KAHIT mas marami ang talo at nabubugbog, hindi tumigil sa paglaban ang isang boksingero para mapag-aral at makapagtapos sa kolehiyo ang kaniyang misis. Ang kaniyang sakripisyo, panalo.
Nabatid na may fight record si Jonel Borbon na 2 panalo, 2 tabla, at 23 talo.
Ngunit hindi raw sumagi sa isip ni Jonel na tumigil sa pagboboksing dahil napagkukunan niya ito ng pangtustos sa pag-aaral ng kaniyang misis na si Mai, na may kursong information technology.
Marami na raw ang nagpapayo sa kaniya na huminto na sa paglaban. Pero iniisip ni Jonel na wala siyang pagkukunan ng pangsuporta o pangdagdag sa pag-aaral ng asawa kaya nagpatuloy parin siya sa pagboboksing.
Ayon kay Jonel, hindi sasapat ng kikitain niya sa pagtatrabaho sa gym para mapag-aral si Mai.
“Kasi medyo malaki ang kailangang i-down [payment], kailangan sa tuition fee niya. Eh ‘pag lumaban ako puwede ko siyang makuha doon ang kahalati, puwedeng pag-ipunan na lang yung kalahati,” paliwanag ni Jonel.
Kumikita si Jonel ng P8,000 kada laban, pero hindi parin sasapat dahil apat na beses lang sa isang taon kung makalaban siya.
Para makadagdag ng kita, sumasali rin siya sa mixed martial arts (MMA). Kahit mas maliit ang bayad, puwede naman daw lumaban ng sunod-sunod.
Kuwento ni Jonel, may sinalihan nga siya na magkasunod na laban.
“Pumunta nga ako sa event may mga pasa ako. Nakita ako ng mga staff doon, pagkakita nila sa akin, “Oh nandito ka naman? Kailangan na kailangan ba?,'” natatawang sabi ni Jonel.
Batid naman ni Mai na hindi biro ang pagsasakripisyo ng mister kaya naman pinagbutihan niya ang pag-aaral.
At ngayong taon, nagbunga na ang kanilang paghihirap. Nagtapos ng kolehiyo si Mai at Cum Laude pa.
Tiniyak ni Mai kay Jonel na hindi mangyayari ang mga sinasabi ng iba na iiwan niya ang mister kapag nakapagtapos na siya ng pag-aaral at makahanap ng trabaho.
“Hinding-hindi ‘yong mangyayari,” sabi ni Mai kay Jonel, kasabay ng pagpapahayag ng pasasalamat sa ginawa nitong sakripisyo para sa kaniya.
Ngayong tapos na sa pag-aaral ang asawa, balak na lang ni Jonel na mag-focus sa pagtuturo ng boksing.
The post Boxer ‘di tumigil sa paglaban kahit talunan para mapag-aral ang misis appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: