PUMASOK na ang pangalawang semestre ng taon. Hanggang ngayon, walang pahiwatig kahit katiting man lang si Bise Presidente Leni Robredo kung tatakbo o hindi sa panguluhan sa halalan sa 2022. Sa maikli, saktong isang taon, susumpa ang susunod na pangulo. Samantala, nanatiling walang paghahanda ang puwersang demokratiko o oposisyon ng bansa. Hindi ito ang huwad na oposisyon na kumakalaban kunwari kay Rodrigo Duterte.
Itinali ni Leni ang puwersang oposisyon sa kanyang desisyon kung tatakbo o hindi sa 2022. Hindi ito makatarungan lalo na sa mga panatikong tagahanga niya na patuloy na umaasa na tatakbo siya. Hindi namin alam ang klase ng saltik na sumapi sa kanyang pag-iisip. Kailangan ba siyang hintayin? Tulad ng naunang sinabi niya, magdesisyon umano siya sa Septiyembre. Paano kung hindi siya tatakbo? Paano na ang puwersang oposisyon?
Walang paghahanda ang puwersang oposisyon. Walang pagpapalakas ng mga lapian, walang pangangalap ng bagong kasapi at pondo, walang edukasyon para sa mga kasapi, at walang plano kung paano patatakbuhin ang kampanya. Walang pakikipagtulay sa ibang puwersang pulitikal upang palakasin ang plano na pagbuklurin sa nagkakaisang hanay ang lahat ng puwersang demokratiko o oposisyon sa bansa.
Mayroon ginawa ang Liberal Party, ngunit lihis ito sa kagandang asal at katinuan ng pag-iisip. Dahil wala ginagawa ang lapian, nagpalabas ito ng isang pahayag na palalawakin ang kasapian ng partido at iimbitahin sina Mane Pacquiao at Isko Moreno, ang dalawang pro-Duterte na wala naman ipinakita na malasakit sa oposisyon. Nahalata lang na walang paglalagyan ang Liberal Party dahil wala itong paghahanda sa susunod na halalan.
Pulitika ng pandemya ang ginawa ni Leni sa nakalipas na ilang buwan. Walang problema sa mga inisyatiba na inumpisahan ng Office of the Vice President (OVP). Kailangan harapin ang suliranin sa pandemya dahil walang maasahan sa gobyernong patapon ni Duterte. Hindi ito kumikilos ng maayos at totoong nahuhuli upang masugpo ng ganap ang pandemya. Ngunit napabayaan ni Leni ang paghahanda sa panguluhan sa 2022. Sinadya ba dahil wala siyang plano na pumalaot sa 2022?
Ngayon, may plano ang Liberal Party sa pamumuno ni Kiko Pangilinan na makipag-usap sa ibang pulitiko tulad ni Ping Lacson, Joel Villanueva, at Bebot Alvarez upang makapaghanda dahil mukhang hindi tatakbo si Leni. Mukhang ito ang huling baraha ni Leni at Liberal Party upang tuluyan na tumalikod sa 2022. Plano ba ni Leni na tumakbo na lang ng gobernadora sa kanyang lalawigan na Camarines del Sur?
May mga nagsabi sa amin mula sa hanay ng oposisyon na bagaman malaking oras ang ginugol ni Leni sa pagharap sa pandemya, hindi ito nangahulugan na tumaas ang kanyang rating sa mga survey na palihim na ginawa upang matantiya ang lakas ng ilang kandidato na maaring isabak sa 2022. Bumaba ang kanyang rating at loob ng ilang buwan, nanatili itong single digit. Sa maikli, pinanghinaan ng loob si Leni.
Para sa amin, totoong mahina ang loob ni Leni. Hindi siya mandirigma. Hindi siya gerilyera. Hindi siya palaban. Hindi siya ang manok ng malalaking tao na pumupondo sa napipisil na kandidato. Walang salapi si Leni upang tustusan ang kampanya.
***
HINDI kami natutuwa sa mga kinakausap ni Kiko Pangilinan bilang pamalit kay Leni na walang balak na sumabak sa panguluhan sa 2022. Hindi kami natutuwa kay Ping Lacson, Nancy Binay, Joel Villanueva, at Bebot Alvarez, ang dating ispiker na nakaaway ni Sara Duterte at pumopostura ngayon bilang oposisyon. Ano na ang nangyari sa Liberal Party?
Hindi malayo na multuhin sila ni P-Noy dahil hindi ganito ang pananaw niya sa partido na nagdala sa kanya sa tagumpay. Hindi dapat ginagambala ang kaluluwa ng namatay dahil lang sa mga kagaguhan na hindi pinag-isipan. Mukhang hindi pinag-aralan ni Kiko ang record ng kanyang mga kinakausap. Pawang mga pro-Duterte.
Hindi nakakalimutan ang tagpo sa Davao City kung saan nagpunta at nagmano ang mag-amang Eddie at Joel Villanueva kay Duterte bago ang halalan noong 2016. Sinuportahan ng mag-ama si Duterte at kapalit niyan ang pagsama sa pangalan ni Joel sa sample ballot ni Duterte. Magaan na nanalo si Joel bilang senador, ngunit matindi ang oportunismo ng mga Villanueva.
Nadikit si Joel kay P-Noy at nag-umpisa ang kanilang magandang relasyon ng pareho silang kongresista. Nang maupo si P-Noy, hinirang niya si Joel bilang hepe ng TESDA, isang posisyon na katumbas ay pagiging kalihim sa Gabinete. Isinali sa tiket ng Liberal Party, ngunit biglang kambiyo noong lumakas si Duterte at lumaki ang tsansa na manalo noong 2016.
Madaling maunawaan ang pagbalimbing ni Joel, ngunit kapansin-pansin na totoong tinalikuran niya ang prinsipyo ng malayang demokrasya. Hindi siya tumayo laban sa malawakang patayan, o EJKs, sa ilalim ng madugo ngunit bigong digmaan kontra droga. Hindi siya nagpahayag ng paninindigan ng tumalikod si Duterte sa interes ng Filipinas sa West Philippine Sea at kumampi sa China. Oportunismo ang marka ng pulitika ni Joel. Hindi namin siya iboboto kahit senador.
Kung ihahambing si Ping Lacson sa isdang tilapia, hindi siya nalalayo. Sa unang buwan ng paglangoy ng isdang tilapia, hindi malaman kung babae o lalaki sila. Nagkakaroon lamang ng kasarian kapag lumalaki na sila. Ganyan si Ping; hindi malaman kung babae or lalaki pagdating sa pulitika. Sa pula o sa puti. Malabo ang paninindigan.
Namumustura si Nancy Binay bilang oposisyon ngunit kapos. Masyadong pinipili ang mga usapin na sasalihan niya at palaging pahapyaw ang banat. Hindi diretso si Nancy at magaling lang siya sa bungangaan, o kantiyawan. Kung baga sa karera, banderang kapos. Hindi maidiretso ang gustong sabihin.
Wala kaming masabi tungkol kay Bebot Alvarez. Kontra demokrasya ang taong ito at siya ang nagpanukala na gawing P1,000 ang taunang budget ng Commission on Human Rights. Hindi siya nababagay na pangulo. Mahina naman siya kung ihahambing sa ibang kandidato at hindi na lang kami magsasalita.
***
HINDI kami kumporme na basta na lang maitsa-puwera ang 1Sambayan. Hilo at lito ang Liberal Party at hindi ito dapat namamayagpag. Naitayo ang 1Sambayan dahil hindi makapagdesisyon si Leni kung tatakbo o hindi sa 2022.
Organisasyon ng totoong alagad ng demokrasya ang !Sambayan. Isa itong civil society organization. Ang Liberal Party ay lapian ng mga traditional politician, o iyong mga trapo. Malaki ang pagkakaiba ng 1Sambayan at Liberal Party. Sa takbo ng mga nangyayari, hindi dapat paniwalaan ang Liberal Party. Mas may kredibilidad ang 1Sambayan.
***
Email:bootsfra@yqhoo.com
The post Mababa sa survey appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: