MARAMI nang namatay sa Lungsod ng Caloocan dahil sa coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).
Siyempre, hindi kagustuhan ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang nangyari sa kanila.
Ngunit, kung maayos at istriktong ipinatupad ng kanyang administrasyon ang mga mekanismong magbibigay proteksyon sa mga residente ng Caloocan tulad ng pagsusuot ng face at face shield ng mga residente at pananatili ng isang metrong social distancing ng bawat residente ay hindi maraming mamamatay sa COVID – 19.
Ang problema ay tila nagkaroon ng kaluwagan ang administrasyon ni Malapitan dahil mayroong mahabang panahong lantaran at garapalan ang pagpapataya ng mga kubrador ng mga gambling operators tulad nina alyas “Renel”, alyas “Tisay” at alyas “Boyong” na posibleng pinagmulang ng napakaraming kaso ng COVID – 19.
Napatigil lang ang iligal na sugal nila tulad ng jueteng na nagtatago sa 1-40 numerong tatamaan sa Peryahan ng Bayan ni alyas Renel at bookies ng “EZ2” at bookies ng “lotteng” nina alyas Tisay, alyas Boyong at alyas Renel pa rin nang ipag-utos umano ni Malapitan kay Colonel Samuel Mina, hepe ng pulisya sa Caloocan.
Ngunit, huwag nating kalimutan na pinatigil ni Malapitan ang mga iligal na sugal sa Caloocan makaraang naglunsad ng operasyon ang operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Caloocan at Lungsod ng Valenzuela kung saan marami itong nahuli.
Nasundan ito ng pagpapahuli ni Malapitan kay Mina ng limang bataan ni Renel.
Sapul dito si Renel dahil P30,000 bawat isa ang piyansa sa lima.
Pero, nagbabalak daw bumalik si Renel.
Pokaragat na ‘yan!
Magkano ang usapan?!
Ang isa pang inasikaso ni Malapitan ay ang pamamahagi ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP).
Ang totoo, napakarami pang mga residente ng Caloocan ang hindi nakatanggap ng ayuda mula sa SAP ng administrasyong Duterte na manggagaling sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kung SAP mula DSWD, dapat P8,000 bawat benepisyari dahil ang Caloocan ay kasama sa National Capital Region (NCR).
Hindi na tatakbong alkalde si Malapitan dahil tinatapos na lamang niya ang kanyang ikatlong termino.
Kongresista na uli ang tatakbuhin niya sa halalan sa susunod na taon.
Ang Malapitan na papalit sa kanya ay anak niyang si Rep. Dale Along Malapitan.
Ito ang makakalaban ni Rep. Edgar “Egay” Erice.
Aminado kahit ang kampo ni Rep. Malapitan na pursigido si Erice na manalong alkalde, kaya asahan nang lahat na gagawin nito ang lahat ng diskarte upang mapigilan ang patuloy na pagkontrol ng mga Malapitan sa pamahalaang lungsod.
Kaya, aasahang makakasama ang isyu tungkol sa mga residente ng Caloocan na namatay sa COVID – 19, naantalang ayudang P8,000 at kasong katiwalian at korapsyon laban kay Mayor Oscar Malapitan na isinampa sa Office of the Ombudsman (OMB).
Siyempre, maging ang talamak, lantaran at garapalang iligal na sugal tulad ng ikinasa nina alyas Renel, alyas Tisay at alyas Boyong sa Caloocan dahil sa pagiging pinansiyer ni alyas “Reyna”, o alyas “Tita”, ay gagamitin laban kay Rep. Dale Along Malapitan upang matalo lamang ito.
Hindi ba’t magandang abangan ang mga susunod na pangyayari?
The post Umayos dapat si Malapitan para sa anak na si Rep. Dale Along Malapitan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: