SA dinami-dami ng halos mala-delubyong problema na ating pinagdaanan sa mga nakaraang taon, ay parang nauubusan na tayo ng pag-asa. Matagal na panahon di natin naranasan ang pandemyang dala ng virus na COVID-19, ang pananakop ng mga Tsino sa mga parte ng karagatang na pinaniniwalaan nating atin naman talaga, at ang mga nagawa ng ating mga lider, punongbayan at mga politiko na sa pagaasikaso sa atin para di tayo dapuan ng virus na nakamamatay, ay ilan lamang na mga halimbawa.
Lahat yan ay kakikitaan natin ng pag-asa sa darating na halalang nasyunal na naman sa susunod na taon. Bakit na naman kaninyo? Siyempre darating na naman sa atin ang pagkakataon na gagamitin natin ang ating mga karapatan na mamili ng ating magiging mga lider, mamimili tayo sa mga politiko, aktor, atleta atbp. bilang mamumuno sa atin.
Makakaganti na tayo sa mga hindi nagsikilos ng maayos para tayo ay matulungan sa gitna ng pandemya, na ikinawala ng mga hanapbuhay ng marami sa atin. Pero iba ang aking hihilingin.
Bago tayo pumili, humingi tayo ng gabay sa Maykapal upang di tayo magkamali sa pagpili. Itaas natin sa dakilang lumikha na paglinawin ang ating mga isipan sa pagpili ng ating mga ihahalal na mga opisyal ng ating bansa at ng ating lokal na pamahalaan.
Sa ganitong paraan, ay pihadong makakapamili tayo kung sino ang talagang nararapat sa mga posisyong mababakante muli dahil sa isinasaad na eleksiyon ng Saligang Batas.
At isa ko pa ring hiling, ay ngayon pa lamang, matapos tayong humingi ng gabay sa Panginoon, ay kilatisin na natin ang mga nagsisipormang kakandidato sa eleksiyon sa susunod na taon. Di ba nga, mayroon tayong kasabihan na, daig ng maagap ang masipag.
Huwag nating palagpasin ang mga pagkakataon na kilatisin ang lahat ng nagnanais magkaposisyon, dahil ang ibibigay nating boto para sa kanila ay masasayang lang kung sa bandang huli sasabihin natin sa ating mga sarili na nagkamali pala tayo sa pagpilli o ibinoto.
Ngayon pa lang ay kilatisin na natin sila. Sino sa kanila ang may kakayahang paangatin ang ating mga kalagayan lalong lalo na ang kalagayan ng ating bayan. Ngayon pa lang ay kilatisin na natin sino ang talagang kwalipikado sa mga posisyong nakahain sa 2022 Elections.
Sino ang talagang maghahain ng sarili para sa kanyang mga kababayan at inang bayan. Yun bang hindi magpapayaman o magnanakaw sa kaban ng bayan. Kilatisin natin ngayon palang kung sino ang talagang kapaki-pakinabang na pagkakatiwalaan natin ng ating mga boto.
Ngayon pa lang ay idalangin natin na huwag sana tayong magkamali.
The post Kumilatis na ngayon palang appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: