HINDI seryosong kandidato sa pangulo si Isko Moreno. Dahil binatikos ni Rodrigo Duterte sa lingguhang pagharap sa telebisyon noong hatinggabi ng Martes, nabigyan ng stature, o katayuan si Isko. Nagkaroon ng kahalagahan ang kanyang paglitaw sa halalan ng 2022. Maaaring tumakbo sa mas mataas na posisyon ang alkalde ng Maynila.
Hindi oposisyon si Isko. Kabilang siya sa mga pumoposisyon sa 2022. Mas pro-administrasyon si Isko dahil sa mga pahayag. Kinampihan o nanahimik sa mga kontrobersyal mapang-abusong polisiya ni Rodrigo Duterte. Wala siyang bukambibig kundi ang proyektong pagbabakuna ng mga mamamayan ng siyudad ng Maynila.
Gayunpaman, inaasahan sa kanya ang proyekto. Hindi matatalikuran sapagkat kailangan. Kailangan ang bakuna sapagkat isa ang Maynila na may mataas na bilang ng mga nagkasakit ng Covid-19. Dikit-dikit ang kabahayan sa Maynila at madaling kumalat ang sakit. Kailangan talaga ng proteksyon sa mapanganib na sakit. Community transmission ang humaharap sa Maynila.
Tagumpay na nalinis ang Maynila sa umpisa ng pag-upo sa City Hall. Iniwan ni Erap Estrada ang Maynila na mapanghi dahil sa kapabayaan, kakuparan, at katamaran. Dito nagtagumpay si Isko dahil hindi kailangan ng matinding imahinasyon ang paglilinis ng Maynila. Kailangan na agresibo ang pinuno upang malinis ang pagkarumi-ruming siyudad.
Walang narinig na adbokasiya o batikos ang Malacanang mula kay Isko. Hindi alam ni Isko kung ano ang sasabihin. Matindi ang kasalatan ni Isko pagdating sa pambansang politika. Wala siyang alam sa national politics. Walang naiintindihan sa pamamalakad sa usaping pambansa.
Kaya nagtataka kami at binakbakan siya ni Duterte noong Martes. Kinalikot ni Duterte ang kanyang nakalipas – pati ang kanyang pagiging “call boy” umano. Alam ng madla ang mundong pinanggalingan ni Isko. Dati siyang showbiz at kabilang sa mga alaga ng namayapang German Moreno, ang impresario ng mga katabaan na may hilig sa aliwan at pag-aartista. Dahil kay Duterte, sumikat si Isko. Tumanyag kahit hindi niya hanap ang katanyagan.
May motibo si Duterte sa pagbanat kay Isko? Kamakailan, binanggit si Isko bilang katambal ni Sara Duterte. Matunog ang tambalang Sara-Isko dahil galing sa hilaga si Isko at timog, si Sara. Nang hindi nasustenahan ang tambalan, biglang kumambiyo si Isko at nakipagnegosasyon kay Leni Robredo. Mistulang trapo si Isko sa pagbaligtad. Kaya galit ang trapo sa kapwa trapo.
Hindi kami sang-ayon na bigyan ni Leni ng atensyon si Isko. Walang natatanging galing si Isko at bangkarote ang pag-iisip. Hindi makakatulong si Isko sa oposisyon sapagkat wala siyang ideya upang bigyan ng halaga ang katayuan ng oposisyon sa bansa. Noong kinapanayam siya ng mga alumni ng Ateneo University, tinanong ang kanyang konsepto ng “healing presidency.”
Nabisto si Isko na wala siyang malinaw na konsepto ng healing presidency, o panguluhan na maghihilom ng sugat na ginawa ni Duterte. Isinagot niya na hindi siya maghaharap ng anumang asunto kay Duterte at mga kasapakat. Hahayaan niya na bumaba sa poder si Duterte at mga kasama. Wala lang – kung gagamitin ang salita ng mga bata. Sa maikli, hindi niya papanagutin si Duterte sa kanyang mga krimen sa bayan.
Sa maikli, bale-wala kay Isko ang libo-libong mga pinatay sa madugo ngunit bigong digmaan kontra droga, ang pagtalikod sa Filipinas at pagkiling sa Tsina sa usapin ng West Philippine Sea, ang pagkawala sa bilyon-bilyong piso na salapi ng bayan na ginamit umano sa pagsugpo ng pandemya, at pagdarambong sa trilyong salapi ng bayan kada taon – ang pagwasak ng bansa dahil sa kapabayaan at katamaran ni Duterte.
***
MGA PILING SALITA: “No president in the world talks about private parts of people in public. This pervert should go. He brings shame to the presidency.” – Tina Astorga, netizen
“Ang pagbasura ng Supreme Court sa mga petitions kontra sa unilateral withdrawal sa ICC ay nagpapakita lamang na kontrolado ni Duterte ang Supreme Court.” – Don Silvino, netizen
“Someone has named Digong’s late night show as ‘Gabi ng Lagim, Tsismis at Intriga.’” – Sahid Sinsuat Glang, netizen
“Duterte is God’s punishment to an ungrateful people.” – Emily Briones Mollo, netizen
“Kahit sa hinagap hindi ko inakalang magkaka-presidente tayo na ganito ka-burak, kawalang-hya, ka-imoral, ka-bastos, ka-tamad, at ka-tanga, at ka-demonyo. Disenteng mga tao ang mga kapwa ko Filipino.” – Bayani Santos Jr., guro, mamamahayag, manunulat, at makabayan
***
SANAYSAY ito ni Punong Mahistrado Ma. Lourdes Sereno:
SA ROMANS 12 to 13, IISA LAMANG ANG PAPEL NG KAPULISAN: TO PROMOTE GOOD AND STOP EVIL, KAYA PAANO MAGAGAMIT ANG ROMANS 13:1-2 TO JUSTIFY EJK’s NG KAPULISAN NA PROMOTED NG PRESIDENTE?
Walang ibang papel ang kapulisan kundi ang pangalagaan ang kaligtasan at kapayapaan ng taumbayan. Maaari lamang silang sumingil ng buhay kung ang buhay nila ay nanganganib sa sagupaan ng pwersa at armas – tinatawag itong self-defense. Anything else is evil and illegal. Hindi maaaring sabihin lang na: “Nanlaban Kasi!”
Ang mga tanong: Kinailangan ba talagang patayin? Hindi ba pwedeng sa paa na lang pinaputukan? Proportionate ba ang response o sobra? Saan ba daw pinaputukan ang pulis ng mga namatay? Ilan sila laban sa pwersa ng kapulisan?
Sa UN Report, na-obserba na ang pare-parehong baril ay ginamit sa ilang sitwasyong tinawag na “nanlaban” ang namatay, ayon sa pulis. Meron namang ang mga baril ay nasa kamay na hindi pangunahing ginagamit ng namatay. At maraming mga testigong nagsabi na nakaluhod at nagmamakaawa pa ang mga biktima at pinatay in cold-blood ng mga pulis.
Ngayon, kung may mga religious leaders pa rin na hanggang ngayon ay nagju-justify pa rin ng EJKs by using Romans 13:1-2 para ikondena lahat ng biktima ng kapulisan kasi “nanlaban,” napakalaking kasalanan na iyan sa Diyos at batas. Wala ni isang katiting na katuruan sa Bibliya na nagju-justify ng EJKs. There is nothing but condemnation in the Word of God for wanton killings!
Walang Pilipinong hindi mananagot sa ginawa niya o di-ginawa sa mga panahong ito. Lalung-lalo na, kung siya ay nagsasabing Kristyano siya. Sa mga mahal kong pastor at pari, saan po napupunta ang ating mga tupa? Nagagalak po ba sila at pinapalakpakan ang walang humpay na patayan? Manhid na po ba ang mga tupa ni Kristo sa dugo sa ating mga kalye? Hindi po ba natin naaalala na para sa bawat Pilipino ay inialay ni Kristo ang Kaniyang dugo upang tayo ay mamuhay ng may pagmamahalan at hindi itong malawakang patayan?
***
Email:bootsfra@yahoo.com
The post ‘Katayuan’ ni Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: