Facebook

Palabay at Palangaw

You cannot escape the responsibility of tomorrow by evading it today. — Abraham Lincoln

PASAKALYE:

Nagbunga ang pagsisiwalat sa kontratistang dumuktor ng kanilang isinumiteng dokumento sa Department of Education (DepEd) para makopo ang PhP1.1 bilyong kontrata para sa bibilhing mga learning module ng pamahalaan na nakalaan para sa school year 2021-2022.

Batay sa liham ni education undersecretary Salvador Malana, agad niyang sinabihan ang Bids and Awards Committee (BAC) ng DepEd para rebisahin ang mga papeles na isinumite ng JC Palabay Enterprises Inc. na una nang napaulat na hindi kuwalipikadong sumali o lumahok sa mga government bidding contracts dahil walang sapat na kapasidad ito para pumasok sa anumang kontrata o proyekto ng ating gobyerno.

Pangako pa ni Malana sa kanyang liham na hindi kailanman kukunsintihin o palalagpasin ng kagawaran ng edukasyon ang anuman pandaraya o panloloko ng sinumang indibiduwal o grupo—kahit may padrino pa ito mula sa hanay ng mga pinagkakatiwalaang tao ni Pangulong Rodrigo Duterte–dahil ito ang isa sa pangunahing adhikain ng punong ehekutibo na linisin ang ating pamahalaan sa korapsyon.

Sana nga’y tuparin ng ating butihing kalihim ang kanyang pangako para mapatunayan ang panglalansi ng JC Palabay dahil kung hindi, aba’y para na ring pinatunayang niyang totoo ang pagbibiro ng karamihan kapag may hindi natupad na pangako ang isang politiko o taong gobyerno: “Pinangakuhan ka na e gusto mong tuparin!”

Good luck, Ginoong Malana . . . Pero mag-ingat ka rin sana kasi baka masibak ka sa puwesto tulad ng isa kong kaibigang napapuwesto sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), na dahil binuking niya ang smuggling operations ng dalawang taong dikit sa pangulo ay pinatalsik siya bilang chairman at inilipat sa Department of Interior and Local Government (DILG) para mangasiwa sa mga barangay.

* * *

MALAKING perwisyo ang dulot ng sanlaksang langaw sa mga residente ng Sitio Kamaliw sa Barangay Binukawan sa bayan ng Bagac sa Bataan na nagmumula di-umano sa Empress Poultry Farm.

Ito’y dahil na rin sa hindi tamang pangangasiwa ng mga tagapamahala ng nasabing poultry na mistulang pugad ng mga langaw at bangaw maging. Bukod sa ubod ng dumi ang paligid nito, pati ang kaisa-isang sapang dati-rati’y dinadaluyan ng dalisay na tubig ay nalason na rin sanhi ng salaulang nagmamay-ari ng poultry na hind i man lang linising mabuti ang kanyang pag-aari.

Ang totoo, naipasara na pala ang Empress Poultry Form noong taong 2018 sa utos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil nakitaan ito ng labis-labis na paglabag sa mga umiiral na batas patungkol sa Clean Water Act, National Zonal Code at National Sanitation Code at maging ang kakulangan ng mga permiso mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.

Sa kung anong pamamaraan mayroon ang may-ari nito, nakuha nitong muling makapagbukas makaraan lamang ang ilang buwan ng pagpapahupa ng galit ng mga residente sa nasabing barangay. Kaya naman ngayon, muling nagdurusa ang hindi bababa sa 2,000 taga-Bgy. Binukawan.

* * *

PARA sa inyong komento o suhestyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe o impormasyon sa aking email na filespolice@yahoo.com.ph o dili kaya’y i-text n’yo na lang ako sa aking cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!

The post Palabay at Palangaw appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Palabay at Palangaw Palabay at Palangaw Reviewed by misfitgympal on Hulyo 15, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.