GOOD job ang isang aso nang mapatakbo nito ang dalawang kawatan na pumasok sa bahay ng kaniyang mga among natutulog sa Davao City.
Makikita sa kuha ng CCTV sa Barangay General Malvar 7-A sa Davao City ang isang lalaki na tila naghahanap ng bahay na papasukin.
Maya-maya lang, umalis ang lalaki at pagbalik ay may kasamang isa pa.
Sandali silang nawala sa kuha ng CCTV pero hindi nagtagal ay nakita na silang kumakaripas ng takbo upang tumakas.
Nakita naman sa kuha ng CCTV sa loob ng pinasok nilang bahay na naghahanap ng makukulimbat ang dalawa sa sala. Pero dumating ang bantay ng bahay na isang malaking aso kaya napakaripas ng takbo ang mga kawatan.
Sa pagmamadali ng dalawa, naiwan ng isang kawatan ang kaniyang tsinelas.
Kuwento ng may-ari ng bahay na si Noel John Cachuela Ravelo, nangyari ang insidente gabi ng July 24.
Naiwanan daw nilang hindi naka-lock ang pinto ng bahay kaya nakapasok ang mga kawatan.
Mabuti nalang daw at nasa sala noon ang kanilang aso.
Walang natangay ang mga kawatan at nai-report na nila sa pulisya ang nangyari.
Nais din nilang mabigyan ng babala ang mga residente tungkol sa gumagalang kawatan sa kanilang lugar.
The post 2 kawatan kumaripas ng takbo kay ‘Bantay’ appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: