PINAYUHAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang lahat nang nagnanais na magpakasal sa pamamagitan ng civil rites na alamin munang mabuti ang regulasyon ng pandemya, dahil mahigpit na tumutupad sa health protocols ang pamahalaang lungsod para sa kaligtasan ng marami.
Sinabi ni Moreno na hindi katulad noong pre-pandemic times, may mga pagbabago sa pagsasagawa ng civil weddings sa kasalukuyan bilang pagtupad sa itinakdang regulasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Nabatid na patuloy na nagkakasal si Moreno sa kanyang tanggapan sa kabila ng pagkakaroon ng health emergency situation, pero tinitiyak naman na ang lahat ng health protocols ay istriktong nasusunod.
Binigyang direktiba ng alkalde ang lahat ng gustong magpakasal nang sibil na magtanong at makipag-ugnayan sa Civil Registry Office na pinamumunuan ni Atty. Cris Tenorio bilang hepe.
Ayon kay Teborio ay marami ang pagbabagong naganap sa pagsasagawa ng civil wedding ceremonies, una na rito ay mahigpit at mandatory ang pagsusuot ng face masks at face shields para sa lahat ng mga dumalo sa kasal. Limitado rin sa lima hanggang pito ang puwedeng dumalo sa kasal, kabilang na ang ikakasal. Matatandaan na noong panahon ng pre-pandemic, walang limitasyon sa bilang ng puwedeng dumalo sa kasal.
Ang mga dadalo sa kasal ay obligado rin na sumailalim sa rapid serology o swab testing, dalawa o tatlong araw bago ang itinakdang araw ng kasal. Mahigpit din inoobserbahan ang social distancing habang isinasagawa ang seremonya.
Kung dati ay isinasagawa ang mass weddings, ngayon ay isa hanggang dalawang pares na lamang ang ikinakasal ng alkalde kada araw.
Kaugnay naman ng pagi-issue ng marriage licenses, sinabi ni Tenorio na ang schedule para sa Pre-Marriage Orientation Seminar at Pre-Marriage Counselling ay Monday, Wednesday at Friday nang ala-8 ng umaga.
May dalawang sessions naman kada isang araw ang Pre-Marriage Orientation Seminar at Pre-Marriage Counselling at ito ay sa ganap na alas- 8 ng umaga at ala-1 ng hapon mula Monday hanggang Friday at ang nasabing seminar ay tumatanggap lamang ng apat na pares gaya ng sinasaad sa IATF Rules thru DILG Joint Memorandum Circular No. 2020-01 dated 22 June 2020.
Ayon pa kay Tenorio, ang oath-taking para marriage license ay mayroon lamang dalawang batches at ito ay sa alas-12 ng tanghali at alas- 4 ng hapon. (ANDI GARCIA)
The post Payo ni Isko sa magpapakasal sa City Hall, alamin ang regulasyon kaugnay ng pandemya appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: