Facebook

‘Citizens watchdog’

BANGUNGOT ang “seven-hour glitch” na nangyari noong halalan ng 2019. Sa isang iglap, nanalo ang 12 kandidato ng administrasyon sa pagka-senador at natalo ang Otso Diretso. Hindi naipaliwanag ng maayos ng Comelec, Hugpong, at kahit ng mga taong nakapaloob sa awtomatikong pagbilang ng mga boto kung paano nanalo ng ganoon kadali ang mga kandidato ng administrasyon.

Walang naibigay na maayos na paliwanag kahit ang oposisyon na pinamumunuan noon ni Bise Presidente Leni Robredo. Tinanggap ng ganoon lang ang resulta ng halalan sa pagka-senador. Ngunit hindi ito ang katapusan ng mundo. Lingid sa kaalaman ng marami, binuo ang Eleksyon 2022 Koalisyon bilang pinagsanib na puwersa na ang pakay sa 2022 ay magsilbing “citizens’ watchog” na titingin sa halalang pampanguluhan sa 2022.

Binuo ang Eleksyon 2022 Koalisyon bilang bahagi ng malawakang pagkilos ng sambayanan upang pangalagaan ang halalan at maiwasan ang pandaraya ng sinuman lalo na ang mga tao at lapian na nasa poder. Dalawa ang pinakamalaking kalaban sa Halalan 2022: Mga tiwaling kandidato na gagawin ang lahat upang manatili sa poder; at China na gagawin ang lahat upang mahalal ang mga pinapaborang kandidato na magtataguyod ng kanilang interes sa bansa.

Nais ng China na mapanatili o mapaigting ang kanilang impluwensiya sa Filipinas. Paraan nila ito upang makontra ang Estados Unidos na bumabalik sa Silangang Asya. Sa pananaw ng ilang tagamasid, ang China ang nagmanipula ng “seven-hour glitch” noong 2019.

Si Christian Monsod ang lead convenor ng koalisyon. Co-convenor sina Tito Guia at Augusto Lagman, mga dating commissioner ng Commission on Elections (Comelec), Milwilda Guevarra, dating finance undersecretary at kasalukuyang pinuno ng Synergeia Foundation, at Ed Chua, executive director ng Makati Business Club.

Kasama sa koalisyon ang makapangyarihang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), Association of Major Religious Superiors (AMRSP), National Movement for Free Elections (Namfrel), Legal Network for Free Elections (Lente), Ateneo University, Philippine Center for Islam and Democracy, VoteNet Philippines, at iba pa. Kasama ang mga iba’t-ibang organisasyon na kabilang sa civil society, NGO community, at mga samahang sibiko.

Sa madali, isang malaking hanay ang bumubuo sa Koalisyon. Hindi ito ordinaryong alyansa na basta-basta binuo. May sariling tao at kapasidad upang pangalagaan ang halalan. Sasakit ang ulo ng nasa naghaharing koalisyon at China na ang hangad ay mandaya upang manatili sa poder at ipagpatuloy ang pagsasamantala sa Filipinas.

Bukod sa manmanan ang Halalan 2022 upang maiwasan ang malawakang dayaan, layunin ng Eleksyon 22 Koalisyon ang voters’ education, o ang paggabay sa mga botante na piliin ang mga karapat-dapat sa mga kandidato. Responsibilidad sa halalan ang nais itanim ng Koalisyon sa isip ng mga botante upang maiwasan mahalal ang mga kandidatong hindi karapat-dapat at kasama ang kabilang sa mga malaking pamilyang politikal, o political dynasty.

Hindi opisyal na inamin ng mga convenor ang dahilan ng pagbuo ng Koalisyon, ngunit alam namin na gustong iwasan ng bagong organisasyon na maulit ang “seven-hour glitch” noong halalan ng 2019. Biglang nawala sa ere ang itinakdang bilangan ng boto. Bumalik pagkatapos ng pitong oras, ngunit nanalo sa isang kurap ang lahat ng kandidato ni Rodrigo Duterte sa pagka-senador. Hindi nakatanggi ang oposisyon sa resulta ng pitong oras na pagkawala sa ere.

Isang katanungan kung kailangan ang citizens’ watchdog sa ilalim ng automated election system (AES) kung saan binibilang ng mga computer ang mga boto sa balota. Sinasabing mabilis ang bilangan sa AES at malalaman kaagad ang resulta ng halalan sa mas madaling panahon. Hindi lang bilangan ang focus ng Koalisyon. Kasama na dito ang voters’ education at paghihikayat sa mga mamamayang hindi rehistrado na magparehistro at lumahok sa Halalan 2022.

Ngayon, proyekto ng Koalisyon ang pukawin ang damdamin ng maraming Filipino upang magparehistro sa susunod na halalan. Mahigit pitong milyon Filipino ang hindi pa nakapagrehistro. Narito ang pahayag ng koalisyon:

MANIFESTO NG ELEKSYON 2022 KOALISYON

Ang nagdaang ilang buwan ay nagsiwalat ng maraming pakikibaka na kinakaharap ng mga Pilipino sa panahong ito: mula sa seguridad sa pagkain, trabaho, at maraming iba pang mga isyung nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Habang tumatagal ang pandemya, ang kahalagahan ng pamamahala ay naging mas malawak na kung saan ang pagkakaiba sa pagitan ng tama at maling desisyon ay maaaring magpakita ng kaliwanagan sa pagitan ng buhay at kamatayan.

Sa kabila nito, maraming mga Pilipino ang madalas na nakadarama ng pagdiskonekta mula sa “business of politics”. Patunay lamang ang katotohanang ito sa mababang pagpaparehistro ng botante at turnout sa regular na lokal at pambansang halalan, kung saan iilan lamang sa mga kwalipikadong botante sa bansa ang nagparehistro upang bumoto.

Maraming mga programa sa pagpaparehistro ng mga botante ang inilunsad noong nakaraang taon upang hikayatin ang mga Pilipino na magparehistro upang bumoto. Gayunpaman, ang mga hakbangin na ito ay madalas na nagsasapawan at hindi magawang makapasok sa mainstream culture. Dito ang non-partisan na grupo, Eleksyon 2022 Koalisyon: Magparehistro. Bumoto.

Para sa bukas natin, ay gustong humakbang: upang mapag-isa at suportahan ang lahat ng mayroon nang mga pagkukusa sa pagpaparehistro ng mga botante mula sa buong bansa, pati na rin ang pagbibigay ng mga mapagkukunan para sa mga pamayanan na mag-ayos ng kanilang sariling kilusan.

Ang problemang ito ay hindi lamang limitado sa mga bagong botante na edad 18 sa pagdating ng halalan 2022, ngunit kasama rin ang mga deactivated voters: ang mga rehistradong botante na na-deactivate ang status ng pagboto dahil hindi sila bumoto ng kahit 2 election cycles.

Nang dahil dito, dinagdagan nito ang target para sa pagpaparehistro ng hanggang 7 milyong Pilipino sa Setyembre 2021. Hanggang Marso 2021, tanging 2.4 milyong mga bagong botante lamang ang nakarehistro.

Dahil sa mga realidad na kinakaharap ngayon ng bansa, ay misyon na ito ay tumatawag para sa nagkakaisang prente na tumatawid sa party lines, political learnings, mga sektor ng lipunan, at mga indibidwal na kagustuhan. Ito ay panawagan para sa lahat ng mga Pilipino na gamitin ang kanilang tungkulin sa sibika na magparehistro at bumoto para sa pangmasang kapakinabangan.

Ang 2022 halalang pambansa ay ang tutukoy sa hinaharap ng isang bansa na muling magtatayo ng sarili pagkatapos ng isang pandaigdigang pandemya. Ito ang ating pagkakataon na magkaroon ng pwesto sa mesa. Gayunpaman, upang maabot ang inaasam na hinaharap, kailangan muna natin magparehistro upang bumoto.

The post ‘Citizens watchdog’ appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
‘Citizens watchdog’ ‘Citizens watchdog’ Reviewed by misfitgympal on Agosto 12, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.