HINDI biro ang ginawa noong Huwebes ng mga obispo na kasapi ng makapangyarihang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP). Inihalal ng mahigit 130 obispo na nagsisilbing lider ng Simbahang Catolico Romano bilang pangulo si Bishop Pablo David ng Diocese of Caloocan. Papalitan niya si Archbishop Romulo Valles ng Davao City na hindi kinakitaan ng gilas sa nakalipas na dalawang taon.
Uupo bilang pangulo ng CBCP si Bishop Ambo, ang palayaw niya, umpisa ika-1 ng Disyembre ng taong ito. Kilalang kritiko si Bishop Ambo ng madugo ngunit bigong digmaan kontra droga ng gobyerno ni Rodrigo Duterte at hindi niya lulubayan ang tila nababaliw na lider sa pagtuligsa sa kanyang walang direksyon na pamamahala.
Dahil si Bishop Ambo ang pangalawang pangulo ni Archbishop Valles sa CBCP, hindi bago sa kanya ang direksyon na tatahakin ng CBCP sa paggigiya sa humigit kumulang na 90 milyon Filipino na kabilang sa Simbahang Catolico Romano. Kinikilala si Bishop Ambo bilang isang aktibistang pari na may matibay na paninindigan sa usapin ng katarungang panlipunan at kabutihan ng kanyang nasasakupan.
Nakikita namin si Bishop Ambo na hindi mangingimi na gamitin ang kapangyarihan ng pulpito upang maimpluwensiyan ang direksyon ng halalang pampanguluhan sa 2022. Nakikita namin na hihimukin niya ang buong liderato at kasapian ng Simbahang Catolico Romano upang hindi makapandaya ang Davao Group ni Rodrigo Duterte, Bong Go, at Sara Duterte sa susunod na halalan. Pangunguhan ni David ang malaya, malinis, at matapat na eleksyon sa 2022.
Hindi kontrolado ni Duterte si Bishop Ambo. Matibay ang integridad ng paring ito. Sisiguruhin ni Bishop Ambo na hindi mauulit ang seven-hour glitch kung saan nawala sa era ang bilangan ng boto noong halalan ng 2019 at nang bumalik ay biglang nanalo ang lahat na kandito ng administrayon. Kontrolad ng Simbahan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at hindi ito magiging bahagi ng anumang dayaan sa 2022.
Hindi lang sa susunod na halalan namin nakikita ang malaking papel ni Bishop Ambo sa ating kasaysayan. Nakikita namin ang kanyang gagampanan sa pag-usig kay Rodrigo Duterte at mga kasapakat na sina Dick Gordon, Alan Peter Cayetano, Jose Calida, Bato dela Rosa, Vitaliano Aguirre kaugnay sa sakdal na crimes against humanity na iniharap ni Sonny Trillanes at Gary Alejano sa International Criminal Court (ICC).
Sumulong ang sakdal at pumasa ito sa Office of the Prosecutor ng ICC . Sa kanyang Final Report, sinabi ng nagretirong si Chief Prosecutor Fatou Bensouda na may matibay na batayan upang maniwala na pinangunahan ni Rodrigo Duterte ang pagpatay sa pagitan ng 16,000 hanggang 30,000 na Filipino. Pinatay sila mula 2016 hanggang 2019 ng mga pulis at asset ni Duterte dahil sa hinala na sangkot sila sa paggamit at pagbenta ng ilegal na droga. Hindi sila dumaan sa proseso ng batas. Ito ang tinawag na mga extrajudicial killings, o EJKs, na kinamumuhian sa buong mundo.
Nasa ICC Pre-Trial Chamber na ang sakdal at kahit nagbubunganga si Duterte at binabaluktot ni Herminio Roque, alyas Harry Roque, ang katotohanan, hindi nila mapipigil ang pagsulong ng sakdal sa susunod na antas ng proseso ng ICC. Maaaring bumaba sa Septiyembre o Oktubre ang order ng Pre-Trial Chamber upang umpisahan ang pormal na imbestigasyon ng ICC sa mga krimen umano ni Duterte laban sa mga mamamayang Filipino.
Kapag sinimulan ang pormal na pagsisiyasat, maaaring maglabas ang ICC ng mga summons at arrest order. Maraming maaring mangyari. Hitik ang proseso sa mga posibilidad. Maaaring tawagin ng ICC ang Interpol at ibang puwersa ng United Nations upang arestuhin si Duterte at mga kasama. Hindi natin ganap na alam at kasibasado ang yugtong ito.
Papasok sa yugtong ito si Bishop Ambo. Isa ang mapagmatyag obispo sa mapapagkatiwalaang saksi dahil naganap sa kanyang nasasakupan ang pinakamalupit na hampas ng Oplan Tokhang kung saan napakarami ang pinapatay sa kanyang nasasakupang lugar. Iisa ang reklamo ng obispo: labis-labis ang bilang sa mga napapatay gabi-gabi sa kanyang lugar.
Inamin niya na may mga gabi na hindi niya naharap ang mga pamilya ng mga napapatay dahil sa sobrang dami nila at hindi kakayanin na harapin silang lahat. Lugar ng mga maralitang taga-lungsod ang Diocese of Caloocan. Masipag magdokumento si Bishop Ambo ng mga napatay. Marami siyang hawak na mga dokumento.
Marunong si Bishop Ambo sa documentation at may matapat na pananalig sa integridad ng mga datos at dokumento na kanyang nakalap tungkol sa walang habas na patayan sa kanyang nasasakupan. Hindi kami magtaka kung iharap niya ang mga dokumentong iyan sa masusing pagsisiyasat ng ICC. Hindi kami magtaka kung mistulang mga pusang naiihi sa takot si Duterte at mga kasabwat sa patayan.
Samaktuwid, nakikita namin si Bishop Ambo bilang isang saksi sa pormal na imbestigasyon ng ICC. Samantala, patuloy na umiimbulog ang international justice system kung saan dinadala sa pandaigdigang hukuman ang mga lider na umaabuso sa kanilang poder. Umiimbulog rin ang international criminal law. Ito ang hindi naiintindihan ni Duterte na buong pag-aakala ay puede niyang gawin ang mga patayan na hindi nababatay sa batas.
***
KASAMA na kami sa “Oplan Lipat Taya.” Inaalis na namin ang suporta kay Bise Presidente Leni Robredo para sa hahalang pampanguluhan sa 202. Inililipat namin ang aming taya at suporta kay Sonny Trillanes. Kumbinsido kami na sobrang mahina ang dibdib ni Leni sa pukpukang labanan. Hindi siya tatakbo sa 2022. Hindi siya handa. Kapag tumakbo, matatalo siya.
***
Matindi ang post ni Ba Ipe tungkol kay Sonny Trillanes at Bong Go. Pakibasa: “Walang matinong sagot si Bong Go sa bintang na dinambong nila ng P6.6 bilyon ang bayan kundi tawaging “Mr. Fake News” si Sonny Trillanes. Paano magiging fake news ang dokumentadong akusasyon? Ang tawag sa logic sa sagot ni Bong Go ay argumentum ad hominem, o atake sa pagkatao ni Sonny Trillanes. Kultura iyan ng Inferior Davao. Inferior in thoughts, in words, and in deeds. Walang matinong sagot si Harry “The Queef” Roque kundi liitin ang akusasyon. Hindi nila mapagkaila ang banat.
“May hawak sa kanila si Sonny Trillanes at sa tamang panahon, magsasampa si Sonny ng sakdal laban sa kanila sa hukuman. Nonbailable ang plunder kaya nanginginig sa takot ang mga iyan dahil matatapos na ang termino ni Rodrigo Duterte. Hihimas sila ng malamig na rehas. Hindi kami magtaka kung pinag-aaralan na nila tumakbo sa China para sa anumang asylum. Iyan lang ang pag-asa nila para hindi makulong. Nang natapos ang termino ni Sonny Trillanes bilang senador noong 2019, wala siyang ginawa kundi saliksikin ang mga pinaggagawa nina Duterte sa bayan. Marami siyang hawak na bintang laban sa kanila. Marami pa siyang ilalabas…”
***
Email:bootsfra@yahoo.com
The post Takot si Digong appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: