Facebook

Nang maging ginto ang SONA

KAKAIBA itong nangyari sa huling State of the Nation Address (SONA) noong July 26. Dahil sa halip na maboryo sa mga salita ni Haring Digong, ang malungkot na bansa ay nahipo ni Haring Midas para magkaroon ng ginto sa pamagitan ni Hidilyn Diaz at sa magandang performance sa 2020 Olympics ng iba pa nating mga atleta.

Kakaiba dahil nakamit ni Hidilyn ang pagkilala at kinang ng kasikatan bilang unang Pinoy gold medalist sa kasaysayan ng Olympics, sa araw na halos maupos naman sa podium ang Presidente na siyang nagdawit sa kanya sa planong destabilisasyon noong 2019.

Dahil sa tagumpay ni Hidilyn ay parang walang naganap na SONA. Siya at hindi si Digong kasi ang naging bida sa balita. Ginto sa loob ng halos 100 taon ng pakikipagbuno ng Pilipinas sa Olympics! Ito ay sa kabila ng alam nating istorikal na kakulangan ng suporta ng pamahalaan sa ating mga atleta. Ngunit heto na nga si Hidilyn. At may tsansa pang madagdagan ang ating medalya sa mga atletang nakapasok na sa finals at quarter finals katulad nina Petecio, Paalam, Marcial, at sana ay makahabol pa sina Obiena, Saso at Yulo sa kani-kanilang mga larangan.

Ngunit hindi ibig sabihin ng tagumpay at kasiyahang ito ay natakpan na ang totoong estado ng bansa. Sadya lang mas malaki ang unang ginto na balita sa loob ng apat na taong paghahanda ni Hidilyn, kaysa sa limang taon ng bigong pamamahala. Gold is gold, ika nga.

Dahil sa tagumpay na ito ay magandang buhay ang naghihintay kay Hidilyn at sa iba pa nating atleta. Bagama’t alam din natin ang katotohanan na hindi lahat ng atleta ay nagtatamasa ng ganitong oportunidad. Alalahanin natin na ang sports, sa komersyal at kapitalistang mundo, ay katulad din ng showbiz. May bida at patok. Habang ang mas marami ay supporting roles at mga anino ng production staffs na gulugod ng matagumpay na produksyon.

Kasunod ng kinang ng pangalan ng mga artista ay product endorsements. Ang iba ay sa pulitika pa nga ang hantungan. Ganundin sa sports. Ang karangalan at kasikatan ay nag-aanak pa ng maraming ginto. At kinikilala ito ng lipunana bilang bunga ng kanilang pinaghirapan bilang indibidwal o ng bilang team. Karapat-dapat lang. Dahil sila ay totoong kwento ng pakikibaka, hindi katulad ng kwento ng kasakiman ni Haring Midas.

Ang kakaiba o hindi katulad ng oportunidad na ito ay ang kalagayan ng nakararami sa ating bansa. Dahil hindi lahat ng masipag at palaban sa buhay ay yumayaman. Hindi lahat ng nagtatanim, ang mga magsasaka, ay sagana sa pagkain. Hindi lahat ng gumagawa ng produktong nabibili sa merkado, ang mga manggagawa, ay saganang nakikinabang sa sarili nilang produkto. Hindi lahat ng naghahatid serbisyo, ang ating mga frontliners, ay natutumbasan ng benepisyo at pagkalinga dahil sa kanilang sakripisyo. Dahil sa totoong buhay, sa pagod na ginugol nila ay may mga sakim na lalong yumayaman.

Kadalasan, ang mga frontliners sa produksyon at serbisyo ay hindi pansin. Tuloy lang sa trabaho at kayod. Dahil ang buhay nila ay hindi entertainment. Hindi rin paligsahan kundi sama-samang pagtupad ng tungkuling atas ng mga boss. Tuloy lang sa totoong state of the nation.

Pero sa totoo lang, sila rin ang malawak na palengke ng mga adbertisment, palabas at entertainment na ginagastusan ng mga korporasyon gamit ang mga modelong tao para maging mabenta ang kanilang mga produkto. Dahil silang tagagawa ay sila ring tagabili. Si misis din ang bibili ng sabon sa labada na gawa ni mister, o ng mantika, suka at toyo na gamit sa pagluluto.

Sa pulitika ay ganundin. Ang ads at tarpaulin ay entertainment. Ang mga ito ay hindi sumasalamin sa totoong buhay. Maliban sa ilang makatotohanan, ang mga sikat na pangalan sa pulitika ay hindi katumbas ng kanilang kakayahan, katinuan, o totoong paninindigan. Kalakhan sa kanila ay kasinungalingan.

Katulad din ng kwento ni haring Midas na anumang mahawakan ay nagiging ginto. Pero hindi siya totoong nagutom kahit na ang mawakan niyang pagkain ay nagiging ginto. Dahil sa kanya ay mayroong pwedeng magsilbing frontliners. Hindi siya makatotohanan dahil hindi siya nangyayari sa totoong buhay.

 

The post Nang maging ginto ang SONA appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Nang maging ginto ang SONA Nang maging ginto ang SONA Reviewed by misfitgympal on Hulyo 31, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.