Facebook

Ginalit n’yo si Gen. Eleazar

IPINAG-UTOS agad-agad ang “all-out offensive” o operasyon laban sa mga komunistang-terorista ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Guillermo Eleazar dahil sa pag-ambush ng mga ito sa convoy ng kanyang mga pulis at mga health workers na kukuha lamang ng mga bakuna na panglaban sa Covid-19 para sa mga residente ng Calbayog City sa Samar province kamakailan lamang.

Bakit nga naman hindi magagalit ang mama’, tama ba naman ang ginawa ng mga balasubas na mga miyembro ng komunistang-teroristang Communist Party of the Philippines, New People’s Army (CPP-NPA)?

Sa galit tuloy ni PNP Chief inatasan nito maging ang Eastern Visayas Regional Police na magsagawa ng “case build-up” sa mga sangkot sa pangyayari. Ang pagkundina raw sa pag-atakeng ginawa ay di na makasasapat.

“Dahil hindi tinatablan ng hiya at masasakit na salita ang mga taong ito,” ang pahayag ni Gen. Eleazar na tinutukoy ang mga miyembro at maging pamunuan ng komunistang-teroristang CPP-NPA. Para sa heneral, kinakailangan na ang tamang hakbang o pagkilos upang matigil na sa pagsasagawa ng terorismo ang CPP-NPA.

Paanong di nga naman siya magagalit, bukod sa pinaputukan ang mga sasakyan ng Calbayog City police at mga tauhan ng Calbayog City Health Office sa may Barangay Lale, Pinabacdao, Samar noong Martes ay pinasabugan pa ng Improvised Explosive Device (IED) ang mga ito.

Wala namang ibang hangarin ang convoy kundi pumunta sa tanggapan ng Department of Health sa Tacloban City para kumuha ng mga bakuna para nga sa mga residente ng Calbayog City. Mainam at mahuhusay na mga pulis din ang kasama sa convoy dahil nagawa nilang manlaban sa mga komunistang-terorista at naprotektahan ang mga health workers.

Gayun pa man, ang sabi ni General, ang pangyayari ay direktang pag-atake sa mga mamamayan o residente ng Calbayog City, dahil ang ambush aniya, ay nangangahulugan na ayaw nitong mabakunahan ang mga taga-roon.

Ito nga naman ay talagang patunay na ang mga CPP-NPA ay mga walang pakundangan sa buhay ng kanilang mga mismong kababayan o sa mismong mga buhay ng mga inosenteng sibilyan. Dapat na ngang suklian ng kamay na bakal ang mga pesteng ito ng lipunan.

Sa paggalit ninyo sa mamang ngayon ay pinuno na ng kapulisan, pihadong may paglalagyan kayo. Hindi makakapagtago ang mga kumunistang-teroristang may kagagawan ng ambush na ito at pihadong ibibigay ni Gen. Eleazar ang hustisya para sa mga naambush na kanyang mga pulis, lalo na sa mga miyembro ng Calbayog City Health Office.

Magsisuko na kayo at may nagaantay pang ‘reintegration program’ ang ating pamahalaan para sa inyo. Kung ayaw niyo naman, ay wala din problema, mamamatay kayo o kaya’y makukulong na tinatawag pa ring komunistang-terorista.

The post Ginalit n’yo si Gen. Eleazar appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Ginalit n’yo si Gen. Eleazar Ginalit n’yo si Gen. Eleazar Reviewed by misfitgympal on Agosto 10, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.