Nagpapasalamat ang pitak na ito sa mababait at mga matulunging tauhan ng public information office sa Metro Manila Development Authority (MMDA).
Partikular kong pinasasalamatan sina Dir. Sharon Gentalian, Jocelyn Olangca at Kristal Sauro pati na din si lady guard Ailyn Atason ng Superb Security Agency, sa kanilang bukal na pagtulong sa inyong lingkod nang magtungo ako doon para mag-ayos ng diumano ay ‘violation’ ko.
Kaya ko sinabing ‘diumano’ ay sa dahilang walang ipinadala sa aking papeles o link para makita ko ang sinasabing violation.
Alam ko na labas na ito sa kakayanan ng mga tumulong sa akin kaya bagama’t hindi ako pabor sa sistema ng MMDA na sasabihing may violation at pagbabayarin ka pero ni hindi malinaw dahil wala kang matatanggap na papel o video ukol dito at maski magbayad ka na, wala pa ding ibibigay sa iyo na kahit anong pruweba na me nilabag ka nga
Nagulat na lang ako nang magre-renew ako ng rehistro at sinabi sa akin na di daw ako makaka-renew dahil may violation sa MMDA.
Ang kakatwa pa, ‘obstruction’ daw sa Padre Burgos. Kung bibisitahin ninyo ang Padre Burgos, walang bahagi doon kung saan pupuwede kang mag-obstruct dahil walang establishment. Puro puno ang daaanan mo doon.
Me nakapagsabi sa akin na sa Post Office daw idinadaan ang notice sa car owners. Susme.
Dahil wala nga akong ideya na me violation daw ako, ayun. Kinailangan ko muna magpunta sa MMDA para ayusin ang sinasabing violation kaya tuloy, nadelay ang aking registration kaya kinailangan ko mag-penalty.
Ang siste, di maliwanag kung ano ang sinasabing violation. Binayaran ko na lang para makapagrehistro lang.
Sa Maynila, may mga kakilala akong nagsasabi na mabilis pinadadala ang violation di gaya ng sa MMDA. Pag pinadalhan ang motorista ng kopya ng violation, at pag tinignan mo pa sa video makikita mo kung saan lugar at ano ang violation mo kaya wala kang kawala. Yan ang dapat at tama. Yun nga lang sabi ni assistant secretary to the mayor Letlet Zarcal yari ka pag iba ang kasama mo kita rin kayo sa video, haha. Kaya mga kapatid sumunod na lang tayo sa batas trapiko yan ang payo ni MTPB chief Dennis Viaje.
***
Matindi ang pinagsanib na operasyon na pinangunahan kelan lang ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa ilalim ng pamumuno ni PBGen. Remus Medina. Tumataginting na P30.6 milyon halaga ng iligal na droga ang kanilang nakumpiska.
Kasama din ng PNP-DEG Special Operations Unit 7 ang Regional Intellligence Division (RID)-7, City Intelligence Unit-Cebu City Police Office (CIU-CCPO), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) -7, Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)- RO7 sa operasyon na dakong 8:30 p.m.ng July 08, 2021 sa Barangay Mambaling, Cebu City.
Dedo ang suspects na sina alyas ‘Ryan’ at ‘Kerlou’ matapos makipagbarilan sa mga pulis nang mahalata nilang pulis ang kausap nilang buyer.
Hindi lang ang poseur-buyer ang pinutukan ng suspects kundi maging ang mga sasakyan sa labas kung saan naroon ang mga pulis na nagsilbing lookout.
Masuwerte namang walang tinamaan sa mga pulis na napilitang makipagpalitan ng putok dahil sa tuloy-tuloy na pamamaril ng mga suspect.
Ang mga labi ng suspects naman ay isinailalim sa SOCO forensic investigation sa mismong pinagganapan ng operasyon.
Umabot sa 4.5 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P30,600,000 ang nakumpiska kasama ng isang AR9 pistol at .45 caliber pistol.
Salamat sa PNP-DEG sa hindi pagpapahinga sa paglipol ng mga tulak ng iligal na droga kahit pa may pandemya.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.
The post Salamat sa PNP-DEG at MMDA PIO Staff appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: