Facebook

WALANG LOCKDOWN — ISKO

MAYROON ng limang kumpirmadong kaso ng Delta variant sa limang lugar sa Maynila, tatlong linggo na ang nakakaraan at sa kabila nito ay walang planong magsagawa ng lockdown si Manila Mayor Isko Moreno.

Ang impormasyon, ayon kay Moreno ay ipinarating sa kanya sa pulong ng metro mayors, Metro Manila Development Authority (MMDA) at health authorities.

“Salamat sa Diyos at itong lima, as of today (July 24), mukhang ligtas na. Meron na lang kukumpirmahin but the content taken from them was confirmed by genome and sent kanina lang,” sabi ni Moreno.

Ang limang lugar na tinukoy ni Moreno kung saan mayroong tig-isang kumpirmado kaso ng Delta Variant ay ang mga sumusunod: Sampaloc, Parola, Gagalangin (Tondo), Apacible sa Ermita at Taft Avenue.

Pinayuhan ni Moreno ang mga residente sa mga nasabing lugar na maging sobrang maingat dahil laging may panganib na dala ang nasabing variant at kailangan din na maging responsable ang lahat.

“Paalala sa limang lugar ‘yan ang bagong case. Ligtas sila, ‘yung iba positive pero asymptomatic at sa awa ng Diyos, wala pang napaulat na bumaba ng CT (cycle threshold) value,” ayon pa kay Moreno.

Sinabi ng alkalde na ang Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Poks Pangan ay ginawa ang nararapat at sa kabutihang palad, ang mga pamilya ng pasyente ay nag-negatibo sa tests pati ang mga nakasalamuha ng mga ito na nagpositibo ay magaling na.

Ipinaliwanag ni Moreno ang kahalagahan ng CT value, aniya: “Ibig sabihin, ang cycle threshold value pag below 20 kailangan ipadala sa genome. Kapag 20 up, regular SARS-COV2. Pero either way, pareho lang ng epekto na pwede kayo malagay sa bingit kung nakuha mo ay variant. They are all deadly dahil walang cure.”

Sinabi rin ni Moreno na ang Delta variant ay may dulot na mas matinding problema dahil mabilis itong kumalat at dahil dito ay malamang na mapuno ma naman ang mga ospital.

“They are both deadly. Mas delikado lang ang Delta dahil mas bilis makahawa at baka mabulunan muli mga ospital. Patuloy ang pagbaba sa Maynila pero dapat responsable pa rin di pa rin pwede umalagwa dahil sa isang kaso, maaring masira ang lahat,” giit ng alkalde.

Samantala, sinabi ni Moreno na naimpormahan na siya ni Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla ang specimen na nakuha mula sa pasyente ay may CT value na mababa sa 20, ibig sabihin ay ipapadala ito sa genome center para analisahin kung ito nga ay variant o hindi.

“Di na tayo magtuturo. Let’s just focus on the tasks of continuing to lower the possibility of infection; prepare the city’s capacity to withstand any surge in terms of facility, medicine, oxygen and all other things needed and continue to behave and learn to live responsibly, with COVID in our midst,” sabi pa ng alkade.

Sa kaugnay na pangyayari, iginiit ni Moreno na wala siyang intensyong magsagawa ng lockdown dahil magreresulta ito sa kagutuman ng mga residente.

“Wala sa antenna ko ‘yan. Wasak na ang ekonomiya, magugutom kayo,” pagbibigay diin ng alkalde kasabay ng panawagan sa mga residente na maging responsable at magpabakuna na agad.

Tiwala rin ang alkalde na nauuna na ang lungsod pagdating sa kakayahan at kapasidad laban sa impeksyon. (ANDI GARCIA)

The post WALANG LOCKDOWN — ISKO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
WALANG LOCKDOWN — ISKO WALANG LOCKDOWN — ISKO Reviewed by misfitgympal on Hulyo 24, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.