PALAPIT na ng palapit ang Lungsod ng Maynila na matamo ang inaasam na herd o population immunity, ito ay base sa ipinapakitang record na 811,998 ng mga indibidwal ang naturukan ng first dose hanggang alas-8 ng gabi nitong Lunes, July 26.
Base sa ulat mula kina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan na kapwa namumuno sa mass vaccination program ng lungsod, sinabi ni Moreno na sa nasabing bilang,464,903 dito ay fully-vaccinated habang ang kabuuang bilang ng bakuna na naiturok na ay 1,240,588. Ang Maynila ay may populasyong 1.8 million.
Ayon kay Lacuna, kailangan ng 70 porsyento ng populasyon ang mabakunahan upang makamit ang herd immunity.
Ayon naman kay Moreno, sinabi sa kanya ng Department of Health (DOH) na kailangan na makapag fully vaccinate ng 800,000 na mga indibidwal para maabot ang herd immunity o kilala rin sa tawag na population immunity.
Samantala, University of Santo Tomas (UST) ang naging pinakahuling karagdagan sa humahabang listahan ng mga ginagamit bilang vaccination sites sa Maynila.
Personal na binisita nina Moreno at Lacuna ang unang araw ng vaccination sa UST practice gym noong Lunes, kung saan sinalubong sila nina Pangan, MHD assistant head Dr. Ed Santos at mga UST officials sa pangunguna ni Rector, Rev. Richard Ang.
Labis na nagpasalamat ang alkalde at bise alkalde sa mga opisyal ng UST na naroroon at tiniyak sa mga ito na hindi sila magsisisi sa pagpapahiram ng lugar dahil aniya malaki ang maitutulong nito sa mga vaccinators ng pamahalaang lungsod at sa mga residente dahil ito ay komportable, maluwag, open-air at ligtas pagganapan ng mass vaccination.
Sa unang pagkakataon na ginamit ang UST practice gym bilang vaccination site, ay may 2,000 vaccines ang naiturok ng mga kawani ng MHD na inalalayan ng mga opisyal ng barangay at kawani ng Manila Disaster Risk Reduction Office (MDRRO) sa ilalim ni Arnel Angeles gaya rin ng kanilang ginagawa sa iba pang vaccination sites sa lungsod.
Ang mga naturukan ng kanilang first dose ay mula sa A2 at A3 priority groups o senior citizens at mga edad 18 hanggang 59 na may comorbidities.
Ang UST ay ang pinakahuling karagdagan sa maraming vaccination sites na ginagamit na lokal na pamahalaan kapag mayroong available na bakuna.
Ang iba pang mga itinakdang lugar para sa mass vaccitantion ay 18 eskwelahan na nakakalat sa anim na distrito ng Maynila at apat na malalaking shopping malls at ang mga ito ay nag-o-operate sa loob ng 14-oras mula alas-6 ng umaga hanggang alas- 8 ng gabi, umulan o umaraw at kahit pa holidays o weekends hanggat may binibigay na bakuna galing sa national government.
Ang herd o population immunity ay isang uri ng proteksyon na nagaganap kapag may sapat na porsyento ng isang populasyon ang naging immune o hindi na tinatablan ng impeksyon at nagpapababa rin ito sa posibilidad na mahawa sa impeksyon ang mga walang immunity.(ANDI GARCIA)
The post Maynila, palapit na ng palapit sa herd immunity appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: