INSPIRASYON SA BUHAY: “…May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niyo ang pinuno ng inyong simbahan, at pahiran kayo ng langis, at ipanalangin kayo. Ibabangon ng Diyos mula sa banig ng karamdaman ang mga maysakit na mapapahiran ng langis…”(Santiago 5:14-15, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
MAS MATINDING PAGKAKAHAWA-HAWA SA COVID 19 SA PILIPINAS, TUMAAS NG HANGGANG 50%: Lumalakas ng buong tindi ang paghahawaan ng Covid 19 ng mga Pilipino sa kasalukuyan, at ipinakikita ito ng 59 na porsiyentong pagtaas ng bilang ng mga nahahawa sa lahat ng antas ng lipunan sa bansa, ayon sa pahayag ng Department of Health o DOH noong umaga ng Agosto 09, 2021.
Ang nakikitang dahilan ng DOH ng pagtaas na ito ng bilang ng mga tinatamaan ng virus ay ang pagkakaroon Covid 19 ng mga mas makamandag at mas madaling makahawang mga uri o variants, gaya ng umiiral na Delta variant at ng papasok na Lambda variant.
Batay sa mga bagong datos, naitala ang pagtaas ng bilang mga nahahawa sa pagitan ng Julio 13 at Julio 25, at ang pinakamatinding tinamaan ay ang mga nasa pagitan ng edad na 30 hanggang 39. Samantala, pinakamababa naman ang bilang ng mga nahahawa sa mga Pilipinong may edad ng walumpong taon, pataas.
Ayon sa mga dalubhasa, napakatindi ng nakikita nilang pagkakahawa ng mga Pilipino, kahit na mas pinaigting pa ng pamahalaan ang mga pagkilos nito upang labanan ang paglilipat-lipat sa mga tao ng Covid 19 kaya’t dapat na silang magpabakuna. Magkaganunman, sa ulat ng DOH kahapon, hindi pa ito naglalabas ng detalye sa eksaktong bilang ng mga tinatamaan o nahahawa ng Covid 19 at ng kaniyang iba pang mga variants.
***
MGA BATA AT TEEN-AGERS SA BANSA, BABAKUNAHAN NA DIN DAHIL SA PAGTAAS NG COVID 19 INFECTION SA MGA KABATAAN: Lumilitaw na ang mga bagong pagbubunyag na ito ng DOH ay ginawa nito matapos ang mga panawagan ng maraming mga grupo, na humihinging maisama sa mga babakunahan ng gobyerno ang mga teen-agers at iba pang mga kabataang Pilipino.
Ang mga panawagan ay inilabas ng nasabing mga grupo noong magkaroon ng ulat na ang infection rate sa bansa ay biglang tumaas ng dalawampung porsiyento, bunga ng pananalasa ng Delta variant.
Mula noong Marso 2021, nagsasagawa na ang gobyerno ng pagbabakuna ng mga medical workers, mga matatanda at mga senior citizens, mga mamamayang may delikadong mga karamdaman o co-morbidities, mga essential wokers, at mga mahihirap na matatanda.
Samantala, niliwanag naman ni Secretary Carlito Galvez, ang pambansang tagapamahala sa pagbabakuna, na mag-uumpisa ang pamahalaan sa pagbabakuna laban sa Covid 19 sa mga bata at mga teen-agers sa pagtatapos ng buwan ng Setyembre o ng Oktubre.
***
MAGPABAKUNA NA KONTRA COVID 19, PANAWAGAN NG MGA DALUBHASA SA MGA PILIPINO: Ipinahayag ito ni Galvez noong Linggo sa Ninoy Aquino International Airport, kung saan pinangunahan niya ang pagtanggap ng gobyernong Duterte ng tatlong daang libong bakuna mula sa Moderna.
Sa kanyang pahayag sa media, sinabi ni Galvez na ipinanukala na ng kaniyang ahensiya ang pagbabakuna sa lalong madaling panahon sa mga bata at mga teen-agers, dahil nakikita na nila diumano na kasama na ang mga bata sa mga tinatamaan ng matinding covid 19 virus at ng mga variants nito.
Noong una, hindi isinasama ng gobyerno ang mga bata sa mga babakunahang mamamayan, pero naglalabasan na ang mga ulat na dumarami ang mga kabataang nagkakasakit dahil sa virus. Ang panukala nina Galvez na bakunahan na din pati ang mga bata ay isinumite na diumano nila sa National Immunization Technical Advisory Group o NITAG.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan sina galvez sa Pfizer upang makabili ang Pilipinas ng bakuna para sa mga kabataang mababa ang edad sa labin-limang taong gulang. Inulit din ni Galvez na kailangan ng magpabakuna ang lahat ng mamamayan, dahil mula sa hanay diumano ng mga di nagpapabakuna nananalasa ng husto ang Delta variant.
***
REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, https://ift.tt/3jq7483, https://ift.tt/2Vmhld1, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.
The post “Magpabakuna na kayo laban sa Covid-19” appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: