggang Hulyo 2021. (ANDI GARCIA)
The post Isko, umapela sa lahat ng nagpapabakuna, na itapon sa basurahan ang kalat appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: