ANG pangunahing dahilan kaya ipinagbabawal sa buong mundo ang paggawa at paggamit ng mga land mine, ay walang sini-sino ito. Meaning, kahit sino ay maaaring mamatay o kaya naman ay maluray at masaktan ang sino mang tatamaan sa pagsabog nito. Mapa-sundalo man at mas matindi ay mga inosenteng sibilyan na di naman kasali sa hidwaan o digmaan.
Sa paliwanag ni Undersecretary Severo Catura, Executive Director ng Presidential Human Rights Committee Secretariat (PHRCS) at kasama ng inyong lingkod bilang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ipinagbawal ang mga land mine o anti-personnel land mine (APL) sa isinagawang Ottawa Treaty (kasunduan) noon pang 1997 kung saan ang Mine Ban Convention ay nilagdaan ng mga kinatawan ng maraming bansa kabilang na ang ating inang bayang Pilipinas.
Lahat ng sibilisadong bansa ay sumangayon sa kasunduang ito na nasundan pa ng mga inilabas na mga resolusyon na mismong nanggaling sa United Nations General Assembly kung saan halos lahat ng bansa sa mundo ay kasapi na.
Ayon kay Usec. Catura, itinuturing nang paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) ang paggamit o paggawa ng mga APL. At sinoman gumamit at gumawa nito ay maaaring panagutin sa mga isinasaad ng IHL. Kailangang pagbayaran ng mga gumawa at gumamit ng APL ang kanilang pagkakalabag sa IHL, kaya ang mga biktima at mga naulila ng mga nasabugan ng APL ay kailangang mabigyan hustisya at danyos sa pangyayari. Lalo pa kung ang mga biktima ay mga inosenteng sibilyang naipit lamang sa hidwaan o digmaan.
Gaya nang nangyari kina Keith Absalon at sa kanyang pinsang si Nolven kung saan ay inamin pa mismo ng pamunuan ng New People’s Army (NPA) ang armadong grupo ng Communist Party of the Philippines (CPP) na nagkamali lamang ang ilan sa kanilang mga elemento nang pasabugan ng APL ang mga biktima sa Masabate province.
Hindi ba’t lantarang pag-amin at paglabag na iyan sa IHL, at maging sa mga lokal na batas ng ating bansa hinggil sa karapatang pang-tao? Dahil ipinakita sa pangyayari na mga inosenteng sibilyan ang mga naging biktima ng pagsabog. Mano pa, ang mismong paggawa at paggamit ng APL ng CPP-NPA.
Dito naipakita na ang APL ay walang sini-sino, kaya kahit isang manlalaro lamang ng football at ang kanyang pinsan na sakay lamang ng kanilang mga bisikleta ay namatay dahil sa APL. Walang ibang pwedeng managot sa pangyayari ito, kundi ang mga elemento at pamunuan ng CPP-NPA.
Ang gulong ng hustisya sa pangyayaring ito na gawa ng mga teroristang-komunista ay umiinog na naman. Ayon kay Usec. Catura naisampa na ang mga kaukulang kaso laban sa unit ng NPA sa probinsiya na ang iba ay natukoy na ng mga tropa ng ating pamahalaan.
Makakamtan din ng pamilyang Absalon ang husitsya sa tamang panahon at makakasiguro tayong pagbabayaran ng CPP-NPA ang kanilang mga kasalanan lalo na sa paggamit na ipinagbabawal na mga APL. Wala rin sisinuhin ang batas nilang nilabag.
The post Walang sini-sino ang landmine appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: