UMORDER pa ang kabisera ng bansa nang karagdagang 500 oxygen tanks bukod pa sa 750 na naka-stock upang matiyak na ang mga pagamutan na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan ng Maynila ay may kahandaan sakaling dumating ang worst scenario, habang ang Manila COVID-19 Field Hospital (MCFH) ay 94 porsyento nang puno.
Sa kanyang live broadcast, binanggit ni Moreno ang ulat mula kay MCFH Director Dr. Arlene Dominguez na nagsasabing 323 sa 344 kama ay okupado na at 11 kama na lamang ang natitira hanggang Miyerkules ng gabi.
“Sa mga frontliners, doctors at nurses, alam ko, nabubulunan na kayo. Salamat at sa Maynila ay nakapagtatag tayo nang mabilisan ng 7th hospital na ngayon ay 94 percent nang puno. Patuloy ang paglago ng kaso, malapit nang mapuno ngunit sa kabilang banda, siya namang nabawasan ang mga pasyente sa ating mga ospital at nabigyan ng sapat na atensyon ang mga moderate, severe and critical so napagaan ang trabaho ng mga nurses and doctors dala nang na-segregate ‘yung lebel ng impeksyon,” sabi ni Moreno .
Maliban sa mga oxygen tanks, sinabi ni Moreno na bumili rin ang lungsod ng Remdesivir at Tocilizumab na mamahalin at mahirap makitang gamot at nakakasalba ng buhay ng mga pasyenteng may COVID-19 na critical o severe ang kundisyon.
Ayon pa sa alkalde may aral na mapupulot mula sa mga pangyayari sa bansang India, Malaysia at Indonesia kung saan nagkaroon ng shortage ng oxygen tanks at naging malaking problema at naging dahilan din ng pagkamatay ng marami.
Ang mga inorder na oxygen tanks ay karagdagan din sa mga high-end machines at iba pang medical equipment na binili ng lungsod at dumating na may tatlong linggo na ang nakakaraan.
Nabatid na ang 750 oxygen tanks na ginagamit sa Maynila ay naglalaman ng 50 liters kada isang tangke
Sinabi rin ni Moreno na ang total COVID bed capacity ng city-owned hospitals ay nasa 47 percent na at ang occupancy rate sa quarantine facilities ay 20 percent naman.
Samantala ay pinuri Moreno ang Manila Social Welfare Department sa pamumuno no Re Fugoso sa tagumpay, maayos, episyente at mabilis na pamamahagi ng ayuda mula sa national government sa ilalim social amelioration program o SAP.
Hanggang alas-5 ng hapon nitong Miyerkules, August 11, sinabi ni Moreno na may 13,903 pamilya na ang tumanggap ng kanilang ayuda.
Ang listahan ng mga tatanggap ay naka-post sa social media account ng alkalde. (ANDI GARCIA)
The post Maynila umorder pa ng 500 oxygen tanks, bilang paghahanda sa worst scenario appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: