KINILALA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa mabilis nitong pamimigay ng ayuda sa ilalim ng special amelioration program (SAP) ng national government.
Labis na pinasalamatan ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagkilala kung saan itinuro niya ang Manila Social Welfare Department sa pamumuno ni Re Fugoso na siyang dahilan nang matagumpay at mabilis na distribusyon ng SAP.
Tinanggap ni Moreno ang karangalan na may petsang June 30, 2021 na ibinigay ni DILG Secretary Eduardo Ano na nagsasaad ng : “in recognition for your efficient and timely completion of the distribution of Ayuda to your constituents despite of the challenges of the pandemic, in accordance with the DSWD-DILG-DND Joint memorandum Circular 1, Series of 2021.”
Ayon kay Moreno, ang nasabing pagkilala ay magbibigay inspirasyon sa pamahalaang lungsod at sa mga kawani na ipagpatuloy pa ang pagsisikap na makapaglingkod sa mga Manileño.
Ang karangalan ay ipinagkaloob sa Maynila dahil sa mabilis, maayos at episyenteng pamamahagi ng SAP sa lungsod noong Mayo kung saan 100 porsyentong nakumpleto ang pamamahagi nito nang higit na maaga sa itinakdang deadline ng national government .
Ibinahagi rin ng alkalde ang karangalan sa mga daycare workers at social workers na nagtrabaho upang matapos ang distribusyon sa loob ng 35 araw ng operasyon.
Mula sa ulat na ipinadala ni Fugoso, sinabi ng alkalde na may kabuuang 380,820 pamilya ang nakatanggap ng P4,000 bawat isa bilang ayuda mula sa national government.
Pinasalamatan din ni Moreno ang Pangulong Rodrigo Duterete, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of National Defense (DND) para sa mahigit na P1.5 billion na ibinigay sa lungsod na 100 porsyentong naipamudmod bago pa dumating ang itinakdang deadline.
Samantala ay inanunsyo ni Moreno ang magandang balita na nakahanap na ang pamahalaang lungsod ng Maynila nang kinakailangang salapi upang matiyak na ang lahat ng pamilya ay makakatanggap ng SAP tulad nang tinanggap nila ayuda noong Mayo ngayong nasa ilalim ng ECQ.
Nabatid na nai-download na ang P1,488,630,000 ng Department of Social Welfare and Development sa Maynila noong isang linggo.
Sa kabila na nagpapasalamat si Moreno sa national government para sa ayudang ibinigay sa Maynila ay ipinaliwanag ng alkalde na ang halaga na ibinigay noong Abril ay P1,523,278,000.
Dahil dito ay sinabi ni Moreno na 8,662 pamilya ang hindi makakatanggap ng halagang P4,000 bawat isa o 43,000 bibig ang magugutom kaya naman kinausap niya si Fugoso na maghanap ng karagdagang P35 million na siyang pupuno sa kakulangan para ang 380,820 pamilya na dating nakatanggap ng SAP o ayuda ay muli pa ring makatanggap sa ngayon. (ANDI GARCIA)
The post Maynila, kinilala ng DILG sa mabilis na pagbibigay ng ayuda — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: