PASASAAN ba, at mauuwi rin sa pagkakakilanlan sa mga nasa likod ng pagpatay kay Reynante “Rey” Cortes, ang ‘blocktimer’ na broadcaster ng radio station na DYRB sa Cebu City.
Ito ay dahil sa gumugulong na ang imbestigasyon hinggil sa pamamaslang kay Cortes sa pangnguna ng ating pinamumunuang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na kaagapay sa pagkakatatag ng Special Investigation Task Group Cortes (STG Cortes) ng Philippine National Police (PNP).
Sa pagkakabuo ng STG Cortes na kinabibilangan ng mga batikan at magagaling na imbestigador ng PNP, nakakasiguro tayong matutumbok ang mga gumawa at maaring sino ang mga nasa likod ng pagpatay sa kabaro nating si Cortes.
Sa aming ‘virtual meeting’ nitong nakaraang linggo, matapos lamang ang ilang araw ng pamamaslang sa biktima, naiulat ni Cebu City Police Office (CCPO) Director, Col. Josefino Ligan na maraming programa bilang blocktimer si Cortes sa ibat-ibang radio station mula pa noong 2003 at ang huli nga niyang programang “Enkwentro” sa DYRB station ay tumatalakay sa mga anomalyang pinaggagawa ng mga politiko sa probinsiya.
Kaya ang teoriya na may kinalaman sa kanyang hanapbuhay ang motibo ng pagpatay kay Cortes ay di rin malayong magkaugnay. Sa meeting ay lumabas ding naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) si Cortes sa kasong pangigngikil o extortion noong 2006 at nasampahan ng dalawang kaso ng libel noong 2015 at 2017.
Ano man ang mga dahilan sa mga kasong nabanggit, itinuturing ng PTFoMS na ang pagpaslang sa biktima ay di pa rin makatarungan. Kaya di titigil ang task force at ipinangako na namin sa pamilya ni Cortes na mahaharap sa hustisya ang lahat ng sangkot sa krimen na ito.
Magsasagawa rin ang PNP ng otopsiya upang malaman ang talagang dahilan ng kanyang pagkamatay bukod pa sa mga kuha ng CCTV na nasa lugar ng pinangyarihan upang malaman ang pagkakakilala sa kanyang mga salarin. Kasama na rito ang mga pakikipagusap sa mga naka-saksi sa pamamaslang.
Kaya pinasasalamatan natin sila PCMS Rommel Oporto, hepe ng investigation, Maj. Juanito Balili Alaras, hepe ng station 11 at PSSg Renato Baldo. Ang aking pagpupugay ay sumainyo mga sir. Ang inyong pagiimbestiga sa kaso ay pihadong malaki ang maitutulong sa mabilis na pagkakakalutas ng pamamaslang kay Cortes.
Sama-sama nating hukayin ang kailaliman ng pamamasalang, upang maisiwalat ang mga balasubas na gumawa ng krimen na ito. Siyanga pala, pasalamatan na rin natin ang pagtutok ng Commission on Human Rights sa krimeng ito dahil gumagawa rin daw sila ng sariling pagsisiyasat upang matukoy ang dahilan ng pagpatay at mga pagkakakilanlan sa mga taong nasa likuran ng pagpatay kay Cortes.
The post Imbestigasyon sa pagpatay kay Cortes gumugulong na appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: