NAGSIMULA ng magkahugis ang tunggalian sa halalan ’22 sa paghahayag ng mga politikong nagnanais na madagdagan ang takits sa magarbong kaban ng mamamayan. Hayan kaliwa’t kanan ang pagbibigay panayam ng mga politikong nais lumahok sa halalan, mula sa konseho ng mga bayan hangang sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Subalit hindi mawala ang mga pakipot na ayaw pang maghayag ng intensyon sa pagtakbo. Umaasa sa karanasan na nasa huling kabit ang madalas na nakakasungkit. May iba namang paniwala na daig ng maagap ang masipag lalo’t sa politika na ang nakauuna’y may biyayang malaman ng maaga kung saan lugar ang may kahinaan.
Ang kagandahan nito, may dating sa survey ang ngalan na maaring gawing pangkiliti sa isip ng mga bobotante na naghaharimunan sa pang araw-araw na pangangailangan. Ito ginagamit ng nasa poder ang kaban upang mapa sa kanila ang kailangang boto ng manghahalal na tumitingin sa madaliang pangangailangan at ‘di sa kinabukasan.
Naglilipana ang mga balita hinggil sa mga magkakatambal sa halalan ’22. Tila magkakapareho ng mukha at adhika, hindi masabi kung ito’y gagawa ng mabuti o masama. Subalit kung babalikan ang kilos ng mga ito masasabing na sumasang-ayon ito sa gawing masama. Ang maskara nito’y hindi facemask at hindi masabi kung ano ang hugis o kulay na sarili lamang ang isinusulong.
Ilang ulit ng nagnasa sa mataas na pwesto at madalas na napag-iiwanan dahil batid ni Mang Juan ang karakas nito. Sa ngayon nagpapangap ito bilang oposisyon at alternatibong lider kontra sa may tangan ng timon. O nais lang pahinain ang hanay ng lehitimo’t tunay na oposisyon, talo ang bayan dito pagnaniwala…
Heto’t nakipag-usap ang mga pumoposisyon na kagyat na may mungkahing formula na ang pinakamalakas sa survey ang siyang dapat na maging kandidato’t suportahan ng nagkakaisang oposisyon, ano ka hilo. Sa totoo lang may kahiligan sa formula ang lokong politiko upang ipakita na may alam sa mga baga-bagay.
Subalit, kagya’t na tinangihan ng abalang kausap na kahit hindi pa nagpapahayag ng pagtakbo sa halalan sa pangpanguluhan, kita na sa galaw ng katawan ang pagnanais tumakbo. Yun lang umaasa ito sa swerteng naganap sa mga nagdaang halalan na napagwagian. Ngunit mukhang iba na ang sitwasyon ngayon sa nakaraan, nasa kabilang bakod ka ng administrasyon.
Sa paghahayag ng mga nagnanais na tumakbo sa ’22 mapapansin na papadalas ang pagdalaw ng mga politiko sa mga LGU leaders na may malaking bilang ng nasasakupan. Tila tug-o-war ang nagaganap na hinihila sa kani-kani lang kampo ang mga lider upang makakurot ng malaking boto sa nasasakupan nito. Subalit ang pag oo’y nakabase sa kung sino ang may mas malaman na bulsa at doon mapupunta ang botong inaasam.
At si Mang Juan, bale wala sa laro ng mga ganid na pulitiko sa kapangyarihan na madalas nilalapitan. Ang katiting na naamot kung tanawi’y halos kapalit ng buhay, kawawa naman at tunay na talo. Wala sa puso at isip ng sino mang kandidato ang ninanais na pagbabago na hanap nito.
Sa totoo lang, sa usapin ng mga lider politika’y nagpapakita na hindi kailangang malaman ni Mang Juan ang usapan at napagkasunduan. Ang mahalaga’y paano magkakaisa upang manalo ang dapat manalo. At ang pagkakaisa para labanan ang kasalukuyang grupo ng IDG ang siyang susi na magdadala ng tagumpay. Ang katangian na mapag-suri ng sitwasyon sa nag-aambisyong lider ang dapat gawin.
Kailangan ihiwalay ang bigas sa ipa ng maging malinis ang kakaning kanin sa hinaharap. Kailangan tahipin at hihipan ang magiging kasama sa laban kontra sa Inferior Davao Group at hindi yung ngayon lang nagpapakitang gilas dahil sa halalan.
Ngayon nakakatakot ang kulay at hugis ng mga nagsusulputang mga tatakbo dahil walang pinagkaiba sa istilo ng nakaupo. Ang mga papogi at paghila ng mga ito sa mga lider na nagnanais na tumakbo sa hanay nito’y tila naglalason sa kaisipan ng maraming manghahalal. Malakas ang pinapakitang line-up lalo sa mga tatakbong senador, pero heto ka, wala itong dalang matigas na programa na nagsasabi na mabibigyan hustisya ang biktima ng mga karahasan ng kasalukuyang pamahalaan.
Walang binabanggit na igagalang ang tumatakbong imbestigasyon ng ICC hingil sa kinahaharap na kaso ni Totoy Kulambo. Walang nagsasabing hingil sa WPS at tuloy tuloy na ipaglalaban, talo dito ang bayan. Ang kawalan ng pahayag hingil sa hustisya’y nagpapatunay na walang haharaping problema si TK sa pamahalaan nito kung mananalo. Talo ang bayan at mukhang nilalason ang kaisipan…
Ang pagpasok sa mga negosasyon at usapan na dala ang sarili upang maibenta’y malinaw na ampaw ang pakay at hindi sinsero. Sa halip ang usaping dala’y pang hihikayat o paghingi ng suporta sa sariling ambisyon. Huwag asahan na papasok ito sa mga usapang magpapaurong dito ng walang mabigat na dahilan.
Ang kaalaman nito sa malambot na panunuwag na akala mo’y hindi makabasag pingan ang pinakamalakas nitong katangian. Maraming tinakbuhang laban ang hinarap nito at ng muling lumabas tila walang kasalanan, tunay na nakakabulag. Huwag magpadala sa malinis at poging postura subalit ang nasa likod nito’y kahirapan para kay Mang Juan. Maraming nagsasabi na huwag magpalason sa kilos nito dahil bayan ang talo. Alam ng bayan ang karakas diablo at hindi na maloloko si Mang Juan na ibigay ang suporta sa politikong naglilinis linisan.
Ang gawa sa Senado’y nagpapakita kung paano sumayaw ang tulad nito sa saliw ng hilik ni Totoy Kulambo. At ngayo’y oposisyon.. o’ pumoposisyon, hindi na magogoyo si Mang Juan ayaw na nitong matalo sa mga katulad mo hunyango.…
Maraming Salamat Po!!!
The post Talo appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: