
MAPINSALA ang pandemyang bumabalot sa mundo na nagdulot ng paghihirap ng loob maging sa kabuhayan. Milyon-milyong tao ang nagkaroon nito at patuloy na nagkakaroon sanhi ng mga tinatawag na variant. Hirap ang mga nagkaroon ng pandemya sa halip na makapaghanapbuhay ang pagpapagaling ang inuuna o ginagawa. At ang masakit, hindi na makapasok heto’t lumalabas ang konting ipon upang ipantawid laban sa sakit.
Dagdag sa hirap ang mga kaisipang sakit na dulot maging sa mga kamag-anakan na hindi makakadalaw sa takot na mahawaan at masabihan na mag self-quarantine upang matiyak ang ‘di pagkalat ng pandemya sa bahay maging sa pamayanan. May mga pangyayari rin na hindi na nakikitang may hininga ang kapamilyang nasa pagamutan bagkus tatangapin na lang ang abo ng namayapang kamag-anak o mahal sa buhay. Tunay na nakakapanlumo ang sitwasyong ito na huwag na sanang danasin ng marami nating kababayan. Ang mahika na maalis ang pandemya ang dinadalangin at inaasam ng bawat tao saan man sa mundo.
Ang kaganapang ito’y iniinda ng tao, marami sa atin ang nawalay sa mga gawi noong wala pa ang pandemya. Kung magbabalik tanaw masasabing napaka saya at parang ayaw ng matapos pa. Hinahanap ng katawan ang naglahong gawi na nagpapasaya, at nagpapatawa sa lahat. At sa kasalukuyan, hirap dahil limitado ang mga pagkikita. Kung magkita man sa pamamagitan ng mga zoom meeting, chatting, virtual activity o kung anong tawag dito na gamit ang teknolohiya ng kompyuter.
Tila may kulang ang mga pag-uusap na nagaganap kung wala ang tawanan na dama kung tunay na magkakasama. Hindi sapat ang mahika ng kompyuter na maging ganap ang ligaya ng bawat tao na naging bahagi ng buhay natin, ang mga katrabaho o kaklase. Iba kung sila’y nariyan at kita ang mga manerismo habang nagkakasiyahan. Kailan babalik ang masayang panahon o ‘di na babalik?
Ang masasayang sandali ang hindi nawala sa Kagawaran ng Kalusugan dahil sa patuloy nitong tinatamasa ang pagkamit ng malaking budget sa panahon ng pandemya. Hindi malaman ng mga taga DOH kung paano gugulin ang pinakamalaking pondo na inilaan ng gobyerno laban sa pandemya. Sa dami ng pondo, nabatid ng mga oditor ng Commission on Audit (COA) na maraming pondo ang hindi malaman kung saan napunta at walang dokumento kung paano ito nagastos at tila nawawala. Gumana ba ang mahika sa kagawarang ito?
Mula magsimula ang pandemya noong Marso hanggang sa huling araw ng Disyembre 2020, mahigit P67.00B ang hindi malaman kung nasaan. Ang banggit lang ng kalihim, walang pondong nawawala subalit hindi maipaliwanag at madokumentuhan kung saan ginamit at kung nasaan. Purong pahayag ang binabanggit ng punong mahikerong ng kagawaran subalit walang dokumento na maipakita upang suportahan ang sinasabi. O’ batid nito kung nahan ang pondo dahil bilang mahikero kontrolado nito ang mga bagay kung nasaan at siya ang may tangan. Ang pahayag ay patunayan sa COA sa pamamagitan ng dokumento na walang anomalya sa kagawaran.
Sa pagsilip sa mga dokumento sa ulat ng COA, may iba’t-ibang katanungan ng kakulangan na umaabot sa P67.323B. Hindi malaman kung nasaan, at paano ginamit ang mga pondong sasagip sana sa buhay ng mga tao. Ang hindi tamang pagtustos sa pinaglaanan ng pondo’y isang “missed opportunities” na maaaring nakasagip ng buhay ‘di lamang ng may pandemya gayun din ng ibang sakit na siyang pangunahing dapat tinutugunan ng kagawaran. Sa husay ng punong mahikero sa mahika, tila nabubulagan ang mga tao o maging si Totoy Kulambo sa mga paliwanag nito subalit hindi maitatwa ng dokumentong galing sa kanila ang basehan ng ulat ng COA.
Ang masakit, ang laban sa korapsyon na isa sa mga pangunahing pinagtutuunan programa ni TK tila andap sa mahika ng kagawaran ng kalusugan. O’ sa laki ng halaga nahukay ng auditor, may umaabot ba sa puno ng Balite sa Malacanan, o sa especial assistant o atsoy na madalas na labahan ni Londri, nagtatanong lang po? Maaaring sumagot ng malaman ni Mang Juan ang katotohanan.
Sa takbo ng mga pangyayari tila isang malaking peryahan ang kagawaran na may iba’t ibang magikero, payaso at tsubibo na siyang laman nito. Masaya ang bawat tauhan sa biyaya ng pandemya na napakalaki na pwedeng itaya sa beto-beto o color game. Maging ang retirement na makukuha’y mahihiya sa kasalukuyang takits na tinatamasa ng mga tauhan na madalas dalawin o pinupuntahan ni Mang Juan upang panoorin.
Sa puntong ito, naging makulay na carnaval ang kagawaran dahil sa ibat-ibang pondong natatanggap na nagpapapula sa mga hasang nito. Hindi magkamayaw ang DOH sa bilyong bilyong pondong pumasok upang labanan ang pandemya. Bukod pa ang mga ayuda galing sa mga international institutions na nagbigay ng donasyon pinadadaan sa kagawaran, na ‘di malaman kung nasaan.
Habang masaya ang mga tauhan ng kagawaran, tila ang paglaban sa korapsyo’y nakatulugan ni Totoy Kulambo. Hindi binigyan pansin ang maayos na pagpapatupad ng mga programa ng dalawang Bayanihan at hindi naganap ang mga mahahalagang programa tulad ng contract tracing at pagbili ng tamang bakuna. Ang masakit nito pabalik balik ang pandemya na animo’y palitaw na lulubog lilitaw. Sa ngayon, hindi maipaliwanag ang P67.00B minagic kung saan at paano ginastos. Kailangan panagutin ang mga taong nanamantala sa kaban ng bayan lalo’t sa panahon ng pandemya na umutas ng libong kabuhayan.
Ang bilyong pondong nawala’y kaligtasan ng mga taong nagkasakit at kinuha ng pandemya. Ang mga donasyon na dumaan sa kagawaran at nawala na parang bula’y patunay na ang mahika’y talamak sa carnaval ng kagawaran. Kailangan panagutin ang mga magikero sa DOH, ulitin natin mga magikero sa pangunguna ng puno nito ng hindi pamarisan.
Sa mga kawani ng kagawaran na buo ang integridad at paninindigan laban sa katiwalian, tumindig, ilabas ang katauhan ng mga mahikero at payaso ng inyong kagawaran. Iligtas ang bayan sa pandemya ng katiwalian na kumalat sa kagawaran. Huwag hayaang kumalat ang variant ng katiwalan mula sa kagawaran papunta sa lipunan.
Maraming Salamat po!!!
The post Mahikero sa DOH appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: