Facebook

Resto bar ni Kagawad front ng illegal gambling sa Quezon City?

NAKATAKDANG magsama ng kaso sa Office of the Ombudsman ang isang grupo ng concerned citizen laban kay Kagawad Barry Bacsa ng Barangay E. Rodriguez Sr., Cubao, Quezon City kaugnay sa umano’y pagkakaroon ng iligal na sugal sa kaniyang resto bar.

Inakusahan ng grupo si Bacsa na ginagamit bilang front ng iligal na sugalan ang pagmamay-ari nitong Barwen Resto Bar na matatagpuan sa Saint Mary Street ng nabanggit na barangay.

Ayon sa mga nagrereklamong residente, malakihan ang tayaan sa iligal na online sabong kung kaya’t marami na ang nalulubog sa utang sa kanilang lugar.

Putok din sa kanilang barangay ang dating iligal na operasyon ni Bacsa ng sugal na color game.

Idinagdag pa ng mga ito na dati nang naipasara ang resto bar ni Bacsa noong Mayo kaya malaking palaisipan sa kanila kung bakit muli itong nag-ooperate.

Kasabay nito, nananawagan ang grupo kay Quezon City Police District director, Brigadier General Antonio C. Yarra, na aksyunan ang problema sa kanilang barangay.

Umaasa ang grupo na hindi ipagwawalang-bahala ng pulisya ang talamak na operasyon ng mga iligal na pasugalan tulad ng bookies ng lotteng, ending at iba pa sa Baranggay E. Rodriguez Sr.

Idinagdag pa ng mga ito na dahil pumutok na sa media ang operasyon ng iligal na sugal sa kanilang lugar, hindi na nagkakaunawaan sa ngayon sina Kagawad Gener Tepang at Kagawad Bacsa.

Tiniyak din ng grupo na hihilingin nila sa Ombudsman na isailalim sa lifestyle check si Kagawad Bacsa dahil kuwestiyonable ang yaman nito kung ang pagbabasehan ay ang pagiging fruit dealer at resto bar nito.

Samantala, sa isang panayam, itinanggi ni Bacsa ang paratang na may online sabong ang pag-aari nitong resto bar gayundin ang akusasyon ng pagkakasangkot niya sa iba pang iligal na gawain. Idinagdag pa nito na dati ay may OTB business siya ngunit nagsara sanhi ng epekto ng COVID-19.

Itinanggi rin niya na kilala niya ang may-ari ng Manila Cockers Club na dating may online sabong ngunit ipinasara ng pamahalaang lokal ng Quezon City dahil sa kawalan ng business permit.

The post Resto bar ni Kagawad front ng illegal gambling sa Quezon City? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Resto bar ni Kagawad front ng illegal gambling sa Quezon City? Resto bar ni Kagawad front ng illegal gambling sa Quezon City? Reviewed by misfitgympal on Hulyo 18, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.