INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagdaraos ng isang prusisyon kungsaan lumabag ang mga tao sa health protocols kontra Covid-19 sa General Trias, Cavite.
Sa video, makikitang naglalakad at nagsasayawan ang mga tao habang umuulan sa Arnaldo Highway sa Barangay Santiago nitong Linggo.
Lumahok ang mga tao sa ‘Karakol’, isang tradisyunal na religious procession tuwing pista sa Cavite. Kasama rin sa pagtitipon ang isang barangay chairperson.
Makikita sa video na magkakadikit ang ilan sa mga tao habang walang face mask. Ang Cavite ay kabilang sa mga lugar na isinailalim sa General Community Quarantine (GCQ) mula July16 hanggang katapusan.
Itinuturing itong malaking paglabag ng DILG.
“Lahat po ng minimum health standards ay viniolate… Nakakabahala po ito, and DILG will act immediately,” ani Undersecretary Jonathan Malaya.
Ayon naman kay Mayor Antonio Ferrer, walang pahintulot ng munisipyo ang pagtitipon.
Wala rin umanong kinalaman ang parokya sa prusisyon at hindi nila ito aprubado.
Wala naman naging pahayag ang barangay chairperson ng nasabing lugar.
Ayon kay Josie Cortez, staff sa Barangay Santiago, nabigyan ng show cause order at pinag-quarantine ang mga lumahok sa prusisyon.
Ayon kay Ferrer, humingi ng tawad ang barangay chairperson pero may pananagutan parin ito sa naturang paglabag.
The post Nagprusisyon lumabag sa health protocols sa Cavite appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: