Nakatutuwang mabalitaan na itong si Manila Police District (MPD) Director Leo Francisco ay may personal talagang malasakit sa kanyang mga nasasakupan.
Matapos na may mag-amok at mamaril na pulis sa loob ng MPD Headquarters sa UN Avenue kamakailan lang, kung saan dalawang pulis ang namatay kasama na ang mismong namaril, pinatututukan ngayon ni Gen. Francisco ang kalagayang pangkaisipan ng mga pulis-Maynila.
Itinagubilin niya sa kanyang mga opisyal na bigyang-pansin ang ‘mental health’ at kalagayan sa buhay ng mga tauhan nila para hindi na muling maulit ang ginawang paghuhuramentado ng isa sa kanilang tauhan mismo at sa loob pa mandin ng MPD Headquarters.
Inilagay sa ‘full alert status’ ang MPD habang nagpapatuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon para malaman o matukoy kung ano ang nagtulak sa pulis na si PEMS Reynante Dipasupil para mag-huramentado nang araw na iyon.
Namatay mismo si Reynante at nadamay din si PMSgt Romeo Cantal na nasawi din samantalang nasugatan ang isa pang pulis, si PSSg Reynado Cordova.
Agaran ding tiniyak ni Gen.. Francisco ang pagbibigay ng pinansiyal na tulong sa pamilya ng mga biktima. Ayon sa aking nabalitaan, pati pala pamilya ng suspek mismo na si Dipasupil ay tinulungan din ni Gen. Francisco.
Dahil din sa pangyayaring iyan ay nagbigay si Francisco ng atas sa lahat ng station commanders na magpatupad ng palagian at regular na ‘accounting’ ng kanilang mga tauhan.
Tagubilin ni Gen. Francisco na gawin ito dalawang beses kada araw nang sa gayon ay matiyak ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon sa ang mga hepe sa kanilang mga tauhan.
Naniniwala si Francisco na ang ganitong sistema ay mabisa para agad na malaman at matugunan kung anuman ang kalagayan at nangyayari sa buhay-buhay ng kanilang mga tauhan.
Itong si Dipasupil ay nagwala umano sa MPD noong Hunyo 23 pasado alas- 11 ng gabi, dumiretso sa cabinet ng kanilang tanggapan sa DPIOU para kumuha ng armas at saka pinagbabaril ang iba’t-ibang tanggapan sa MPD headquarters.
Rumesponde ang mga taga-Special Weapons and Tactics (SWAT) at sa palitan ng putok ng baril ay tinamaan ng suspect si PMSg Cordova, na naging dahilan ng pagkasugat nito.
Nang mauubusan na ng bala ay dumiretso umano ang suspek sa Gate 4 ng MPD headquarters upang tumakas na sana. Kaso,nakasalubong nito si PEMS Cantal at PSSg Ferdinand Francia na nanawagan sa kanyang sumuko.
Pinili ng suspect na makipagbarilan sa mga kapwa niya pulis at doon ay tinamaan si PEMS Cantal at maging ang suspect mismo at ang ending ay patay silang dalawa.
Pabor ako sa aksyon ni Gen. Francisco. Mahalagang gawin ito upang di na maulit pa ang ganitong uri ng insidente.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.
The post Tunay na malasakit ang ipinamalas ni MPD Chief Francisco appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: