NAPAPANAHON na upang palayain ang matagal ng nakapiit na si Sen. Leila De Lima mula ng dakpin ito at ilagay sa custodial center sa isang kampo sa Lungsod ng Quezon. Maraming pagkakataon na humarap ito sa mga pagdinig sa iba’t ibang kasong kinakaharap, subalit tila ayaw dinggin ang mga kasong kinakaharap sa pag iinhibit ng mga hukom na may hawak nito sa di malamang rason.
Sa pagtingin, masasabi na naghuhugas kamay o nag-aalinlangan ang sinumang hukom na didinig sa usapin ni Sen. D5. Ito ba’y upang ‘di makasama ang ngalan sa kasaysayan ng taong nagsulong ng ‘di makatarungan hustisya sa bansa na ngayo’y sinasapit ng butihing senadora. Ayaw ng sino mang hukom na madawit ang pangalan sa mga kasong gawa gawa o ‘ginawa lamang para ipitin at mapiit ang senadora. Nag-iingat ang mga hukom na sa pagbaligtad ng kapalaran ay masabit ito sa salang isinubo lang ng politika. At ang pag-ayaw o pag-inhibit sa kaso ang pinakamainam na dahilan.
Balikan natin ang ilang kaganapan sa buhay ni Sen. D5. Naging puno ito ng Commission on Human Rights na nagbunsod ng imbestigasyon sa Davao City kung saan napabalita ang pagkawala ng mga taong dawit sa droga o sa anumang dahilan. May mga kinalkal itong mga kaso na hindi kinagigiliwan ng dating alkalde na nagbunsod ng pagkairita sa dating Chairperson ng CHR. Hindi man umusad ang imbestigasyon, tila nagtanim ng sama ng loob ang dating alkalde sa ginawa ng Chairperson at sa halip na ituring na trabaho lang ang lahat, ginawang personalan ang usapin.
At nang manalo bilang punong alkalde ng bansa, bumawi at naglubid ng usapin na ginawan ng sanaysay upang gipitin at ipiit si Sen. D5. Dahil ang kalaban ang punong alkalde, pinaniwalaan ng hukom na dumidinig sa kaso na nagbigay daan sa kautusan na dakpin at ipiit ang kasalukuyang senadora ng bansa. Hinarap ng magiting na senadora ang usapin at napiit, subalit hindi bumaba ang moral at paniniwala na lalabas ang katotohanan sa tamang oras.
Sa totoo lang maraming hukom ang hindi matanggap ang kaso sa kanilang hapag at pinili ang mag-inhibit sa halip na dinggin ang usapin. Batid nilang mahina ang kaso, ang problema baka sila ang mabalikan at ang problema ng senadora’y kanilang maging problema. Hayun nagsalin-salin sa iba’t-ibang hapag, natengga at madalang pa sa patak ng ulan ang pagdinig. At kung may mga pagdinig, parating re-schedule na tila inaantay ang pagbaba ni Totoy Kulambo, at saka pagpasyahan ang inihain na iba’t-ibang motion.
Sa mga hukom, tila ito ang tamang aksyon, ang maghintay upang walang masaktan dahil batid na may kinabukasan pang haharapin. Subalit ang kawalan ng aksyon sa kaso’y kawalan ng hustisya sa panig ni Sen. D5. Walang katarungan ang pananatili sa piitan minuto man, oras o taon lalo’t walang sala ang nasasakdal. Kaya ang pagpapasya’y isa ng kaganapan ng katarungan. Lalo’t ito’y nakabase sa tama at katotohanan.
Sa mga kasong isinulong laban sa senadora, ang paglulubid ng istorya hinggil sa pagkababae nito ang kasuklam suklam at hindi katanggap tanggap sa sinumang tao mapa-lalake o babae na marangal ang pagkatao. Tila walang ina ang mga nag-akusa na kung anu-anong istorya ng kahalayan ang inimbento gayung walang pruweba ang mga akusasyon. Ginamit pa ang kung sino upang palabasin na kapanipaniwala ang istoryang ipinupukol sa akusado.
Ang mga akusasyon at paggamit ng media upang sirain ang pagkababe nito’y ‘di katangap tangap lalo’t sa lipunan na pantay ang pagtingin sa anumang kasarian. Subalit hindi pinanghinaan ng loob si Sen. D5 sapagkat ang laban niya’y laban ng kababaihan na naninindigan sa katotohanan. At ang laba’y nagpapatuloy maging sa loob ng piitan. Sa mga kasong hinaharap, ang usaping pangkababaihan ang nagpatapang dito upang harapin ang pinaglulubid-lubid na akusasyon kasangkapan ang mga presong nabigyan ng biyaya sa loob ng kulungan at ng tapos na ang pakinabang, inutas na lamang.
Sa maraming pagkakataon, ilang mga international group ang umapela kay Totoy Kulambo na palayain si Sen. D5 sa ngalan ng makataong pagpapasya. Maging sa Estados Unidos, maraming mga senador ang umapila sa pamahalaan ni TK na palayain ang senadora upang magampanan ang tungkulin sa bayan. Subalit, ang lahat ng apela na ito’y ipagwalang bahala at nagtengang kawali. Bale wala ang mga apela, magdusa ang dapat magdusa, sino man at ano ang katayuan nito sa buhay.
Subalit, ang mga sanaysay ng mga bilanggong napatunayan ang sala ang pinaniwalaan kontra sa senador na hinalal ng milyon milyong Pilipino. Ang tunay na hustisya ang hanap, kung may kasalanan ang inaakusahan, tama ang ginawang pagpipiit, subalit kung ito’y malinis at walang sala, kalayaa’y ang dapat makamtan.
Sa totoo lang minsan sa karanasan, di man natuloy ang pakikipag-usap noon sa kalihim ng katarungan na si Sec. D5 ipinaramdam nito ang kabukasan na makipag-usap sa isang employees union ng pamahalaan na naghahanap ng katarungan dahil sa salang pagbuwag sa ahensya dahil sa pagkakadawit sa usapin ng PDAF. Bukas itong inanyayahan ang mga kinatawan ng unyon upang mapag-usapan ang dapat pag-usapan upang maisalba ang ahensya. Sa maraming bagay na naganap, hindi nagkaroon ng pagkikita at kasaysayan na ang lahat. Binanggit ito, upang pagpapatunay na may puwang sa puso ni Sen. D5 ang maliliit na tumatayo sa tama. Ang totoo at ang tama ang pinapanigan ni Sen. D5, ito ang kanyang prinsipyo.
Sa ganitong kaayusan, umaapila ang Batingaw sa makatarungang pagdinig at respeto sa pagkababae ng senadora. Pangalawa, ang magampanan ang tungkulin na inatang ng milyon milyong Pilipino bumuto, umaasa at naniniwala sa kredibilidad nito bilang senador. Walang pagaagam-agam ipinagpatuloy ang pagiging senador at uunahin mapabuti ang katayuan at sistema ng katarungan sa bansa sa halip na tatakbuhan ang usapin na kinakaharap.
Asahan na palalakasin nito ang batas hinggil sa karapatan pantao, lalo ang sa kababaihan. Sa hukom o mga hukom, silipin ang merito ng motions na hinain ng panig ng senadora at pagpasyahan. At kay Totoy Kulambo, isantabi ang personal na galit hayaan magtrabaho si Sen. D5. Napapanahon na upang palayain si Sen. D5 at pakinabangan ang dunong at puso nito…..
Maraming Salamat po!!!
The post Usapin ni ‘Sen. D5’ appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: