KUNG ang May 2022 Elections ay gaganapin na, tiyak na ang pagbagsak ng karera politikal ni Taysan, Batangas Mayor Grande Gutierrez.
Hindi na mananalo ang second termer na alkalde pagkat wala na ang hukbo ng tagasuporta nito na nawalan na ng tiwala sa kanya.
Bakit? Sapagkat ang higit na nakararaming residente ng bayan ng Taysan ay wala nang bilib sa dati ay anti-corruption na alkalde. Ang tanong, may panahon pa bang makabangon ng mabait na alkalde?
Batay sa maraming nakapanayam ng team ng SIKRETA sa mga barangay na nasasakupan ng nasabing munisipalidad, mas masahol pa daw sa mga nakaraang administrasyon sa tindi ng korapsyon sa ilalim ng dati ay iniidolo ng inyong lingkod na punong lokal na ehekutibo?
Halos iisa ang sinasabi ng mga dating supporter ni Gutierrez, bigo ang alkalde na tuparin ang kanyang mga pangako sa mga mamayan ng may 20 barangay na bayan.
Noong nangangampanya pa lamang ang nabibilang sa oposisyon na alkalde ay nangako ito na babaguhin nito ang dati ay maanomalyang pamamalakad sa kanilang bayan.
Ayon sa kanila, ipinangako ni Gutierrez na lilinisin nito ang pamahalaang lokal laban sa korapsyon, grabeng operasyon ng mga iligal na pasugalan, unlicensed mining at quarry, iligal na pangongolekta ng salaping mula sa pass way permit at iba pang maituturing na tiwaling pinagkikitaan.
Dahil sa kanyang platapormang ito, hindi lamang ang masa ang tumangkilik kay Gutierez, kundi maging ang mga negosyante, lokal na pulitiko, barangay official at maririwasang pamilya ay sumuporta sa kanyang kandidatura.
Ngunit matapos na mahalal ni Gutierez, di pa man nag-iinit ang puwet nito sa kanyang upuan ay muling bumalik at nagpista ang mga iligalista.
“Sa totoo lang po ay nagpalit lamang ng mga kapitalista ang mga pasugalan dito sa Taysan, tinanggal po si konsehal bilang kapitalista ng STL bookies o jueteng at ang pumalit naman ay ang mga taong sinasabing kaalyado ni mayor nang siya ay nangagampanya pa lamang”, ayon sa nagpatawag lamang na Mamay Bestre.
Kung dati ay isa lamang ang komokontrol sa operasyon ng jueteng sa Taysan, anila ay dalawang paksyon na ngayon ang nagpapatakbo ng naturang labag sa batas na pasugal.
Isang alias Zalding Konti ang naglagay ng estasyon at rebisahan ng mga taya sa jueteng sa Poblacion Taysan samantalang si alias Bedung naman ang nagmamantine ng rebisahan ng nasabi din pasugal sa barangay ng San Marcelino.
Sa kabuuang 20 barangay ng Taysan ay tig-sampung barangay ang kapwa pinakokolektahan ng nina alias Zalding Konti at alias Bedung.
Anila, hindi makayang sawatain ni Gutierrez ang mga ilegal na aktibidad nina alias Zalding Konti at alias Bedung pagkat ang dalawa ay kapwa nangangalandakang sila ang nagpondo kay Gutierrez nang tumatakbo pa lamang itong mayor noong 2019 elections.
Hindi pa raw milyonaryo noon si Gutierrez. Hindi katulad ngayon na may magagarbo na itong sasakyan, malaking bahay, maraming armadong bodyguard at magagandang dilag na nakapaligid sa kanya?
Bukod sa mga pasugalan nina alias Zalding Konti at alias Bedung, may mga nagpapatakbo pa ng illegal mining at quarry sa mga barangay ng Sto Niño, San Marcelino, Pinagbayanan, Bacao at iba pang lugar sa Taysan.
Nagreresulta ito sa pagkapanot ng bundok ,pagguho ng lupain at pagkawasak ng mga kalsada sa nabanggit na munisipalidad. Naging sanhi rin ito ng malawakang pagbaha sa ibat-ibang panig ng lalawigan ng Batangas.
Batay pa sa hinaing ng mga mamamayan, may 11 mining at quarrying sa bayan ng Taysan na pag-aari ng mga maiimpluwensyang pulitiko at negosyante sa Batangas.
Dahil dito ay nawasak ng mga mining at quarry operator maging ang mga agricultural land kaya nawalan na ang maraming magsasaka sa Taysan ng mga lupaing pananiman ng mga palay at produktong pang-agrikultura na siyang dati ay pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng higit nakararaming residente doon.
Ang mga magsasaka at ang masa na matinding sumuporta kay Gutierrez ang siya ngayong higit na naghihirap sa ilalim ng pamamahala ng alkalde.
Tinatayang humigit-kumulang naman sa Php 18 milyon kada buwan ang nakokolekta ng kolektor ni alias Zalding Konti mula pass way permit mula sa mga barangay na dinadaanan ng mga behikulong nagkakarga ng panambak sa may 11 minahan at quarry bukod pa sa mga iligal na mining at quarry site sa Taysan.
Bawat dump truck at cargo truck na dumadaan patungo sa mga quarry site ay pinakokolektahan ni alias Zalding Konti ng Php 150 kada behikulo, kaya hihigit pa Php 600 araw-araw ang nakakaltas sa kita ng bawat tsuper na nagyayao at parito sa Taysan.
Tinatayang hindi kukulangin sa 1,000 biyahe ang nakukumpleto ng mga dump truck at cargo truck sa mga mining at quarry site sa Taysan at nakokolekta ng “tong” kolektor ng pass way permit na nakapwesto sa isang out post malapit lamang sa municipal hall ng Taysan.
Ngunit hindi naman nag-iisyu ito ng government official receipt at sa halip ay ipinagdidiinan na ang pangongolekta ay alam ng kanilang meyor? Totoo po ba ito meyor?
Bukas ang ating pitak sa panig ni Mayor Gutierrez na bigo nating makontak sa kanyang telepono. Maging ang police chief ng nasabing bayan na ayon sa mga residente ay walang aksyon laban kina alias Zalding Konti at alias Bedung ay bigo rin nating makontak.
Sa ganyang uri ng hepe ng kapulisan galit na galit si PNP Dir. Gen. Guillermo T. Eleazar?
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.
The post Pulso ng masa, Mayor bagsak! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: