PINAHANGA ako ng husto ng pulis na ito, na kahit nasaktan na at muntik pang mamatay sa isang enkwentro ay nagpatuloy pa ring maglingkod sa bayan sa abot ng kanyang makakaya. Kung sabagay, sa kanyang pangalan pa lamang ay kakikitaan na siya ng pagmamahal sa kapwa.
Patrolman Noel Amor, miyembro ng Revitalized-Pulis sa Barangay ng Regional Mobile Force Battalion 11, na naatasang turuan ang mga musmos na bata sa isang indigenous community sa Barangay Dagohoy, Davao del Norte
Dahil alam naman natin na marami sa ating kapulisan ay talagang nakatapos ng pag-aaral, si Patrolman Amor ay talaga namang guro ‘by profession’, at ang kanyang pagnanais na maibahagi ang kanyang mga kaalaman ay minsan pa ngang naglagay sa kanya sa panganib nang ambushin sila ng mga New People’s Army (NPA) sa bulubunduking bahaging iyon ng probinsya.
Nasa kalagitnaan sila ng paglalakbay o paglalakad para kumuha lamang ng mga module na gagamitin sa kanilang pagtuturo sa mga batang Indigenous People (IPs) nang sila ay tambangan ng mga NPA at pagbabarilin. Sugatan man at muntik pang mamatay, nakaligtas si Patrolman Amor, ngunit di siya tumigil. Hanggang ngayon ay binalikan niya ang pagtuturo, dahil iyon na ang laman ng kanyang puso.
Di ba nga, ang Amor ay salitang Español na ‘pag-ibig’ ang kahulugan sa salitang tagalog. Isang huwaran at natatanging bayani itong si Patrolman Amor. Ibang klase rin siyang mandirigma. Nasa kanyang dugo ang pagiging tunay na Filipino, dahil ipinakikita niya na kahit hadlangan pa siya ng panganib, ilalaan niya ang sarili sa kapaki-pakinabang na mga hangarin at gawain – ang magturo sa kanyang mga musmos na kababayan na hirap abutin ng sistema ng edukasyon dahil nga sa pagiging IPs at sa layo ng kanilang kinaroroonan.
Hindi siya katulad ng mga mandirigmang prinoprotektahan ni Jose Maria Sison at lalong hindi siya gaya ng mga mandirigmang teroristang-komunistang NPA. na gaya ng kanilang mga pinuno ay pawang pagdanak ng dugo lamang ang alam na gawin para lamang mapagtagumpayan ang maling ideyolihiya na pinaniniwalaan.
Hindi siya gaya ng mga kasapi ng Alliance of Health Workers, na nagsisigaw sa harap ng Department of Health kamakailan lamang para lapastanganin ang imahe ng departamento at palabasin na inaagrabiyado sila, samantalang dito sila kumukuha ng ikabubuhay, dahil pumasok at pumayag silang maging kawani ng pamahalaan.
Kilala naman natin ang kinabibilangan nilang organisasyon. Ito ay alaga at itinatatag din ng Communist Party of the Philippines (CPP-NPA). Ibang-iba sa pag-iisip, gawa at hangarin na gaya ng kay Patrolman Amor na talagang pwede nating tawaging natatanging bayani.
The post Natatanging kabayanihan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: